Biyernes, Oktubre 24
Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.—1 Ped. 4:8.
Ang salitang ginamit ni apostol Pedro para sa ‘masidhi’ ay literal na nangangahulugang “banat na banat.” Sa ikalawang bahagi naman ng talata, binanggit ang epekto ng masidhing pag-ibig natin—matatakpan nito ang mga kasalanan ng mga kapatid. Isipin na ang pag-ibig natin ay gaya ng isang nababanat na tela. Binabanat natin ito nang binabanat hanggang sa kaya na nitong takpan, hindi lang isa o dalawa, kundi “maraming kasalanan.” Ang ibig sabihin dito ng takpan ay patawarin. Gaya ng isang tela na kayang takpan ang mantsa, kaya ring takpan ng pag-ibig ang mga kahinaan at pagkakamali ng iba. Dapat na mahal na mahal natin ang mga kapatid para mapatawad natin ang mga pagkakamali nila—kahit napakahirap nitong gawin kung minsan. (Col. 3:13) Kapag nagpapatawad tayo, naipapakita nating masidhi ang pag-ibig natin at na gusto nating mapasaya si Jehova. w23.11 10-12 ¶13-15
Sabado, Oktubre 25
Binasa iyon ni Sapan sa harap ng hari.—2 Cro. 34:18.
Noong 26 na si Haring Josias, ipinaayos niya ang templo. Habang ginagawa ito, natagpuan ang “aklat ng Kautusan ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.” Nang basahin ito sa harap ng hari, kumilos siya agad para masunod ito. (2 Cro. 34:14, 19-21) Regular mo bang binabasa ang Bibliya? Kung oo, nae-enjoy mo ba ito? Tinatandaan mo ba ang mga teksto na makakatulong sa iyo? Noong mga 39 na si Josias, may nagawa siyang pagkakamali na naging dahilan ng kamatayan niya. Nagtiwala siya sa sarili niya imbes na humingi ng patnubay kay Jehova. (2 Cro. 35:20-25) Ang aral? Anuman ang edad natin o kahit gaano na tayo katagal na nag-aaral ng Bibliya, dapat na patuloy pa rin nating hanapin si Jehova. Kaya lagi tayong manalangin para sa patnubay niya, mag-aral ng Salita niya, at makinig sa payo ng mga kapatid na mahusay sa espirituwal. Kung gagawin natin iyan, malamang na maiwasan nating makagawa ng malaking pagkakamali at magiging mas masaya tayo.—Sant. 1:25. w23.09 12 ¶15-16
Linggo, Oktubre 26
Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.—Sant. 4:6.
Maraming halimbawa sa Bibliya ng mahuhusay na babae. Mahal nila si Jehova, at naglingkod sila sa kaniya. “May kontrol [sila] sa kanilang paggawi” at “tapat [sila] sa lahat ng bagay.” (1 Tim. 3:11) Bukod sa kanila, may mga sister din sa kongregasyon na magandang tularan. Mga kabataang sister, may kilala ba kayong mga may-gulang na sister na gusto ninyong tularan? Isipin ang magagandang katangian nila at kung paano mo rin maipapakita ang mga iyon. Para maging may-gulang na Kristiyano, mahalaga ang kapakumbabaan. Kung mapagpakumbaba ang isang sister, magiging malapít siya kay Jehova at sa iba. Halimbawa, dahil mahal ng isang sister si Jehova, magiging mapagpakumbaba siya at susuportahan niya ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo. (1 Cor. 11:3) Kailangang sundin ang kaayusang iyan sa kongregasyon at sa pamilya. w23.12 19 ¶3-5