Ipakita Natin ang Ating Pagpapahalaga
Memoryal sa Abril 17
1. Ano ang nadama ng salmista na angkop na madama rin natin sa panahon ng Memoryal?
1 Dahil naantig ang salmista sa maraming gawa ng awa at pagliligtas ni Jehova, itinanong niya: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?” (Awit 116:12) Ngayon, mas maraming dahilan ang mga lingkod ng Diyos para magpasalamat. Mga ilang siglo matapos isulat ang kinasihang pananalitang ito, ibinigay ni Jehova sa sangkatauhan ang kaniyang pinakadakilang regalo—ang pantubos. Habang naghahanda tayo sa pag-alaala sa kamatayan ni Kristo sa Abril 17, may mabuti tayong dahilan na maging mapagpasalamat.—Col. 3:15.
2. Ano ang ilang dahilan kung bakit natin pinahahalagahan ang pantubos?
2 Mga Pagpapala Dahil sa Pantubos: Sa pamamagitan ng pantubos, tayo ay nagkakaroon ng “kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:13, 14) Dahil dito ay maaari nating sambahin si Jehova taglay ang malinis na budhi. (Heb. 9:13, 14) Malaya tayong nakalalapit kay Jehova sa panalangin. (Heb. 4:14-16) Ang mga nananampalataya sa pantubos ay may dakilang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan!—Juan 3:16.
3. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga kay Jehova dahil sa inilaan niyang pantubos?
3 Ipakita ang Pagpapahalaga: Isang paraan para maipakita natin ang ating matinding pagpapahalaga ay ang pagsasaalang-alang araw-araw ng nakaiskedyul na pagbasa sa Bibliya sa panahon ng Memoryal at pagbubulay-bulay nito. Ang artikulong “Handa Ka Na ba sa Pinakamahalagang Araw ng Taon?” sa Pebrero 1, 2011 ng Bantayan ay makatutulong sa atin na magawa ito. Maaari din nating sabihin sa taos-puso nating panalangin kay Jehova kung gaano natin pinahahalagahan ang pantubos. (1 Tes. 5:17, 18) Ang pagdalo natin sa pagdiriwang ng Memoryal bilang pagsunod sa utos ni Jesus ay isa ring pagpapakita ng pagpapahalaga. (1 Cor. 11:24, 25) Bukod diyan, tularan natin ang malawak na pag-ibig ni Jehova at imbitahan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari na dumalo kasama natin.—Isa. 55:1-3.
4. Ano ang dapat maging determinasyon natin?
4 Hindi ituturing ng mapagpahalagang mga lingkod ni Jehova ang pagdiriwang ng Memoryal bilang pangkaraniwang pulong lang. Ito ang pinakamahalagang pulong ng taon! Habang naghahanda tayo sa pagsapit ng Memoryal, nawa’y maging determinado tayo gaya ng salmista na sumulat: “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko, at huwag mong limutin ang lahat ng kaniyang ginagawa.”—Awit 103:2.