“Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”
1. Anong payo ng Bibliya ang dapat nating ikapit kapag nakakatagpo tayo ng galít na may-bahay?
1 Ang bayan ni Jehova ay maibigin sa kapayapaan, at ang ating ministeryo ay nagtataguyod ng kapayapaan. (Isa. 52:7) Pero kung minsan, nakakatagpo tayo ng mga taong galít dahil sa pagdalaw natin. Ano ang makatutulong sa atin para maging mapagpayapa sa gayong mga sitwasyon?—Roma 12:18.
2. Bakit mahalagang magkaroon ng kaunawaan?
2 Magkaroon ng Kaunawaan: Bagaman nagagalit ang ilan dahil ayaw nila sa katotohanan, may iba namang dahilan kung bakit naiinis ang iba. Baka mali ang tiyempo ng pagdalaw natin. Baka galít ang may-bahay dahil mayroon siyang mga problema. Kahit na ang mabuting balita ang nakapagpagalit sa kaniya, dapat nating tandaan na posibleng ganoon ang naging pagtugon niya dahil nailigaw siya. (2 Cor. 4:4) Ang pagkakaroon ng kaunawaan ay tutulong sa atin na manatiling kalmado at huwag personalin ang reaksiyon ng may-bahay.—Kaw. 19:11.
3. Paano tayo makapagpapakita ng paggalang sa may-bahay?
3 Magpakita ng Paggalang: Marami sa teritoryo ang matibay na nanghahawakan sa kanilang mga paniniwala. (2 Cor. 10:4) May karapatan silang pumili kung makikinig sila sa atin o hindi. Hinding-hindi natin gugustuhing maliitin ang mga paniniwala ng may-bahay o ipadama sa kaniya na mas marami tayong alam. Kapag pinaaalis tayo, dapat na magalang tayong umalis.
4. Paano tayo makapagsasalita nang may kagandahang-loob?
4 Magsalita Nang May Kagandahang-Loob: Kahit na pagsalitaan tayo ng masama, dapat na maging mahinahon at may kagandahang-loob ang ating pagtugon. (Col. 4:6; 1 Ped. 2:23) Sa halip na makipagtalo, sikaping maghanap ng isang puntong mapagkakasunduan ninyo. Maaari nating magalang na itanong kung bakit ayaw makipag-usap ng may-bahay. Pero kung minsan, para huwag na siyang mas magalit pa, baka makabubuting putulin na lang ang pag-uusap.—Kaw. 9:7; 17:14.
5. Ano ang mga pakinabang kung magiging mapagpayapa tayo sa ministeryo?
5 Kung tayo ay mapagpayapa, maaaring matandaan iyon ng may-bahay at makinig na siya kapag may nagpatotoo uli sa kaniya. (Roma 12:20, 21) Kahit na tila matindi ang kaniyang pagsalansang, maaaring balang-araw ay maging kapatid natin siya. (Gal. 1:13, 14) Pero maging interesado man siya sa katotohanan o hindi, mapararangalan natin si Jehova at magagayakan ang ating turo kung mapananatili natin ang pagpipigil sa sarili at magiging mapagpayapa tayo.—2 Cor. 6:3.