Mga Lolo’t Lola—Ang Kanilang Kagalakan at ang mga Hamon sa Kanila
“Tuwang-tuwa akong maging isang lolo! Naaaliw ka sa iyong mga apo nang hindi nakadarama ng pananagutan sa kanila. Natatanto mo na may impluwensiya ka sa kanilang buhay ngunit sa dakong huli ay hindi naman ikaw ang huling magpapasiya. Ang kanilang mga magulang ang siyang gagawa nito.”—Gene, isang lolo.
ANONG mayroon sa pagiging lolo’t lola upang makadama ng ganitong katuwaan? Sinasabi ng mga mananaliksik na ang normal na mga kahilingan na ipinatutupad ng mga magulang sa kanilang mga anak ay maaaring lumikha ng maraming kaigtingan. Dahil sa ang mga lolo’t lola ay hindi naman karaniwang gumagawa ng gayong mga kahilingan, mas maalwan ang kaugnayan nila sa kanilang mga apo. Gaya ng pagkasabi ni Arthur Kornhaber, M.D., malaya silang magmahal sa kanilang mga apo “dahil nga sa ang mga ito’y kanilang mga apo.” Ganito ang sabi ng isang lolang nagngangalang Esther: “Sa aking sariling mga anak, halos lahat ng ginagawa nila ay nakaaapekto sa akin sa araw-araw. Bilang isang lola, malaya akong masiyahan na lamang at magmahal sa aking mga apo.”
Pagkatapos ay nariyan ang mas malawak na karunungan at kakayahan na kakambal ng pagtanda. (Job 12:12) Palibhasa’y may edad na at makaranasan, taglay ng mga lolo’t lola ang maraming taon ng karanasan sa pagiging isang magulang. Dahil sa natuto mula sa kanilang mga pagkakamali, maaaring mas may kakayahan sila na pakitunguhan ang mga bata kaysa noong sila’y bata-bata pa.
Ganito kung gayon ang pagtatapos ni Dr. Kornhaber: “Ang isang mahusay at maibiging buklod sa pagitan ng mga lolo’t lola at ng mga apo ay kailangan para sa emosyonal na kalusugan at kaligayahan ng tatlong henerasyon. Ang buklod na ito ay isang likas na karapatan ng mga bata mula pa nang sila’y isilang, . . . isang pamana ng mga nakatatanda sa kanila na pinakikinabangan ng lahat sa pamilya.” Katulad din nito ang sinabi ng peryodikong Family Relations: “Ang mga lolo’t lola na nakikibahagi at nakauunawa sa papel ng isang lolo o lola ay higit na nakadarama ng kagalingan at kasiglahan.”
Ang Papel ng Isang Lolo o Lola
Maraming mahahalagang papel na magagampanan ang mga lolo’t lola. “Maaari nilang tulungan ang kanilang mga anak na may asawa,” sabi ni Gene. “Inaakala ko na sa paggawa nito, mapagagaan nila ang ilang mahihirap na kalagayang nakakaharap ng mga kabataang magulang.” Malaking tulong din ang mga lolo’t lola sa kanila mismong mga apo. Kadalasa’y mga lolo’t lola ang nagkukuwento ng mga pangyayari na siyang nagpapaunawa sa isang bata ng kasaysayan ng pamilya. Madalas na gumaganap ng pangunahing papel ang mga lolo’t lola sa pagtuturo ng relihiyon sa pamilya.
Sa maraming pamilya, ang mga lolo’t lola ay nagsisilbing mga pinagkakatiwalaang tagapayo. “Marahil ay may mga bagay na sasabihin sa iyo ang mga bata na hindi nila masabi sa kanilang mga magulang,” sabi ni Jane, na nabanggit sa unang artikulo. Karaniwan nang nalulugod ang mga magulang sa gayong karagdagang tulong. Ayon sa isang pag-aaral, “itinuturing ng mahigit sa 80 porsiyento ng mga tin-edyer ang kanilang mga lolo’t lola bilang mga katapatang-loob. . . . Maraming apong nasa hustong gulang na ang regular na nakikipag-usap sa kanilang pinakamalapit na lolo’t lola.”
