Nagpapasimula Ka ba ng Pag-aaral sa Unang Pagdalaw?
Kapag inaalok ng Bible study ang mga may-bahay, sinasabi ng ilan na hindi sila interesado o na mayroon na sila nito sa kanilang simbahan. Dahil iniisip nilang pare-pareho lang naman ito, hindi nila alam na marami silang matututuhan at na masisiyahan sila rito. Kaya imbes na mag-alok lang ng pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw, bakit hindi ipakita sa loob ng ilang minuto kung paano ito ginagawa? Para ilarawan: Imbes na sabihing mahusay kang magluto at babalik ka para patikman sila ng iyong niluto, patikimin mo na sila agad! Heto ang isang paraan kung paano mo iyan magagawa sa loob lang ng ilang minuto, batay sa mungkahi sa pahina 6 ng Enero 2006 ng Ating Ministeryo sa Kaharian:
“Sa palagay mo, darating kaya ang panahon na matutupad ang mga salitang ito? [Basahin ang Isaias 33:24, at hayaang sumagot.] Gusto kong ipakita sa iyo ang isang bagay tungkol dito na magugustuhan mo.” Bigyan ang may-bahay ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, at ipabuklat ito sa pahina 36, parapo 22. Basahin ang tanong sa ibaba, at hilingin sa may-bahay na hanapin ang sagot habang binabasa mo ang parapo. Tapos, basahin ulit ang tanong, at makinig sa komento ng may-bahay. Magbasa kayo ng isang teksto mula sa parapo. Magbangon ng tanong na sasagutin sa susunod na pagdalaw mo, at pag-usapan kung anong araw at oras ka puwedeng bumalik. Nakapagpasimula ka na ng pag-aaral sa Bibliya!