Bahagi 5—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Alamin Kung Gaano Karaming Materyal ang Sasaklawin
1 Kapag nagtuturo, isinasaalang-alang ni Jesus ang mga limitasyon ng kaniyang mga alagad, anupat nagsasalita sa kanila “hanggang sa kaya nilang pakinggan.” (Mar. 4:33; Juan 16:12) Sa katulad na paraan, kailangang alamin ng mga guro ng Salita ng Diyos sa ngayon kung gaano karaming materyal ang praktikal nilang sasaklawin sa isang partikular na haba ng panahon kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang dami ng matatalakay na materyal ay nakasalalay sa kakayahan at mga kalagayan kapuwa ng guro at ng estudyante.
2 Linangin ang Matibay na Pananampalataya: Baka kailangang talakayin sa ilang estudyante sa loob ng dalawa o tatlong sesyon ang materyal na madali namang maunawaan ng ibang estudyante sa isang sesyon lamang. Mas mahalaga na tulungan natin ang estudyante na maunawaang mabuti ang materyal kaysa sa talakayin ang napakaraming materyal sa loob lamang ng maikling panahon. Bawat estudyante ay nangangailangan ng matibay na saligan para sa kaniyang bagong-tuklas na pananampalataya sa Salita ng Diyos.—Kaw. 4:7; Roma 12:2.
3 Kapag idinaraos mo ang pag-aaral linggu-linggo, gumugol ng kinakailangang panahon upang tulungan ang estudyante na maunawaan at tanggapin ang natututuhan niya mula sa Salita ng Diyos. Huwag magmadali anupat hindi na lubusang nakikinabang ang estudyante sa katotohanang itinuturo sa kaniya. Maglaan ng sapat na panahon upang mabigyang-pansin ang mga pangunahing punto at maisaalang-alang ang mga susing teksto na nagsisilbing saligan ng ating itinuturo.—2 Tim. 3:16, 17.
4 Huwag Lumayo sa Paksang Tinatalakay: Bagaman ayaw nating madaliin ang pag-aaral, nanaisin din nating iwasan na lumayo sa paksang tinatalakay. Kung ang estudyante ay mahilig maglahad ng mahahabang kuwento tungkol sa personal na mga bagay, baka kailangan nating isaayos na pag-usapan na lamang ang mga ito pagkatapos ng pag-aaral.—Ecles. 3:1.
5 Sa kabilang panig naman, baka dahil sa sarili nating sigasig sa katotohanan ay mahirapan tayong pigilin ang ating sarili na magkomento ng napakaraming bagay sa panahon ng pag-aaral. (Awit 145:6, 7) Ang paminsan-minsang pagtalakay sa isang karagdagang punto o karanasan kapag nag-aaral ay maaaring maging kapaki-pakinabang, subalit iiwasan natin na maging masyadong marami o mahaba ito anupat nahahadlangan na ang estudyante sa pagkuha ng tumpak na kaalaman sa saligang mga turo ng Bibliya.
6 Kung sasaklawin natin ang makatuwirang dami ng materyal sa bawat sesyon ng pag-aaral, matutulungan natin ang mga estudyante sa Bibliya na ‘lumakad sa liwanag ni Jehova.’—Isa. 2:5.