Maaaring lalo nang mahalaga ang isang mapagmahal na lolo o lola sa isang batang hindi wastong naaalagaan sa tahanan. “Ang lola ko ang siyang pinakamahalagang tao sa aking kamusmusan,” isinulat ni Selma Wassermann. “Ang lola ko ang nag-abala at pumuno sa aking buhay ng pagmamahal. Mas malaki pa wika nga sa Miami Beach ang kandungan niya, at kapag ako’y kinandong niya, alam kong ligtas ako. . . . Sa lola ko natutuhan ang pinakamahahalagang bagay tungkol sa aking sarili—na ako’y minamahal at sa gayo’y karapat-dapat mahalin.”—The Long Distance Grandmother.
Kaigtingan sa Pamilya
Subalit may kaakibat na posibleng mga kaigtingan at problema ang pagiging lolo’t lola. Halimbawa, nagunita ng isang magulang ang matinding pagtatalo nila ng kaniyang ina tungkol sa wastong paraan ng pagpapadighay sa sanggol. “Lumikha iyon ng agwat sa pagitan namin sa panahong kailangang-kailangan ko siya.” Mauunawaan naman, nais ng nakababatang mga magulang na sang-ayunan ng kanilang mga magulang ang paraan ng pagpapalaki nila sa kanilang mga anak. Kaya naman ang mga mungkahi mula sa kanilang mga magulang na may mabuti namang layunin ay maaaring maging gaya ng nakapanlulumong pamumuna.
Sa kaniyang aklat na Between Parents and Grandparents, ikinuwento ni Dr. Kornhaber ang tungkol sa dalawang magulang na may isa pang pangkaraniwang problema. Sabi ng isang magulang: “Araw-araw akong pinakikialaman ng aking mga magulang, at nagagalit sila kapag hindi nila ako dinaratnan sa bahay. . . . Hindi na nila ako isinasaalang-alang—ang aking damdamin at ang aking sariling buhay.” Reklamo naman ng isa: “Gustong angkinin ng aking mga magulang ang aking munting anak na babae. Gusto nilang sila ang kasama ni Susie sa loob ng beinte-kuwatro oras bawat araw. . . . Iniisip naming lumipat na lamang ng tirahan.”
Kung minsan, pinagbibintangan din ang mga lolo’t lola ng pagpapalayaw sa kanilang mga apo sa pamamagitan ng labis-labis na pagreregalo sa kanila. Sabihin pa, likas na sa isang lolo o lola ang pagiging palabigay, pero ang ilan ay nagmamalabis na sa bagay na ito. Subalit kung minsan, ang mga reklamo ng isang magulang ay udyok ng paninibugho. (Kawikaan 14:30) “Ang aking mga magulang ay naging mahigpit at mabalasik sa akin,” pagtatapat ni Mildred. “Sa aking mga anak, sila naman ay palabigay at [maluwag]. Nagseselos ako dahil hindi na sila nagbago ng pakikitungo sa akin.” Anuman ang motibo o dahilan, maaaring lumikha ng mga problema kung hindi iginagalang ng isang lolo o lola ang kahilingan ng mga magulang pagdating sa pagreregalo.
Kaya naman isang katalinuhan para sa mga lolo’t lola na maging maingat sa pagiging palabigay. Ipinakikita ng Bibliya na kahit ang isang mabuting bagay ay makasasama kung iyon ay labis-labis. (Kawikaan 25:27) Kung hindi ka nakatitiyak kung anong uri ng mga regalo ang angkop, sumangguni ka sa mga magulang. Sa ganitong paraan, ‘malalaman mo kung paano magbibigay ng mabubuting kaloob.’—Lucas 11:13.
Pag-ibig at Paggalang—Ang mga Susi!
