-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ipinagkatiwala sa kanila: Sa mga Judio. (Tingnan sa Glosari, “Judio.”) Sinabi ni Moises sa Deu 29:29: ‘Ang mga bagay na isiniwalat ay ipinagkatiwala sa atin [mga Israelita] at sa mga inapo natin magpakailanman.’ Sa Aw 147:19, 20, sinabing ‘inihayag ng Diyos ang kaniyang salita sa Israel,’ pero “hindi niya iyon ginawa sa ibang bansa.” Ipinahiwatig ni Jesus na sa mga Judio ipinagkatiwala ang mensahe ng pagliligtas ng Diyos at ang tunay na pagsamba nang sabihin niya: “Unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan.” (Ju 4:22; tingnan ang study note.) Dito, idinidiin ni Pablo na sa mga Judio nga ipinagkatiwala ni Jehova ang pagsulat sa bahaging Hebreo-Aramaiko ng Kasulatan. Isa pa, ang mga Judiong alagad din ni Jesus ang sumulat sa mga aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kaya ang mga Judio ang tagapag-ingat ng kaalaman mula sa Kasulatan, at pananagutan nilang isulat ang mga aklat na bubuo sa kanon ng Bibliya.—Tingnan ang study note sa Luc Pamagat at 24:44.
salita: O “mga sagradong kapahayagan.” Apat na beses lang lumitaw ang ekspresyong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at salin ito ng anyong pangmaramihan ng salitang Griego na loʹgi·on (maikling salita), ang pangmaliit na anyo ng loʹgos (salita). Noong una, ang loʹgi·on ay tumutukoy lang sa isang maikling sagradong kapahayagan, pero nang maglaon, tumutukoy na ito sa anumang mensahe mula sa Diyos. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang buong Hebreong Kasulatan at lumilitaw na pati ang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na naisulat na nang panahong iyon. Ang pagsulat sa buong Kasulatan ay ipinagkatiwala sa mga Judio “habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2Pe 1:20, 21) Sa Septuagint, ang salitang loʹgi·on ay karaniwang ipinanunumbas sa mga ekspresyong Hebreo na tumutukoy sa mga kapahayagan ng Diyos, gaya sa Aw 12:6 (11:6, LXX): “Ang mga salita ni Jehova ay dalisay.”
-