Magplano Na Ngayon Para Palawakin ang Iyong Ministeryo
1. Ano ang mahalagang bagay hinggil sa panahon ng Memoryal, at paano tayo makapaghahanda para dito?
1 Tuwing panahon ng Memoryal, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na ‘lubhang dakilain si Jehova.’ (Awit 109:30) Palalawakin mo ba ang iyong ministeryo sa Marso upang ipakita ang pagpapahalaga mo sa Tagapaglaan ng pantubos? Ngayon na ang panahon upang magplano.—Kaw. 21:5.
2. Paano ka tumugon at ang iba sa paglalaan tungkol sa binawasang kahilingang oras para sa mga auxiliary pioneer noong nakaraang Abril?
2 Pag-o-auxiliary Pioneer: Noong nakaraang taon, tuwang-tuwa ang mga kapatid nang malaman nilang nabawasan ang kahilingang oras para sa pag-o-auxiliary pioneer sa Abril. Isang brother ang sumulat: “Nasa high school pa ako, at hindi posible sa akin na mag-regular pioneer. Pero mag-aaplay ako para sa 30 oras at sisikapin kong maabot ang 50 oras sa buwan ng Abril.” Isang sister na nagtatrabaho nang buong-panahon ang sumulat: “Tatlumpung oras—napakadaling abutin niyan!” Nang ipatalastas ang paglalaang ito, isang dating payunir na ngayo’y mga 80 anyos ang nagsabi: “Ito ang pinakahihintay ko! Alam ni Jehova na ang pagpapayunir ang pinakamasayang panahon sa buhay ko!” Ang iba na hindi makapag-o-auxiliary pioneer ay nagtakda ng tunguhing gumawa nang higit pa sa ministeryo.
3. Ano ang magagandang dahilan para mag-auxiliary pioneer sa Marso, Abril, at Mayo?
3 Ang Marso ay magandang buwan para mag-auxiliary pioneer dahil makapipili muli tayo alinman sa 30 o 50 oras na kahilingan. Bukod diyan, simula sa Sabado, Marso 17, makikibahagi tayo sa pantanging kampanya na anyayahan ang iba na dumalo sa Memoryal sa Abril 5. Marami ang masisiyahan na palawakin ang kanilang ministeryo anupat nanaisin nilang mag-auxiliary pioneer sa Abril at sa Mayo rin, na may kahilingang 50 oras.
4. Paano natin mapalalawak ang ating bahagi sa ministeryo, at ano ang magiging resulta?
4 Sa inyong susunod na gabi ng Pampamilyang Pagsamba, bakit hindi pag-usapan kung paano mapalalawak ng bawat isa sa pamilya ang kaniyang ministeryo sa panahon ng Memoryal? (Kaw. 15:22) Hilingin kay Jehova na pagpalain ang inyong mga pagsisikap. (1 Juan 3:22) Habang pinalalawak ninyo ang inyong bahagi sa ministeryo, hindi lamang ito magdudulot ng higit na papuri kay Jehova kundi madaragdagan din ang inyong kagalakan.—2 Cor. 9:6.