Nakalulungkot sabihin, inirereklamo ng ilang lolo’t lola na ang kanilang gawain bilang mga katiwala at tagapag-alaga ng bata ay hindi pinahahalagahan. Nadarama naman ng iba na hindi sapat ang panahong ibinibigay sa kanila para makasama ang kanilang mga apo. Ngunit sinasabi ng iba na iniiwasan sila ng kanilang adultong mga anak nang hindi man lamang nagpapaliwanag kung bakit. Ang gayong nakasasakit na mga problema ay malimit na maiiwasan kung magpapakita ng pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay may mahabang-pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, . . . hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito, hindi napupukaw sa galit. . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.”—1 Corinto 13:4, 5, 7.
Marahil isa kang kabataang magulang at si Lola ay nagbibigay ng taimtim ngunit nakaiinis na mungkahi o komento. Talaga bang mayroon kang dahilan para ‘mapukaw sa galit’? Kung sa bagay, ipinakikita ng Bibliya na papel ng nakatatandang Kristiyanong mga babae na turuan “ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino sa pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan.” (Tito 2:3-5) At hindi ba pareho naman ang nais mo at ng mga lolo’t lola—yaong pinakamabuti para sa iyong mga anak? Yamang ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito,” marahil pinakamabuti na magtuon ng pansin sa mga pangangailangan ng bata—hindi sa iyong sariling damdamin. Ang paggawa nito ay maaaring makatulong sa iyo na maiwasang “makipaghamunan ng away” sa bawat maliliit na pag-iiringan.—Galacia 5:26, talababa sa Ingles.
Totoo, maaaring ikinatatakot mo na ang labis na pagbibigay ay magpapalayaw sa iyong anak. Subalit karaniwan nang wala namang masamang motibo ang isang lolo o lola kapag siya ay nagbibigay. Sumasang-ayon ang karamihan ng mga propesyonal tungkol sa pag-aalaga sa bata na ang paraan ng iyong pagsasanay at pagdidisiplina sa iyong anak ay magkakaroon ng higit na epekto kaysa sa paminsan-minsang pakikialam ng isang lolo o lola. Nagpayo ang isang doktor: “Nakatutulong ang pagiging mapagpatawa.”
Kung mayroon kang makatuwirang dahilan para mabahala sa ilang suliranin tungkol sa pag-aalaga sa bata, huwag mong putulin ang kaugnayan ng iyong mga anak sa iyong magulang o biyenan. Sabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang lihim na usapan.” (Kawikaan 15:22) Sa “tamang panahon,” seryosong pag-usapan at isiwalat ang iyong mga ikinababahala. (Kawikaan 15:23) Kadalasan, nakagagawa naman ng mga solusyon.
Isa ka bang lolo o lola? Kung gayon, mahalaga na magpakita ng paggalang sa mga magulang ng iyong apo. Sabihin pa, madarama mong obligado kang magsalita kapag inaakala mong nanganganib ang iyong apo. Pero bagaman likas para sa iyo na ibigin at arugain ang iyong mga apo, ang mga magulang—hindi ang mga lolo’t lola—ang siyang may pananagutan na magpalaki sa kanilang mga anak. (Efeso 6:4) Inuutusan ng Bibliya ang iyong mga apo na igalang at sundin ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1, 2; Hebreo 12:9) Kaya iwasang paulanan ang kanilang mga magulang ng di-hinihinging payo o pahinain ang awtoridad ng kanilang mga magulang.—Ihambing ang 1 Tesalonica 4:11.
Totoo, ang di-pakikialam at pagpigil sa iyong dila—at marahil sa iyong paghinga—at hayaan ang iyong mga anak na gawin ang tungkulin nila bilang mga magulang ay hindi laging madali. Ngunit gaya ng sabi ni Gene, “maliban nang humingi sila ng payo, kailangang makipagtulungan ka sa inaakala nilang pinakamabuti para sa kanilang mga anak.” Sabi naman ni Jane: “Iniiwasan kong sabihin, ‘Ito ang dapat gawin!’ Maraming iba’t ibang paraan para gawin ang mga bagay-bagay, at kung ipipilit mo ang gusto mo, magkakaroon ng mga problema.”
