Kung Bakit Marami ang Naniniwala na Magwawakas ang Sanlibutan
ANG daigdig ay tunay na nasa isang malubhang kalagayan, gaya ng agad na aaminin ng marami ngayon. “Tinanong ko ang mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig kung ano ang inaakala nilang magandang pagkakataon para sa atin sa hinaharap,” sulat ng ebanghelistang si Billy Graham. “Karamihan sa kanila ang may pesimistikong pangmalas. . . . Sa tuwina ang mga salitang ‘Armagedon’ at ‘Apocalipsis’ ay ginagamit upang ilarawan ang mga pangyayari sa daigdig.”
Bakit malimit gamitin ang mga salitang “Armagedon” at “Apocalipsis” upang ilarawan ang kalagayan sa ngayon? Ano ang kahulugan nito?
Mga Pinagmulan sa Bibliya
Ang Bibliya ay bumabanggit tungkol sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” at iniuugnay ang digmaang ito sa dako na sa “Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon,” o Armagedon. (Apocalipsis 16:14-16) Binibigyan-kahulugan ng Webster’s New Collegiate Dictionary ang Armagedon bilang “isang pangwakas at di-matututulang digmaan sa pagitan ng mga puwersa ng mabuti at masama.”
Bagaman ang “apocalipsis” ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang “paghahayag,” o “pagsisiwalat,” ito’y nagkaroon ng ibang kahulugan. Itinatampok ng aklat ng Bibliya na Pahayag, o Apocalipsis, ang pagpuksa ng Diyos sa balakyot at ang Sanlibong Taóng Paghahari ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 19:11-16; 20:6) Kaya nga, binibigyan-kahulugan ng Webster’s New Collegiate Dictionary ang “apocalipsis” bilang “isang nalalapit na katapusan ng daigdig kung saan lilipulin ng Diyos ang nagpupunong mga kapangyarihan ng masama at ibabangon ang mga matuwid tungo sa buhay sa isang mesianikong kaharian.”
Kapag pinag-uusapan ng mga tao ngayon ang tungkol sa daigdig at sa mga kalagayan nito, maliwanag na sila’y naimpluwensiyahan ng kung ano ang sinasabi sa Bibliya. Ano nga ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katapusan ng sanlibutan?
Ang Bibliya at ang Katapusan ng Sanlibutan
Maliwanag na inihuhula ng Bibliya ang katapusan ng sanlibutan. Si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga disipulo ay bumanggit tungkol sa panahon ng kawakasan. (Mateo 13:39, 40, 49; 24:3; 2 Timoteo 3:1; 2 Pedro 3:3; King James Version) Gayunman, hindi nila ibig sabihin na ang lupa mismo ay mapupuksa. Tungkol sa literal na lupa, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ito ay hindi makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Ang pananalitang “katapusan ng sanlibutan” ay nangangahulugan lamang ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—New World Translation.
Si apostol Pedro ay bumanggit tungkol sa sanlibutan bago ang Baha noong panahon ni Noe at nagsabi: “Ang sanlibutan ng panahong iyon [binubuo ng mga taong di-maka-Diyos] ay dumanas ng pagkapuksa nang ito ay maapawan ng tubig.” Si Pedro ay nagpatuloy pa sa pagsabi na ang ating kasalukuyang sanlibutan ay “itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” (2 Pedro 3:5-7) Si apostol Juan ay sumulat din: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Sa panahon ng katapusan ng sanlibutang ito, ang di-nakikitang di-maka-Diyos na pinuno nito ay aalisin din. (Apocalipsis 20:1-3) Ganito ang isinulat ni apostol Pablo tungkol sa masamang pinunong ito: “Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya.” Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniya: “Ngayon ang prinsipe ng sanlibutang ito [si Satanas na Diyablo] ay palalayasin.”—2 Corinto 4:4; Juan 12:31; KJ.
