“Lubusang Ipangaral ang Salita ng Diyos”
1 Kung taimtim mong pinahahalagahan ang tinatanggap mong mabuting bagay, hindi mo ba ipinakikita iyon sa pamamagitan ng iyong saloobin at mga pagkilos? Mangyari pa! Hinggil sa kabutihan at maibiging-kabaitan na ipinaaabot ni Jehova sa sangkatauhan, pansinin kung ano ang naging reaksiyon ni apostol Pablo. Siya’y bumulalas: “Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad”! Ano ang kasali sa “kaloob na walang bayad” na iyan? Sa lahat ng “nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” na ipinakita sa atin, ang pinakadakilang kapahayagan nito ay ang pagkakaloob ng kaniyang sariling Anak bilang pantubos sa ating mga kasalanan.—2 Cor. 9:14, 15; Juan 3:16.
2 Ang pasasalamat ba ni Pablo ay sa salita lamang? Hinding-hindi! Ipinakita niya sa maraming paraan ang kaniyang malaking pagpapahalaga. Siya’y lubhang nabahala sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano at nagnais na gawin kung ano ang kaniyang makakaya upang tulungan sila na lubos na makinabang mula sa maibiging-kabaitan ng Diyos. Hinggil sa mga ito, sinabi ni Pablo: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” (1 Tes. 2:8) Bukod sa pagtulong sa mga kabilang na sa kongregasyon na matiyak ang kanilang kaligtasan, walang pagod na ipinangaral ni Pablo ang mabuting balita, anupat naglakbay siya ng libu-libong kilometro sa katihan at sa karagatan upang hanapin ang “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Ang malaking pagpapahalaga ni Pablo sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kaniya ay nagpakilos sa kaniya “upang ipangaral nang lubusan ang salita ng Diyos.”—Col. 1:25.
3 Hindi ba’t ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin ay nagpapakilos sa atin upang mag-alok ng espirituwal na tulong doon sa mga nangangailangan ng tulong sa ating kongregasyon? (Gal. 6:10) At hindi ba tayo napakikilos na magkaroon nang lubos na bahagi hangga’t maaari sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong teritoryo natin?—Mat. 24:14.
4 Isang Pagkakataon Upang Ipakita ang Pagpapahalaga: Bawat taon ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng isang pantanging pagkakataon upang ipakita ang pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Ito’y hindi basta isang pagtitipon o memoryal lamang ng isang pangyayari. Sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc. 22:19) Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay isang okasyon upang bulay-bulayin kung anong uri ng persona si Jesus. Iyon ay isang panahon upang kilalanin na siya ay buháy at aktibo sa ngayon, taglay ang kaluwalhatian at pagkahari na ibinigay sa kaniya dahil sa kaniyang tapat na landasin ng pamumuhay at pagsasakripisyo. Ang pag-alaalang ito ay isa ring pagkakataon upang ipakita ang ating pagpapasakop sa pagkaulo ni Kristo habang pinangangasiwaan niya ang mga bagay-bagay at mga gawain ng kongregasyong Kristiyano. (Col. 1:17-20) Ang buong bayan ng Diyos ay dapat na buong-pagpipitagang naroroon sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Sa taóng ito, idaraos ito pagkalubog ng araw sa Huwebes, Marso 28, 2002.
5 Dahil sa marubdob na pagsisikap na isinagawa bago ang pagdiriwang ng Memoryal noong nakaraang taon, tayo ay nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng dumalo kailanman na 424,306 sa sangay sa Pilipinas. Ilan kaya ang dadalo sa taóng ito? Malaki ang nakasalalay sa ating ‘pagpapagal at pagpupunyagi,’ na tinutulungan ang marami na makadalo hangga’t maaari.—1 Tim. 4:10.
