Pantanging Kampanya sa Pamamahagi ng Bagong Brosyur
1 Maraming tao sa ngayon ang nababagabag dahil sa mga kalagayan sa daigdig, subalit kakaunti lamang ang nakauunawa kung bakit nangyayari ang mga ito, kung ano ang magaganap sa hinaharap, at kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas sa dumarating na paghatol. (Ezek. 9:4) Upang matulungan silang malaman ang kahalagahan ng ating panahon, isang pantanging kampanya sa pamamahagi ng bagong brosyur na Patuloy na Magbantay! ang isasagawa sa buong bansa mula Lunes, Marso 21, hanggang Linggo, Abril 17.
2 Maaaring ialok ang brosyur kapag nakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay, kapag dumadalaw-muli, kapag nagpapatotoo sa di-pormal na paraan, o kapag nasa pampublikong mga lugar. Gayunman, hindi dapat ipamahagi ang Patuloy na Magbantay! sa kahit kanino lamang. Sa halip, iiwan lamang ito sa mga taong nagpakita ng interes sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Maaaring tract ang ialok sa mga hindi nagpakita ng interes.
3 Maaari mong makuha ang pansin ng isang tao sa pagsasabi:
◼ “Maraming tao ang nababahala sa malulubhang problema at nakapangingilabot na mga pangyayari na karaniwan sa ngayon. [Banggitin ang isang halimbawa na alam sa inyong lugar.] Alam mo bang inihula sa Bibliya ang mga bagay na ito? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang isang teksto na angkop sa halimbawang binanggit mo, gaya ng Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:7, 10, 11; o 2 Timoteo 3:1-5.] Isinisiwalat ng Bibliya ang kahulugan ng ating panahon at kung ano ang magiging kinabukasan ng sangkatauhan. Gusto mo bang makaalam nang higit pa? [Hayaang sumagot. Ialok ang brosyur kapag nagpakita ng interes.] Walang bayad ang brosyur na ito. Kung nais mong magbigay ng katamtamang donasyon para sa aming pambuong-daigdig na gawain, malugod naming tatanggapin ito.”
4 O baka masumpungan mong mabisa ang ganitong pamamaraan:
◼ “Marami sa ngayon ang nababagabag sa nakapangingilabot na mga pangyayari o sa malulungkot na pangyayari sa kanilang buhay. Nagtataka ang ilan kung bakit hindi nakikialam ang Diyos upang hadlangan ang gayong mga bagay. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos upang pawiin ang pagdurusa ng sangkatauhan. Pansinin ang mga pagpapalang ibibigay ng Diyos sa sangkatauhan. [Basahin ang Awit 37:10, 11.] Gusto mo bang makaalam nang higit pa?” Magtapos gaya ng ibinalangkas sa itaas.
5 Sikaping makuha ang pangalan at adres ng bawat taong tumanggap ng kopya ng brosyur, at isaayos na bumalik upang linangin ang interes. Ang mga mungkahi kung paano ito magagawa ay lalabas sa isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Abril 2005. Kapag ang indibiduwal ay nagpakita ng masidhing interes sa unang pagdalaw, maaari kang makapagpasimula agad ng pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang Patuloy na Magbantay! o iba pang publikasyon, gaya ng brosyur na Hinihiling.
6 Makukuha ang mga kopya ng bagong brosyur pagkatapos talakayin ang artikulong ito sa Pulong sa Paglilingkod. Iminumungkahi na ang dami ng brosyur na kukunin muna ng mga mamamahayag at payunir ay yaong kakailanganin lamang nila sa unang ilang araw ng kampanya. Pagpalain nawa ni Jehova ang pantanging gawaing ito ukol sa kaniyang kapurihan at sa kapakinabangan ng tapat-pusong mga tao sa lahat ng dako.—Awit 90:17.