Linggo, Nobyembre 2
Huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gisíng at alerto.—1 Tes. 5:6.
Mahalaga ang pag-ibig para manatili tayong gising at alerto. (Mat. 22:37-39) Kung mahal natin ang Diyos, patuloy tayong mangangaral kahit hindi ito madali. (2 Tim. 1:7, 8) At dahil mahal din natin ang mga hindi naglilingkod kay Jehova, patuloy tayong nangangaral sa teritoryo natin, kahit sa pamamagitan ng telepono at sulat. Umaasa pa rin tayo na magbabago ang mga tao at gagawin nila ang tama. (Ezek. 18:27, 28) Dapat din nating mahalin ang mga kapatid natin. Magagawa natin iyan kung ‘papasiglahin natin at papatibayin ang isa’t isa.’ (1 Tes. 5:11) Gaya ng mga sundalong nagtutulungan sa labanan, pinapatibay natin ang isa’t isa. Hindi natin sasadyaing saktan o gantihan ang mga kapatid natin. (1 Tes. 5:13, 15) Maipapakita rin natin ang pag-ibig kung igagalang natin ang mga brother na nangunguna sa kongregasyon.—1 Tes. 5:12. w23.06 9 ¶6; 10-11 ¶10-11
Lunes, Nobyembre 3
Kapag may sinasabi [si Jehova], hindi ba gagawin niya iyon?—Bil. 23:19.
Mapapatibay natin ang pananampalataya natin kung pag-iisipan natin ang pantubos. Tinitiyak sa atin ng pantubos na matutupad ang mga pangako ng Diyos. Kung pag-iisipan natin kung bakit ito inilaan at kung gaano kalaki ang isinakripisyo ni Jehova, titibay ang pananampalataya natin na tutuparin ng Diyos ang pangako niya na buhay na walang hanggan. Bakit natin nasabi iyan? Gaano ba kalaki ang isinakripisyo ni Jehova para mailaan ang pantubos? Mula sa langit, isinugo ni Jehova sa lupa ang panganay at pinakamamahal niyang Anak. Noong nasa lupa si Jesus, marami siyang tiniis na problema at pagsubok. Nagdusa rin siya bago mamatay. Talagang napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova! Hahayaan ba ng ating mapagmahal na Diyos na magdusa at mamatay ang Anak niya kung maikling buhay lang naman ang ibibigay niya sa atin? Siyempre, hindi! (Juan 3:16; 1 Ped. 1:18, 19) Kaya sisiguraduhin ni Jehova na matutupad ang pangako niyang mabubuhay tayo magpakailanman sa bagong sanlibutan. w23.04 27 ¶8-9
Martes, Nobyembre 4
Nasaan ang iyong kamandag, O Kamatayan?—Os. 13:14.
Gusto ba ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay? Oo naman. Ipinasulat niya sa mga manunulat ng Bibliya ang pangako niyang pagkabuhay-muli. (Isa. 26:19; Apoc. 20:11-13) At kapag nangako si Jehova, lagi niyang tinutupad iyon. (Jos. 23:14) Ang totoo, gustong-gusto na niyang buhayin ang mga namatay. Isipin ang patriyarkang si Job. Sigurado siya na kahit mamatay siya, mananabik si Jehova na buhayin siyang muli. (Job 14:14, 15) Ganiyan din ang nararamdaman ni Jehova para sa lahat ng lingkod niya na namatay. Gustong-gusto na niyang makita ulit sila na malusog at masaya. Paano naman ang bilyon-bilyong namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataon na makilala si Jehova? Gusto rin silang buhayin ng ating mapagmahal na Diyos para bigyan sila ng pagkakataon na maging kaibigan niya at mabuhay magpakailanman sa lupa.—Juan 3:16; Gawa 24:15. w23.04 9 ¶5-6