6 Bukod sa pagdalo sa Hapunan ng Panginoon, maaari pa nating mapasulong ang ating gawain sa paglilingkod sa larangan. Walang alinlangan, sampu-sampung libo sa mga kapatid ang mag-o-auxiliary pioneer sa loob ng isang buwan o mahigit pa. Bawat taon sa nakaraang limang taon, nagkaroon tayo ng katamtamang bilang na 41,618 auxiliary pioneer sa panahon ng Memoryal, mula Marso hanggang Mayo. Noong 2001 ang bilang ay 33,802, na mas mababa kaysa sa katamtaman. Maaari mo bang isaayos ang iyong gawain upang tamasahin ang pribilehiyo ng pag-o-auxiliary pioneer sa taóng ito? Ito ay magiging isang mainam na paraan upang ipakita ang iyong taimtim na pagpapahalaga sa hain ni Kristo na maibiging inilaan ng Diyos. Makatitiyak ka ng pagpapala ni Jehova, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan.
7 Isang kapatid na babae na nagtatrabaho nang buong panahon ang sumulat hinggil sa kaniyang karanasan sa pag-o-auxiliary pioneer noong nakaraang Marso: “Ang Pebrero 2001 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpasigla sa lahat ng nasa kalagayang mag-auxiliary pioneer sa panahon ng Memoryal. Yamang ang Marso ay may limang Sabado, ito ay angkop na angkop sa aking iskedyul. Kaya nagpasiya akong isumite ang aking aplikasyon.” Habang pinasisimulan niya ang buwan, nagtakda siya ng tunguhin para sa sarili na pagsikapang makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nagtagumpay ba siya? Oo, sa kaniyang ika-52 oras ng pagpapatotoo sa buwang iyon! Ang kaniyang konklusyon? “Kamangha-mangha ang mga pagpapala kapag gumagawa tayo ng ekstrang pagsisikap.”
8 Kumusta naman ang kapakinabangan ng isang pamilya na magkakasamang nagpapayunir? Isang pamilya na binubuo ng apat na katao na gumawa nang gayon noong nakaraang Abril ang nakasumpong na iyon ay isang buwan na hindi malilimutan. Sabi ng ina: “Napakapositibong pangmalas ang tinaglay namin sa bawat araw, yamang kami’y nagkakaisa sa ministeryo! Naging lubhang kasiya-siya ang aming hapunan dahil sa pag-uusap hinggil sa pang-araw-araw na mga gawain namin sa paglilingkod.” Ganito ang sabi ng anak na lalaki: “Nasiyahan ako sa paggawang kasama ni Dad sa paglilingkod sa larangan sa loob ng sanlinggo, na sa panahong iyon ay karaniwan na siyang nagtatrabaho nang sekular.” Dagdag naman ng ama: “Bilang ulo ng pamilya, ako ay nakadama ng kasiyahan sa pagkaalam na ginagawa naming sama-sama ang pinakamahalagang gawain sa ating panahon.” Maaari bang sama-samang magpayunir ang inyong pamilya? Bakit hindi mag-usap ang pamilya at tingnan kung posible para sa inyong buong sambahayan na mag-auxiliary pioneer sa panahong ito ng Memoryal?
9 Maaari ba Nating Gawin ang Marso na Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman? Ang insert ng Marso 2000 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagbangon ng katanungan: “Magagawa ba Natin ang Abril 2000 na Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman?” Ano ang naging tugon? Nalampasan natin ang ating nakaraang pinakamataas na bilang ng mamamahayag at bilang ng dumalo sa Memoryal, at 19,704 ang nakibahagi sa pag-o-auxiliary pioneer nang buwang iyon. Napasulong din nito ang bilang ng oras, naipasakamay na mga magasin, at mga pagdalaw-muli, at ang ating mga pag-aaral sa Bibliya ay umabot sa 100,156. Natatandaan ba ninyo ang kasiglahang idinulot sa inyong kongregasyon ng biglang pagbugsô ng espirituwal na gawain noong pantanging buwang iyon? Maaari ba nating mapantayan o malampasan pa sa taóng ito ang mga naisagawang iyon? Sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap ng lahat, ang Marso 2002 ay maaaring maging ang “Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman.” Bakit ang Marso?
