Kung Paano Mapananatili ang Sigasig
1 Ang sigasig ni Apolos sa kaniyang ministeryo ay maaaring magpaalaala sa atin sa mga kapuwa Kristiyano sa ngayon na lubhang masigasig sa pangangaral. (Gawa 18:24-28) Gayunman, pinaalalahanan tayong lahat: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu.” (Roma 12:11) Ano ang makatutulong sa atin na magkaroon ng sigasig sa ministeryong Kristiyano at mapanatili ito?
2 Pinasisidhi ng Kaalaman: Matapos magpakita si Jesus sa dalawa sa kaniyang mga alagad at ‘bigyang-kahulugan sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan,’ sinabi nila: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan?” (Luc. 24:27, 32) Hindi ba’t nagniningas din ang ating mga puso sa labis na katuwaan kapag higit nating nauunawaan ang Salita ng Diyos? Oo, ang pananampalataya ay pinasisidhi ng kaalaman. Ang Roma 10:17 ay nagpapaliwanag: “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” Kapag ang ating puso ay napuno ng pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova, talagang hindi tayo mapipigilan sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ating natututuhan!—Awit 145:7; Gawa 4:20.
3 Hindi puwedeng umasa na lamang tayo sa kaalamang natamo natin mula sa mga napag-aralan natin noon upang mapanatiling malakas ang ating pag-ibig sa Diyos at masidhi ang ating sigasig sa paglilingkod sa kaniya. Dapat nating patuloy na palawakin ang ating pagkaunawa sa katotohanan at pasidhiin ang ating pag-ibig kay Jehova. Kung hindi, ang ating paglilingkod sa kaniya ay unti-unting magiging rutin na lamang. (Apoc. 2:4) Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na ‘patuloy na lumago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’—Col. 1:9, 10.
4 Ang Ating mga Kaugalian sa Pag-aaral: Kaya makabubuting suriin natin ang ating mga kaugalian sa pag-aaral. Halimbawa, maaaring nasasalungguhitan natin ang mga sagot sa artikulong pinag-aaralan sa Bantayan at tama naman ang ating mga komento. Subalit tinitingnan ba natin ang siniping mga kasulatan at binubulay-bulay kung paano kumakapit sa ating buhay ang materyal? Sa lingguhang pagbasa sa Bibliya, nagsisikap ba tayong gumawa ng karagdagang pagsasaliksik kung ipinahihintulot ng ating mga kalagayan at binubulay-bulay ang mga aral na naroroon? (Awit 77:11, 12; Kaw. 2:1-5) Talagang kapaki-pakinabang na magmuni-muni at magbuhos ng pansin sa Salita ng Diyos! (1 Tim. 4:15, 16) Pasisiglahin at palalakasin tayo ng gayong makabuluhang pag-aaral na maging “masigasig sa maiinam na gawa.”—Tito 2:14.