Video na Nagtatampok sa Isang Mahalagang Kalakaran sa Paggamot
Ang mga propesyonal sa batas at pangangalaga sa kalusugan ay nagbibigay ng higit na pansin sa mga pananaw sa etika ng mga pasyente at sa kanilang mga karapatan. Dahil dito, nagkaroon ng bagong mga terapi at pamamaraan na maaaring pakinabangan ng mga Saksi ni Jehova. (Gawa 15:28, 29) Iyan ang itinatampok ng video na Transfusion-Alternative Health Care—Meeting Patient Needs and Rights. Panoorin ito, at saka repasuhin ang iyong natutuhan.—Pansinin: May maiikling eksena ng pag-oopera sa video, kaya dapat pag-isipan ng mga magulang kung isasama nila ang kanilang mga anak sa panonood ng video na ito.
(1) Bakit muling sinusuri ng ilang nasa larangan ng medisina ang pagsasalin ng dugo? (2) Magbigay ng tatlong halimbawa ng masasalimuot na operasyon na maaaring gawin nang walang pagsasalin ng dugo. (3) Gaano karaming doktor at siruhano sa buong daigdig ang nagsabing handa nilang gamutin ang mga pasyente nang walang pagsasalin ng dugo? Bakit handa silang gawin ito? (4) Ano ang isiniwalat kamakailan sa mga pag-aaral sa ospital hinggil sa paggamit ng dugo? (5) Anu-anong panganib sa paggamot ang kaakibat ng pagsasalin ng dugo? (6) Ano ang naging konklusyon ng maraming eksperto hinggil sa mga kapakinabangan ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo? (7) Ano ang sanhi ng anemya? Hanggang saang antas ito makakayanan ng isang tao? Ano ang magagawa hinggil dito? (8) Paano mapabibilis ang pagdami ng mga pulang selula sa katawan ng pasyente? (9) Anu-anong pamamaraan ang ginagamit upang mabawasan ang pagdurugo sa panahon ng operasyon? (10) Mabisa ba ang mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo sa mga bata at sa mga taong nag-aagaw-buhay? (11) Ano ang isa sa mga pangunahing simulain sa etika ng mabuting paggagamot? (12) Bakit mahalaga na patiunang magpasiya ang mga Kristiyano kung anong paggamot nang walang dugo ang tatanggapin nila? Paano natin ito magagawa?
Ang pagtanggap sa ilang paggamot na itinampok sa video na ito ay personal na pasiya ng bawat isa ayon sa kanilang budhi na sinanay sa Bibliya. Nakapagpasiya ka na ba kung aling alternatibo sa pagsasalin ang tatanggapin mo para sa iyong sarili at sa iyong mga anak? Dapat ding malinaw na ipaalam sa mga kapamilyang di-Saksi ang iyong mga desisyon at ang mga dahilan ng iyong pasiya.—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyu ng Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2004, at Oktubre 15, 2000.