Makasusumpong Ka ng Kapaki-pakinabang na Libangan
HINDI hinahatulan ng Bibliya ang mga kaluguran ng libangan, ni itinuturing man nitong pagsasayang ng panahon ang kasiyahan ng paglilibang. Sa kabaligtaran, ang Eclesiastes 3:4 ay nagsasabi na may “panahon upang tumawa” at “panahon upang lumukso.”a Ang bayan ng Diyos sa sinaunang Israel ay nasiyahan sa iba’t ibang uri ng libangan, kasali na ang musika, pagsasayaw, at mga laro. Si Jesus mismo ay dumalo sa isang malaking piging ng kasalan at, noong minsan, sa “isang malaking piging.” (Lucas 5:29; Juan 2:1, 2) Kaya ang Bibliya ay hindi kontra sa pagkakaroon ng kasiya-siyang panahon.
Gayunman, yamang niluluwalhati ng maraming libangan ngayon ang paggawi na hindi nakalulugod sa Diyos, bumabangon ang tanong na, Ano ang magagawa mo upang matiyak na ang iyong mga pamantayan sa pagpili ng libangan ay nananatiling kapaki-pakinabang?
Maging Mapamili
Sa pagpili ng kanilang libangan, nanaisin ng mga Kristiyano na magabayan ng mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, ang salmistang si David ay sumulat: “Sinusuri ni Jehova mismo ang matuwid gayundin ang balakyot, at sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) At si Pablo ay sumulat sa mga taga-Colosas: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan . . . Alisin ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.”—Colosas 3:5, 8.
Marami sa libangan na nakukuha ngayon ang maliwanag na lumalabag sa kinasihang payo na ito. ‘Ngunit hinding-hindi ko naman gagawin ang mga bagay na nakikita ko sa pelikula o sa TV,’ maaaring ikatuwiran ng ilan. Maaaring gayon nga. Subalit kahit na kung ang iyong libangan ay hindi nagpapahiwatig kung magiging anong uri ka ng tao, maaaring may isiwalat ito sa kung anong uri ka na ng tao. Halimbawa, maaaring sabihin nito na ikaw ay kabilang doon sa mga “umiibig sa karahasan” o sa mga abala sa ‘pakikiapid, seksuwal na pagnanasa, kaimbutan, at malaswang pananalita’ o kung ikaw ba ay kabilang doon sa talagang “napopoot sa masama.”—Awit 97:10.
Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Filipos: “Anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Subalit ang kasulatan bang ito ay nangangahulugan na ang lahat ng pelikula, aklat, o palabas sa TV kung saan ang balangkas ng kuwento ay may kinalaman sa ilang uri ng kawalang-katuwiran, marahil isang krimen, ay awtomatikong masama? O dapat bang huwag tanggapin ang lahat ng komedya dahil sa ito ay hindi mga bagay na “seryosong pag-isipan”? Hindi, sapagkat ipinakikita ng konteksto na ang tinatalakay ni Pablo ay hindi ang libangan kundi ang mga pagbubulay-bulay ng puso, na dapat nakatuon sa mga bagay na nakalulugod kay Jehova. (Awit 19:14) Gayunman, ang sinabi ni Pablo ay makatutulong sa atin kapag tayo’y pumipili ng libangan. Ginagamit ang simulain sa Filipos 4:8, maitatanong natin sa ating mga sarili, ‘Ang pagpili ko ba ng libangan ay nagpapangyari sa akin na magbulay-bulay sa mga bagay na hindi malinis?’ Kung gayon, kailangang gumawa tayo ng mga pagbabago.
Gayunman, sa pagsusuri sa libangan, dapat na ‘hayaan ng mga Kristiyano na malaman ng lahat ng tao ang kanilang pagka-makatuwiran.’ (Filipos 4:5) Maliwanag nga, may mga pagmamalabis sa libangan na talagang hindi angkop para sa tunay na mga Kristiyano. Bukod pa riyan, dapat na maingat na timbangin ng bawat isa ang mga bagay at magpasiya taglay ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng tao. (1 Corinto 10:31-33; 1 Pedro 3:21) Hindi tamang hatulan ang iba may kinalaman sa maliliit na bagay o magtakda ng di-makatuwirang mga tuntunin o nagdidikta sa iba kung ano ang dapat nilang gawin.b—Roma 14:4; 1 Corinto 4:6.
Ang Papel ng mga Magulang
Ang mga magulang ay gumaganap ng mahalagang papel may kinalaman sa libangan. Sumulat si Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Sa gayon, ang mga magulang ay may pananagutan na maglaan sa mga miyembro ng pamilya hindi lamang sa materyal kundi rin naman sa espirituwal at emosyonal. Kalakip dito ang paglalaan para sa kapaki-pakinabang na paglilibang.—Kawikaan 24:27.
Kung minsan ang aspektong ito ng buhay pampamilya ay nakaliligtaan. “Nakalulungkot nga,” sabi ng isang misyonero sa Nigeria, “itinuturing ng ilang magulang ang paglilibang na pag-aaksaya ng panahon. Bunga nito, ang mga bata ay napababayaan sa kanilang sarili, at nasusumpungan nila ang maling uri ng mga kaibigan at maling uri ng katuwaan.” Mga magulang, huwag hayaang mangyari ito! Tiyakin na ang inyong mga anak ay may kapaki-pakinabang na paglilibang na talagang nakarerepresko sa kanila.