10 May dalawang dahilan kung bakit ang Marso ay dapat na maging isang pantanging buwan ng gawain. Una, ang Memoryal ay idaraos sa bandang katapusan ng Marso, na nagbibigay sa atin ng sapat na pagkakataon sa pasimula ng buwan na mag-anyaya sa pinakamarami hangga’t maaari na makadalo. Ikalawa, ang Marso sa taóng ito ay may limang buong sanlinggo, anupat ginagawang mas madali ang mag-auxiliary pioneer para roon sa mga may sekular na trabaho o pumapasok sa paaralan. Bakit hindi maupo ngayon at planuhin ang isang praktikal na iskedyul, na ginagamit ang inilaang kalendaryo sa insert na ito? Ang pag-o-auxiliary pioneer ay maaaring mas madali kaysa sa inaakala ninyo. Halimbawa, sa pamamagitan ng pag-iiskedyul ng 8 oras na paglilingkod sa larangan sa bawat isa sa limang dulong sanlinggo, kakailanganin lamang ninyo na mag-iskedyul ng karagdagang 10 oras sa natitirang bahagi ng buwan upang maabot ang kahilingang 50 oras.
11 Ano ang maaaring gawin ng matatanda upang tulungan ang lahat sa kongregasyon na “lubusang ipangaral ang salita ng Diyos”? Magpasigla sa pamamagitan ng mga bahagi sa pulong at sa personal na mga pakikipag-usap. Ang mga tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at ang kanilang mga katulong ay maaaring manguna sa pakikipag-usap sa bawat isa na nakaatas sa kanilang grupo at mag-alok ng personal na tulong. Baka ilang may-kabaitang pananalita ng pampatibay-loob o ilang praktikal na mga mungkahi ang kakailanganin lamang. (Kaw. 25:11) Makikita ng marami na sa pamamagitan ng kaunting pagbabago sa kanilang iskedyul, maaari nilang tamasahin ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga auxiliary pioneer. Sa ilang kongregasyon, ang karamihan, kung hindi man lahat ng matatanda at mga ministeryal na lingkod at ang kani-kanilang mga asawa ay nagpakita ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng sama-samang pag-o-auxiliary pioneer sa panahon ng Memoryal. Ito ay nagpasigla sa maraming mamamahayag na sumama sa kanila. Dahil sa pisikal na mga limitasyon o iba pang mga kalagayan, ang ilang mamamahayag ay maaaring hindi makapagpayunir, subalit maaari silang pasiglahing magpakita ng kanilang pagpapahalaga sa pamamagitan ng paggawa ng buong makakaya nila sa ministeryo kasama ng iba pa sa kongregasyon.
12 Ang tagumpay ay nakasalalay sa maingat na pagpaplano sa bahagi ng matatanda. Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay dapat na iiskedyul sa kombinyenteng mga panahon sa buong sanlinggo. Kung posible, dapat na patiunang atasan ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki upang mangasiwa sa lahat ng pagtitipon bago maglingkod. Ang mabuting paghahanda ay kakailanganin upang ang mga pagtitipong ito ay hindi lumampas sa 10 hanggang 15 minuto, lakip na ang pag-oorganisa sa mga grupo, pag-aatas ng teritoryo, at pananalangin. (Tingnan ang “Tanong” sa Setyembre 2001 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.) Ang iskedyul ng gawain para sa buwan ay dapat na buong linaw na ipaliwanag sa kongregasyon at ipaskil sa patalastasan.
13 Dapat na magkaroon ng sapat na teritoryo. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay dapat na makipag-usap sa kapatid na humahawak ng mga teritoryo upang bumuo ng mga kaayusan sa paggawa sa mga hindi malimit na nakukubrehan. Dapat bigyang-diin ang paggawa sa mga wala-sa-tahanan, pagpapatotoo sa mga lansangan at sa mga tindahan, at pagpapatotoo sa gabi. Kung angkop, ang ilang mamamahayag ay maaaring tulungang magpatotoo sa pamamagitan ng telepono.
