Ipakita ang Pagpapahalaga sa Pinakadakilang Kaloob ng Diyos
1. Bakit tayo higit na nagpapasalamat kay Jehova?
1 Sa maraming ‘mabubuting kaloob’ ni Jehova, ang pantubos sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak ang pinakadakila. (Sant. 1:17) Dahil dito, naging posible ang maraming pagpapala, kasama na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. (Efe. 1:7) Kaya naman lagi natin itong ipinagpapasalamat. Sa panahon ng Memoryal, naglalaan tayo ng oras upang bulay-bulayin ang mahalagang kaloob na ito.
2. Paano natin malilinang ang pagpapahalaga sa pantubos bilang pamilya at bilang indibiduwal?
2 Linangin ang Pagpapahalaga: Paano malilinang ng iyong pamilya ang pagpapahalaga sa pantubos? Sa mga linggo bago ang Memoryal sa Marso 30, maaari ninyong repasuhin sa gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba ang mga detalye tungkol sa pantubos. Isaalang-alang din ang espesyal na pagbasa sa Bibliya sa Memoryal bilang pamilya. At bilang indibiduwal, bulay-bulayin kung ano ang nagawa ng pantubos para sa iyo at kung paano ito nakaapekto sa pangmalas mo kay Jehova, sa iyong sarili, sa iba, at sa iyong kinabukasan. Makabubuti ring ensayuhin ang dalawang bagong awit na gagamitin sa Memoryal, Awit 8 at 109.—Awit 77:12.
3. Paano natin maipapakita ang pagpapahalaga sa pantubos?
3 Ipakita ang Pagpapahalaga: Inuudyukan tayo ng ating pagpapahalaga sa pantubos na sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang dakilang pag-ibig, ang pagsusugo sa kaniyang Anak. (Awit 145:2-7) Halimbawa, sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo, isinasaayos ng ilang pamilya na makapag-auxiliary pioneer kahit ang isang miyembro lang ng kanilang pamilya. Kung hindi ito posible, maaari mo bang ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ para mapalawak ang iyong pakikibahagi sa ministeryo? (Efe. 5:16) Mauudyukan rin tayo ng pagpapahalaga na tulungan ang iba na makadalo sa Memoryal. (Apoc. 22:17) Gumawa ng listahan ng mga dadalawin-muli, Bible study, kamag-anak, katrabaho, at kapitbahay na nais mong imbitahan. Pagkatapos, makibahagi nang lubusan sa espesyal na kampanya ng pamamahagi ng imbitasyon sa Memoryal.
4. Paano natin magagamit sa matalinong paraan ang panahon ng Memoryal?
4 Ang panahon ng Memoryal ay nagbubukas sa atin ng pagkakataon na maipakita kay Jehova kung gaano kahalaga sa atin ang kaniyang kaloob sa sangkatauhan. Gamitin nawa natin ang panahong ito upang linangin at ipakita ang ating pagpapahalaga sa pantubos at sa lahat ng “di-maarok na kayamanan ng Kristo.”—Efe. 3:8.