Hindi ba’t magiging isang pagpapala na palayasin ang sanlibutang ito at ang balakyot na pinuno nito? Malaon nang ipinanalangin ng mga Kristiyano na mangyari ito, hinihiling na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at mangyari nawa ang kaniyang kalooban sa lupa. Ipinanalangin nilang kumilos nawa si Jesu-Kristo bilang pagsunod sa utos ng kaniyang Ama na alisin ang lahat ng kabalakyutan sa lupa!—Awit 110:1, 2; Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
Subalit, ito’y nagbabangon ng isang tanong: Maaari kayang ang huwad, o mali, na mga hula tungkol sa katapusan ng sanlibutan ang naging resulta sapagkat ang mga tao ay humula ng isang petsa para sa pangyayaring ito batay sa maling pagkaunawa o maling pagkakapit ng tunay na mga hula sa Bibliya? Tingnan natin.
Mga Maling Pagkaunawa Noong Unang-Siglo
Isaalang-alang ang nangyari noong unang siglo. Nang si Jesus ay aakyat na sa langit, ang kaniyang mga apostol ay may kasabikang nagtanong: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Nais nilang tamasahin ang lahat ng mga pagpapala ng Kaharian kaagad, ngunit sinabi ni Jesus: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.”—Gawa 1:6, 7.
Tatlong araw lamang bago ang kaniyang kamatayan, gayundin ang sinabi ni Jesus: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” Sinabi pa niya: “May kinalaman sa araw o sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama. Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon.” (Mateo 24:42, 44; Marcos 13:32, 33) Mga ilang buwan bago nito, si Jesus din ay humimok: “Manatiling handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo sukat akalain ang Anak ng tao ay darating.”—Lucas 12:40.
Sa kabila ng mga babalang iyon na ibinigay ni Jesus, ang sinaunang mga Kristiyano, na sabik sa pagkanaririto ni Kristo at sa mga pagpapala na dadalhin nito, ay nagsimulang mag-isip-isip sa kung kailan matutupad ang mga pangako ng Kaharian. Kaya nga, si apostol Pablo ay sumulat sa mga taga-Tesalonica: “May kaugnayan sa pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, hinihiling namin sa inyo na huwag mayanig nang madali mula sa inyong katinuan ni mabagabag kahit sa pamamagitan ng kinasihang pahayag o sa pamamagitan ng bibigang mensahe o sa pamamagitan ng liham na para bang mula sa amin, na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na.”—2 Tesalonica 2:1, 2.
Ang mga pananalita ni Pablo ay nagpapahiwatig na ang ilang sinaunang Kristiyano ay nagkaroon ng maling mga inaasahan. Bagaman ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay maaaring hindi humula ng isang partikular na petsa para sa kanilang ‘pagkatipon kay Kristo sa langit,’ maliwanag na naisip nila na ang pangyayari ay malapit na. Kailangang ituwid nila ang kanilang mga pangmalas, at ito ang ginawa ng sulat ni Pablo.
Ang Iba’y Nangangailangan Din ng Pagtutuwid
Gaya ng napansin natin sa unang artikulo, pagkaraan ng unang siglo, ang iba ay umasa rin sa katuparan ng mga pangako ng Diyos sa isang partikular na panahon. Ang ilan ay humula na ang katapusan ng sanlibong taon, bumibilang alin sa mula sa kapanganakan ni Jesus o mula sa kaniyang kamatayan, ang makasasaksi sa katapusan ng sanlibutan. Subalit ang kanilang mga hula ay napatunayan ding huwad, o mali.
Ito’y nagbabangon ng mga katanungan: Ang mga pagkakamali ba tungkol sa katuparan ng mga pangako ng Bibliya ay nangangahulugan na ang mga pangako mismo ay mali? Maaasahan ba ang mga pangako ng Diyos? At paano tinanggap ng modernong mga Kristiyano ang pagtutuwid hinggil sa bagay na ito?