PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO
Magpasimula ng Pag-uusap Gamit ang mga Tract
Mula noong Enero 2018, mababasa sa pabalat ng Workbook sa Buhay at Ministeryo ang mga sampol na pakikipag-usap. Pinapasigla tayo na magpokus sa pakikipag-usap sa mga tao at hindi lang basta mamahagi ng literatura. At para matulungan ang mga mamamahayag na gawin ito, may mga video kung paano magpapasimula ng pag-uusap gamit lang ang Bibliya. Ibig bang sabihin, hindi na tayo gagamit ng mga literatura sa pagbabahay-bahay? Hindi naman. Halimbawa, magandang gamitin ang mga tract para makapagpasimula ng pag-uusap. Paano natin ito gagawin?
Gamitin ang tanong na nasa pabalat ng tract at papiliin ng sagot ang may-bahay.
Ipakita ang sagot ng Bibliya na nasa itaas ng pahina 2. Kung may oras pa, basahin at talakayin ang ilang impormasyong nasa loob ng tract.
Ibigay ang tract sa may-bahay at pasiglahin siyang ipagpatuloy ang pagbasa rito.
Bago umalis, ipakita ang tanong sa “Pag-isipan Ito,” at sabihing tatalakayin ninyo ang sagot ng Bibliya sa pagbalik mo.
Pagbalik mo, pag-usapan ang sagot at mag-iwan ng tanong na tatalakayin ninyo sa susunod na pagdalaw mo. Puwede kang pumili ng tanong na nasa ating website o publikasyon na binanggit sa likod ng tract. Kung angkop na, gamitin ang brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! o ibang publikasyon na nasa ating Toolbox sa Pagtuturo.