Ngunit kailangan ang pag-iingat. Ang mga Kristiyano ay hindi dapat na maging gaya ng marami sa ngayon na “mga maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Oo, ang libangan ay dapat na panatilihin sa kaniyang dako. Dapat itong makarepresko—hindi mangibabaw sa buhay ng isa. Kaya kailangan ng mga bata gayundin ng mga nasa hustong gulang hindi lamang ang angkop na uri ng libangan kundi ng angkop na dami rin naman.—Efeso 5:15, 16.
Masiyahan sa Ibang Gawain
Marami sa popular na libangan ang nagtuturo sa mga tao na maging walang-kibo sa halip na maging aktibo. Halimbawa, isaalang-alang ang telebisyon. Ganito ang sabi ng aklat na What to Do After You Turn Off the TV: “Sa mismong kalikasan nito [ang telebisyon] ay nagtuturo sa atin na maging walang-kibo: Ang libangan, at maging ang pag-aaral, ay nagiging isang bagay na tinatanggap natin nang walang anumang pagsisikap, hindi ng ating aktibong paggawa.” Mangyari pa, may dako rin para sa walang-kibong libangan. Subalit kung malaki ang nauubos nitong libreng panahon ng isa, pinagkakaitan siya nito ng kapana-panabik na mga pagkakataon.
Inilalarawan ng awtor na si Jerry Mander, na nagsasabing siya’y “isang miyembro ng salinlahi bago naging popular ang TV,” ang paminsan-minsang mga panahon ng pagkabagot na pumighati sa kaniyang pagkabata: “Kaakibat nito ang kabalisahan,” aniya. “Ito’y lubhang hindi nakalulugod, talagang hindi nakalulugod anupat ako sa wakas ay magpapasiyang kumilos—gumawa ng isang bagay. Tatawagan ko ang isang kaibigan, o lalabas ako. Maglalaro ako ng bola. Magbabasa ako. Gagawa ako ng isang bagay. Bilang paggunita, minamalas ko ang panahon ng pagkabagot, ng ‘walang magawa,’ bilang ang hukay na doo’y bumabangon ang mapanlikhang gawa.” Ngayon, sabi ni Mander, ginagamit ng mga bata ang TV bilang isang madaling lunas sa pagkabagot. “Inaalis ng TV kapuwa ang kabalisahan at pagkamapanlikha na maaaring kasunod nito,” susog pa niya.
Sa gayon, natuklasan ng marami na ang mga gawaing nangangailangan ng pakikibahagi sa halip ng di-pagkilos ay maaaring higit na kapaki-pakinabang kaysa inaakala nila. Nasumpungan ng ilan na ang pagbabasa nang malakas na kasama ng iba ay isang pinagmumulan ng kasiyahan. Ang iba naman ay nagtataguyod ng mga libangan, gaya ng pagtugtog ng isang instrumento sa musika o pagguhit ng larawan. Nariyan din ang mga pagkakataon na magsaayos ng kapaki-pakinabang na mga pagtitipon.c (Lucas 14:12-14) Ang paglilibang sa labas ng bahay ay may mga pakinabang din. Isang kabalitaan ng Gumising! sa Sweden ang nag-uulat: “Ang ilang pamilya ay nagkakamping o nangingisda o nag-eekskursiyon sa gubat, namamangka, naglalakad sa kabundukan, at iba pa. Tuwang-tuwa ang mga kabataan.”
Hindi natin dapat ikagulat ang pagkakaroon ng nakasasamang mga elemento sa libangan. Si apostol Pablo ay sumulat na ang mga tao ng mga bansa ay “lumalakad sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip.” (Efeso 4:17) Samakatuwid, dapat lamang asahan na ang karamihan na nasusumpungan nilang nakalilibang ay patungkol sa “mga gawa ng laman.” (Galacia 5:19-21) Gayunman, maaaring sanayin ng mga Kristiyano ang kanilang sarili na magpasiya nang may katinuan ng isip kung tungkol sa uri at dami ng kanilang libangan. Magagawa rin nilang isang gawain ng pamilya ang paglilibang at maaari pa nga silang sumubok ng bagong mga gawain na nakarerepresko at magbibigay ng magandang mga alaala sa darating ng mga taon. Oo, makasusumpong ka ng kapaki-pakinabang na libangan!
[Mga talababa]
a Ang ibang anyo ng salitang Hebreo na isinaling “tumawa” ay maaaring isalin na “maglaro,” “mag-alok ng libangan,” “magdiwang,” o “magkatuwaan.”
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang labas ng Gumising! ng Agosto 22, 1978, mga pahina 16-21, at Gumising! Disyembre 8, 1995, mga pahina 6-8.
c Para sa maka-Kasulatang tuntunin tungkol sa sosyal na mga pagtitipon, tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1992, mga pahina 15-20, at Oktubre 1, 1996, mga pahina 18-19.
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang mabuting paglilibang ay maaaring maging kapaki-pakinabang