Kung Ano ang Maibibigay ng mga Lolo’t Lola
Inilalarawan ng Bibliya na isang pagpapala mula sa Diyos ang pagkakaroon ng mga apo. (Awit 128:3-6) Kung magiging interesado ka sa iyong mga apo, maaari kang maging isang malakas na impluwensiya sa kanilang buhay, anupat tinutulungan sila na magkaroon ng makadiyos na mga pamantayan. (Ihambing ang Deuteronomio 32:7.) Noong panahon ng Bibliya, isang babaing nagngangalang Loida ang gumanap ng mahalagang papel sa pagtulong sa kaniyang apo, si Timoteo, na lumaking isang natatanging taong makadiyos. (2 Timoteo 1:5) Sa katulad na paraan, maaari mong maranasan ang kagalakan habang tumutugon ang iyong mga apo sa makadiyos na pagsasanay.
Maaari ka ring pagmulan ng kinakailangang pag-ibig at pagmamahal. Totoo, maaaring hindi ikaw ang uring malambing at mapagmahal. Gayunman, maipakikita rin ang makadiyos na pag-ibig sa pamamagitan ng pagkakaroon ng taimtim at walang-pag-iimbot na interes sa iyong mga apo. Sinabi ng manunulat na si Selma Wassermann: “Ang pagpapakita ng interes sa sinasabi sa iyo ng bata . . . ay tiyak na magpapahiwatig na nagmamalasakit ka. Ang pagiging isang mabuting tagapakinig, na hindi sumasabad at namimintas—ay pawang nagsisiwalat ng paggalang, pagmamahal at pagpapahalaga.” Para sa isang apo, ang gayong maibiging atensiyon ay isa sa pinakamaiinam na regalo na maibibigay ng isang lolo o lola.
Ang ating natalakay na ay nagtuon ng pansin sa tradisyonal na papel ng mga lolo’t lola. Subalit maraming lolo’t lola ngayon ang nagdadala ng isang mas mabigat na pasan.
[Blurb sa pahina 6]
“Sa lola ko natutuhan ang pinakamahahalagang bagay tungkol sa aking sarili—na ako’y minamahal at sa gayo’y karapat-dapat mahalin”
[Kahon sa pahina 6]
Mga Mungkahi Para sa mga Lolo’t Lola na Nasa Malayo
• Hilingin sa mga magulang na padalhan ka ng mga videotape o larawan ng iyong mga apo.
• Magpadala ng “mga liham” na audiotape sa iyong mga apo. Para sa maliliit na bata, irekord mo ang iyong pagbasa ng mga kuwento sa Bibliya o pag-awit ng mga awiting pampatulog.
• Magpadala ka ng mga postkard at liham sa iyong mga apo. Kung maaari, regular na makipagsulatan sa kanila.
• Kung kaya mo, tumawag ka sa iyong mga apo sa pamamagitan ng long-distance. Kapag nakikipag-usap sa maliliit na bata, simulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng simpleng mga tanong na, “Ano ang kinain mo sa almusal?”
• Kung maaari, gumawa ng regular at maiikling pagdalaw.
• Isaayos sa mga magulang na dalawin ka ng iyong mga apo. Magplano ng mga gawain, gaya ng pagpunta sa zoo, museo, at mga parke.
[Larawan sa pahina 5]
Maraming lolo’t lola ang tumutulong sa pag-aalaga sa kanilang mga apo
[Larawan sa pahina 7]
Maaaring bumangon ang kaigtingan hinggil sa pamamaraan ng pag-aalaga sa bata
[Larawan sa pahina 7]
Kadalasa’y gumaganap ng papel ang mga lolo’t lola sa pagkukuwento ng kasaysayan ng pamilya