14 Tulungan Silang Muling Maglingkod: May sinuman ba sa teritoryo ng inyong kongregasyon na hindi na aktibong nangangaral ng mabuting balita? Ang mga ito ay bahagi pa rin ng kongregasyon at nangangailangan ng tulong. (Awit 119:176) Yamang ang katapusan ng matandang sanlibutang ito ay napakalapit na at ang bagong sanlibutan ay nasa unahan na, taglay natin ang mabuting dahilan upang gawin ang buong makakaya para tulungan ang mga naging di-aktibo. (Roma 13:11, 12) Dito sa Pilipinas sa nakaraang limang taon, mahigit sa 3,150 katao bawat taon ang tumugon sa tulong at muling naging aktibo. Ano ang maaari nating gawin upang tulungan ang mas marami pa na muling paningasin ang pag-ibig at pagtitiwala na taglay nila sa pasimula?—Heb. 3:12-14.
15 Nanaisin ng matatanda na pag-usapan kung paano nila matutulungan ang mga naging di-aktibo sa nakaraang ilang taon. (Mat. 18:12-14) Dapat na suriin ng kalihim ang mga Congregation’s Publisher Record card at itala yaong mga naging di-aktibo. Isang pantanging pagsisikap ang dapat na isagawa sa pamamagitan ng kaayusan ng pagpapastol upang makapagbigay ng tulong. Maaaring naisin ng isang matanda na dalawin ang isang mamamahayag dahil sa pagiging dating kakilala at kasama ng isang iyon, o maaaring hilingin na tumulong ang ibang mga mamamahayag. Marahil sila ang nakipag-aral sa isa na hindi na aktibo ngayon at magpapaunlak sa pagkakataong makagawa ng pantanging tulong sa panahong ito ng pangangailangan. Sana, marami sa mga naging di-aktibo ang mapakikilos upang magsimulang mangaral muli ng salita ng Diyos. Kung sila’y kuwalipikado, wala nang bubuti pang panahon para magsimula sila kundi sa panahon ng Memoryal!—Tingnan ang “Tanong” sa Nobyembre 2000 ng Ating Ministeryo sa Kaharian para sa karagdagang mga detalye.
16 Kuwalipikado Bang Mangaral ang Iba? Patuloy na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagdadala ng “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hag. 2:7) Bawat taon libu-libo ang nagiging kuwalipikado bilang mga di-bautisadong mamamahayag. Sinu-sino ang mga ito? Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova pati na ang progresibong mga estudyante sa Bibliya. Paano natin malalaman kung sila ay kuwalipikadong maging mga mamamahayag ng mabuting balita?
17 Mga Anak ng mga Saksi ni Jehova: Maraming anak ang sumasama sa kanilang mga magulang sa pagbabahay-bahay sa loob ng maraming taon, bagaman hindi pa sila naglilingkod bilang mga di-bautisadong mamamahayag. Ang Marso ay maaaring isang mabuting panahon upang magsimula sila. Paano ninyo malalaman kung ang inyong anak ay kuwalipikado? Ang pahina 100 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay nagsasabi na iyo’y “kapag ang isang bata ay huwaran sa kaniyang paggawi at nakagagawa na siya ng personal na kapahayagan ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasalita sa iba hinggil sa mabuting balita, na inuudyukan ng kaniyang puso sa paggawa nito.” Kung sa palagay ninyo’y kuwalipikado na ang inyong anak, makipag-usap sa isa sa matatanda na nasa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon.
18 Kuwalipikadong mga Estudyante sa Bibliya: Pagkatapos magkaroon ng kaalaman ang isang estudyante sa Bibliya at makadalo sa mga pulong ng ilang panahon, maaaring naisin niyang maging isang mamamahayag ng Kaharian. Kung ikaw ang nagdaraos ng pag-aaral sa gayong estudyante, isaalang-alang ang mga tanong na ito: Siya ba ay sumusulong, batay sa kaniyang edad at kakayahan? Pinasimulan na ba niyang ibahagi ang kaniyang pananampalataya sa iba sa di-pormal na paraan? Isinusuot na ba niya ang “bagong personalidad”? (Col. 3:10) Naaabot na ba niya ang mga kuwalipikasyon para sa mga di-bautisadong mamamahayag, na nakabalangkas sa pahina 97-9 ng aklat na Ating Ministeryo? Kung oo, dapat kang makipagkita sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon para maisagawa ang mga kaayusan na ang dalawang matanda ay makipag-usap sa iyo at sa estudyante. Kung siya ay naging kuwalipikado, ipababatid sa kaniya ng dalawang matanda na maaari na siyang magsimula na makibahagi sa pangmadlang ministeryo.
