Lumalawak ang Tunay na Pagsamba sa Silangang Europa
1 Ang unang-siglong mga Kristiyano ay masisigasig na mangangaral ng Kaharian. Sila’y nagagalak kapag ang mga kongregasyon ay ‘dumarami ang bilang sa araw-araw.’ (Gawa 16:5) Ang kanilang pangangaral nang may katapangan ang nagdala ng tunay na pagsamba sa Asia, Aprika, at Europa, na nagbunga ng saganang ani ng mga mananampalataya.
2 Sa panahong ito ng kawakasan, ang tunay na pagsamba ay patuloy na lumalawak, lalo na sa mga lupain ng Silangang Europa. Sa mga bansa kung saan tayo noon ay nasa ilalim ng mga pagbabawal ng pamahalaan hanggang sa pasimula ng mga taon ng 1990, ating nararanasan ngayon ang mga pambihirang pagsulong. Ang 1999 Yearbook ay nagsisiwalat na dalawa sa gayong mga bansa, ang Russia at Ukraine, ay kapuwa nag-ulat ng mahigit sa 100,000 mamamahayag sa pangmadlang ministeryo. Sa 15 teritoryo ng dating Unyong Sobyet, mahigit sa 220,000 katao ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at nabautismuhan mula noong 1991! Ang mabilis na pagsulong na ito ang naging dahilan upang magtayo ng maraming bagong Kingdom Hall at Assembly Hall at magpalawak ng ilang pasilidad ng sangay.
3 Ang isang bahagi ng Kingdom Hall Fund ng Samahan ay ginagamit na ngayon upang pahiramin ang mga kongregasyon sa mga lupain na may apurahang pangangailangan para sa karagdagang mga Kingdom Hall subalit limitado lamang ang pondo at may matitinding suliranin sa kabuhayan. Sa pagitan ng Marso 1996 at Oktubre 1998, inaprobahan ng Samahan ang 359 na kahilingan para sa Kingdom Hall loan mula sa mga tanggapang pansangay na nangangasiwa sa 11 lupain sa Silangang Europa. Ang iniabuloy na mga pondo ay ginagamit sa pagbili ng lupa at mga materyales sa pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall at sa pagtulong sa mga kongregasyon na mabago ang mga dating pasilidad. Ang ipinakikitang mga larawan dito ay nagbibigay sa atin ng ideya kung paanong ang mga kontribusyon sa Kingdom Hall Fund ng Samahan sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa ay nakatulong sa ating mga kapatid sa Silangang Europa.
4 Noong 1998, ang Bulgaria ay nakaranas ng 12-porsiyentong pagsulong, at ang mga kapatid ay nagalak nang ang kanilang unang Kingdom Hall ay inialay noong Abril ng taóng iyon. Ang Croatia ay nagtamasa ng 4-na-porsiyentong pagsulong, at sa kasalukuyan ang mga kapatid doon ay nagtatayo ng marami pang Kingdom Hall, upang pasulungin ang tunay na pagsamba. Sa Hungary, mga 80 Kingdom Hall ang ginagamit ng 144 na kongregasyon. Ito’y nangangahulugan na sa 235 mga kongregasyon sa bansang iyon, 61 porsiyento ang may sariling dako ng pagsamba. Sa Macedonia, ang programa para sa konstruksiyon ng mga Kingdom Hall ay nakapagpatapos ng dalawang bagong bulwagan, at marami pa ang ginagawa sa kasalukuyan. Sa tag-araw ng 1999, isang dobleng Kingdom Hall ang natapos sa kabiserang lunsod ng Skopje. Ang bulwagang ito ay may sapat na laki para sa di-kukulangin sa anim na kongregasyon.
5 Noong nakaraang taon sa Russia, may aberids na mahigit sa 260 katao ang nabautismuhan bawat linggo! Sa pagtulad sa paraang ginamit sa ibang bansa, ang sangay sa Russia ay nagkapag-organisa ngayon ng 12 Regional Building Committee sa malawak nilang teritoryo upang suportahan ang mga proyekto sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa hinaharap. Sa hilagang bahagi ng St. Petersburg, kasalukuyang itinatayo ang kauna-unahang Assembly Hall sa bansang iyon, na may upuan para sa 1,600. Ang pasilidad ay magkakaroon din ng limang Kingdom Hall na may tig-200 upuan bawat isa. Upang matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng ating mga kapatid at ng maraming mga taong interesado sa Ukraine, 84 na Kingdom Hall ang natapos na at 80 pa ang kasalukuyang ginagawa.
6 Hindi ba’t ang pagsulong na ito sa Silangang Europa ay nagdudulot ng kagalakan sa ating puso? Saanman tayo nakatira, ang pagsulong ng tunay na pagsamba ay nagpapagunita sa atin na ang Diyos ay hindi nagtatangi at na ang kaniyang pagbabata ay mangangahulugan ng kaligtasan para sa “isang malaking pulutong.” (Apoc. 7:9; 2 Ped. 3:9) Kay inam na pribilehiyo ang taglay natin na magkaroon ng isang maliit na bahagi sa espirituwal na pagsulong ng iba, kahit na sa mga naroon sa malalayong lupain! Ang Kawikaan 28:27 ay tumitiyak sa atin na “siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin.” Ang ating kusang pagtulong upang matakpan ang mga gastos sa konstruksiyon ay nagbubunga ng “pagpapantay-pantay” ng materyal na mga bagay, na nagpapangyaring ang lahat ay makalasap ng kaligayahan na nagmumula sa pagbibigay at sa kagalakan na dulot ng pagkakita na ang tunay na pagsamba ay lumalawak sa buong daigdig.—2 Cor. 8:14, 15; Gawa 20:35.
[Larawan sa pahina 3]
Săcele, Romania
[Larawan sa pahina 3]
Maardu, Estonia
[Larawan sa pahina 3]
Sevnica, Slovenia
Larawan sa pahina 3]
Tiszavasvári, Hungary
[Mga larawan sa pahina 4]
Jūrmala, Latvia
[Mga larawan sa pahina 4]
Tallinn, Estonia
[Larawan sa pahina 4, 5]
Taurage, Lithuania
[Mga Larawan sa pahina 4, 5]
Belgrade, Yugoslavia
[Mga larawan sa pahina 5]
Prievidza, Slovakia
[Larawan sa pahina 5]
Mátészalka, Hungary
[Mga larawan sa pahina 6]
Vranov nad Topl’ou, Slovakia
[Larawan sa pahina 6]
Ruma, Yugoslavia
[Mga larawan sa pahina 6]
Tornakalns, Latvia