Sasamantalahin Mo ba ang Pagkakataon?
Pagtanaw ng Utang na Loob sa Darating na Memoryal
1. Anong espesyal na pagkakataon ang ibinibigay sa atin ng darating na Memoryal?
1 Ang Memoryal sa Abril 14 ay nagbibigay sa atin ng isang espesyal na pagkakataon para malinang at maipakita ang ating utang na loob sa kabutihan ni Jehova. Ipinakikita sa Lucas 17:11-18 kung gaano kahalaga kay Jehova at kay Jesus ang pagtanaw ng utang na loob. Nakalulungkot, isa lang sa sampung napagaling na ketongin ang nagpasalamat. Dahil sa kaloob na pantubos, mawawala na ang lahat ng sakit at mabubuhay tayo nang walang hanggan! Tiyak na araw-araw tayong magpapasalamat kay Jehova dahil sa mga pagpapalang iyon. Pero sa darating na mga linggo, paano tayo tatanaw ng utang na loob?
2. Paano natin malilinang ang ating utang na loob para sa pantubos?
2 Kung Paano Lilinangin: Malaki ang papel ng isip para malinang ang pagtanaw ng utang na loob. Para lalo nating mapahalagahan ang pantubos, may inilaang isang iskedyul para sa espesyal na pagbasa sa Bibliya sa panahon ng Memoryal. Makikita ito sa apendise B12 ng nirebisang New World Translation, sa kalendaryo, at sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Bakit hindi ito isaalang-alang bilang pamilya? Kung gagawin natin ito, lalo nating mapahahalagahan ang pantubos. At tiyak na magkakaroon ito ng mabuting epekto sa ating paggawi.—2 Cor. 5:14, 15; 1 Juan 4:11.
3. Paano natin maipakikitang tumatanaw tayo ng utang na loob sa panahon ng Memoryal?
3 Kung Paano Ipakikita: Ang pagtanaw ng utang na loob ay pinatutunayan ng gawa. (Col. 3:15) Talagang hinanap ng ketongin si Jesus para makapagpasalamat. At tiyak na tuwang-tuwa rin siyang ikuwento sa iba ang makahimalang pagpapagaling sa kaniya. (Luc. 6:45) Mapapakilos din ba tayo ng utang na loob para sa pantubos na maging masigasig sa kampanya para sa Memoryal? Ang pag-o-auxiliary pioneer o higit na pakikibahagi sa ministeryo sa panahon ng Memoryal ay maganda ring paraan para maipakita ang ating pasasalamat. At sa gabi ng Memoryal, mapakilos din sana tayong tanggapin ang mga bisita at maging handa sa pagsagot sa kanilang tanong.
4. Ano ang gagawin natin para hindi masayang ang espesyal na okasyong ito?
4 Ito na kaya ang huli nating Memoryal? (1 Cor. 11:26) Hindi natin alam. Pero alam nating kapag hindi natin ito pinahalagahan, pinalalampas natin ang isang espesyal na pagkakataon para tumanaw ng utang na loob. Sasamantalahin mo ba ito? Nawa’y ang pagbubulay-bulay natin sa pantubos at ang masigasig na pakikibahagi sa kampanya ay makalugod kay Jehova, ang bukas-palad na Tagapaglaan ng pantubos.—Awit 19:14.