19 Kumusta Naman ang Abril at Mayo? Ang mga ito ay magiging pantanging mga buwan din para sa pinalawak na gawain sa ministeryo sa larangan. Ang marami sa mga nag-auxiliary pioneer noong Marso ay maaaring magpayunir muli sa Abril at/o sa Mayo. Sa Abril at Mayo, bibigyan natin ng priyoridad ang pagtatampok ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa ministeryo. Kapaki-pakinabang nga ang naging epekto ng mga ito sa buhay ng mga bumabasa nito! Ang mga magasing ito ay gumanap ng isang mahalagang papel sa pagtatamo ng kamangha-manghang pagsulong na nararanasan sa buong daigdig. Isang pantanging pagsisikap ang isasagawa sa Abril at Mayo upang ialok ang mga magasin sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Magplano na ngayon upang lubusang makabahagi.
20 Dahil sa isinaplanong higit na gawaing pangangaral, kailangan ba ninyong dagdagan ang bilang ng mga magasin na kinukuha ninyo sa kongregasyon? Sa buong taon ng paglilingkod, ating itinatampok Ang Bantayan at Gumising! tuwing Sabado, ang itinakda nating Araw ng Magasin. Gayunman, yamang marami ang makikibahagi sa paglilingkuran bilang auxiliary pioneer at tayong lahat ay magtatampok ng mga magasin sa loob ng buong dalawang buwan, maaaring kailanganin na dagdagan ang inyong pidido ng magasin sa kongregasyon. Kung gayon, pakisuyong ipabatid ito karaka-raka sa lingkod sa magasin ng inyong kongregasyon. Kasabay nito, dapat na tiyakin ng lingkod sa literatura na may sapat na suplay ng tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? para magamit ng lahat.
21 Marami ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa pitak sa Ating Ministeryo sa Kaharian na pinamagatang “Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin.” Pinag-aaralan ba ninyo ang sampol na mga presentasyon sa magasin upang lubusang magamit ang paglalaang ito? Bakit hindi gamitin ang isang bahagi ng inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya bawat linggo upang insayuhin ang mga presentasyong ito?
22 Lubusang Samantalahin ang Panahong ito ng Memoryal: Tulad ni apostol Pablo, ipakita natin kay Jehova kung gaano kalaki ang ating pagpapahalaga sa “kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad” sa pamamagitan ng ating lubusang pakikibahagi sa isinaplanong espirituwal na mga gawain para sa panahong ito ng Memoryal. Kalakip sa mga ito ang (1) pagdalo sa pinakamahalagang okasyon ng taon, ang pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon sa Huwebes, Marso 28, 2002; (2) pagtulong sa mga naging di-aktibo upang mapaningas-muli “ang pag-ibig na taglay [nila] noong una” (Apoc. 2:4; Roma 12:11); (3) pagtulong sa ating mga anak at sa sinumang estudyante sa Bibliya na kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag; at (4) pakikibahagi nang lubusan sa gawaing pag-eebanghelyo hangga’t maaari, maging sa pag-o-auxiliary pioneer sa Marso, Abril, at Mayo kung ipinahihintulot ng inyong mga kalagayan.—2 Tim. 4:5.
23 Marubdob naming dalangin na tayong lahat ay magkaroon ng lubos na bahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa panahong ito ng Memoryal, anupat ipinakikita ang tindi ng ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin.
[Kahon sa pahina 6]
Personal na Iskedyul ng Paglilingkod sa Larangan Para sa Marso 2002
Linggo Lunes Martes Miyerkules Huwebes Biyernes Sabado
1 2
Araw ng Magasin
3 4 5 6 7 8 9
Araw ng Magasin
10 11 12 13 14 15 16
Araw ng Magasin
17 18 19 20 21 22 23
Araw ng Magasin
24 25 26 27 28 29 30
MEMORYAL Araw ng Magasin
PAGKALUBOG
31 NG ARAW
Maaari ka bang mag-iskedyul ng kabuuang 50 oras sa pag-o-auxiliary pioneer sa Marso?