AZARIAS
[Si Jehova ay Tumulong].
1. Isang inapo ni Juda sa pamamagitan ni Tamar; mula sa sambahayan ni Etan.—1Cr 2:4, 6, 8.
2. Isang Levita na nagmula sa angkan ni Kohat; anak ni Zefanias at ninuno ng propetang si Samuel.—1Cr 6:33, 36.
3. Isang inapo ni Aaron sa linya ni Eleazar; anak ni Ahimaas.—1Cr 6:9.
4. Isa sa mga prinsipe ni Solomon. (1Ha 4:2) Tinukoy siya bilang anak ng saserdoteng si Zadok; maaaring siya ay kapatid ni Ahimaas.—1Cr 6:8.
5. Anak ni Natan; ang prinsipeng inatasan ni Solomon bilang ulo ng 12 kinatawan na naglaan ng pagkain sa sambahayan ng hari.—1Ha 4:5, 7, 19.
6. Isang propeta, anak ni Oded, na tumulong sa pagpapasigla kay Asa noong 963 B.C.E. na “hanapin si Jehova.” Bilang resulta, inalis ng hari ang “mga kasuklam-suklam na bagay” mula sa buong lupain at dinala ang bayan sa isang pinanumpaang tipan, anupat “ang sinumang hindi humanap kay Jehova na Diyos ng Israel ay papatayin.”—2Cr 15:1-15.
7, 8. Dalawa sa pitong anak ni Jehosapat, nakatala bilang ikalawa at ikalima. Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob at mga nakukutaang lunsod, ngunit nang maging hari ang nakatatanda nilang kapatid na si Jehoram, ang mga anak na ito ay pinatay. (2Cr 21:1-4) “Waring hindi makatuwirang ipalagay [gaya ng iniisip ng ilan] na ang pangalang iyon ay dalawang beses na ginamit dahil magkapatid lamang sa ama ang mga batang ito o dahil namatay ang isa nang sanggol pa.” (The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 325) Hindi pangkaraniwan para sa magkapatid na magkaroon ng parehong pangalan, ngunit sa Hebreo ay may bahagyang pagkakaiba sa baybay at bigkas ang dalawang pangalan, ʽAzar·yahʹ (“Si Jah ay Tumulong”) at ʽAzar·yaʹhu (“Si Jehova ay Tumulong”).
9. Anak ng isa na nagngangalang Jehu at ama ni Helez; mula sa tribo ni Juda, pitong salinlahi ang layo mula sa kaniyang Ehipsiyong ninunong si Jarha.—1Cr 2:3, 34-39.
10. Hari ng Juda, ang bunsong anak nina Jehoram at Athalia; tinatawag ding Jehoahaz at Ahazias.—2Ha 8:25-29; 2Cr 21:17; 22:1, 6; tingnan ang AHAZIAS Blg. 2.
11. Anak ni Jeroham. Isa sa limang pinuno ng daan-daan na tumulong sa pagpapabagsak sa mang-aagaw ng kapangyarihan na si Athalia at sa paglalagay kay Jehoas sa trono ng Juda noong 898 B.C.E.—2Cr 23:1-15.
12. Anak ni Obed. Isa sa limang pinuno ng daan-daan na tumulong sa pagluluklok kay Jehoas bilang kahalili ng mang-aagaw ng kapangyarihan na si Athalia, noong 898 B.C.E.—2Cr 23:1-15.
13. Hari ng Juda sa loob ng 52 taon (829-778 B.C.E.). Anak nina Amazias at Jecolias. (2Ha 14:21; 15:1, 2) Tinatawag siyang Uzias sa 2 Hari 15:13.—Tingnan ang UZIAS Blg. 3.
14. Isang mataas na saserdote, anak ni Johanan, inapo ni Aaron. (1Cr 6:1-10) Nang may-kapangahasang tangkain ni Haring Uzias na maghandog ng insenso sa templo, marahil ang Azarias na ito ang nag-utos sa kaniya na lumabas, at nang lumaban ang hari, pinasapitan siya ni Jehova ng ketong. (2Cr 26:16-21) Pagkaraan ng mga tatlong dekada pagkamatay ni Uzias, noong unang taon ng paghahari ni Hezekias (745 B.C.E.), ang pagpapala ni Jehova sa mga reporma ng hari ay kinilala ni Azarias, na naglilingkod pa rin noon bilang mataas na saserdote (o ng isa pa na may gayunding pangalan).—2Cr 31:9, 10, 13.
15. Isang prinsipe ng Efraim, anak ni Jehohanan. Matapos talunin ang Juda noong kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E., bumalik ang Israel dala ang 200,000 bihag, ngunit tinulungan ni Azarias at ng iba pang mga prinsipe ng Efraim na makalaya ang mga bihag at pinaglaanan nila ang mga ito ng materyal na mga pangangailangan para sa kanilang pag-uwi.—2Cr 28:5-15.
16. Isang inapo ni Levi sa pamamagitan ni Kohat na ang anak na si Joel ay tumulong sa paglilinis ng templo sa utos ni Hezekias noong 745 B.C.E.—2Cr 29:1-12, 15.
17. Isang inapo ni Levi sa pamamagitan ni Merari; anak ni Jehalelel; isa sa mga nakibahagi sa paglilinis ng templo sa utos ni Hezekias.—2Cr 29:1-12, 15.
18. Anak ni Meraiot; isang ninuno ni Ezra.—Ezr 7:3.
19. Anak ni Hilkias na mataas na saserdote noong namamahala si Josias at ama ni Seraias (2Ha 22:3, 4; 1Cr 6:13, 14); ninuno ni Ezra na tagakopya.—Ezr 7:1.
20. Anak ni Hosaias. (Jer 43:2) Tinatawag din siyang Jezanias (Jer 40:8; 42:1) at Jaazanias (2Ha 25:23). Si Azarias ang isa sa mga pinuno ng mga hukbong militar na sumuporta kay Gedalias (Jer 40:7-10); isa na humiling kay Jeremias na manalangin para sa kanila ukol sa patnubay (Jer 42:1-3); at, nang dakong huli, isa sa “mga lalaking pangahas” na nagtakwil sa sagot ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias.—Jer 43:1-3.
21. Isa sa mga kabataang Hebreo na dinalang bihag sa Babilonya noong 617 B.C.E., na ang pangalan ay pinalitan ng Abednego, malamang na nangangahulugang “Lingkod ni Nebo [isang diyos ng Babilonya].” (Dan 1:3-7) Pagkatapos ng isang pantanging tatlong-taóng kurso ng pagsasanay, si Azarias at ang kaniyang mga kasamahan (sina Daniel, Hananias, Misael) ay nasumpungang ‘mas magaling nang sampung ulit kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero’ ng Babilonya. (Dan 1:5, 14-20) Bagaman noong una ay pinagbantaan siya ng kamatayan (Dan 2:13-18), nang maglaon ay itinaas siya sa katungkulan bilang administrador. (Dan 2:49) Subalit nalagay sa sukdulang pagsubok ang pagkamatapat ni Azarias kay Jehova nang ihagis siya sa isang pagkainit-init na hurno dahil sa pagtangging sumamba sa imaheng itinayo ni Nabucodonosor. (Dan 3:12-30) Tunay na siya’y isang taong may pananampalataya anupat malamang na isa siya sa mga tinukoy ng apostol na si Pablo bilang “nagpatigil ng puwersa ng apoy.”—Heb 11:34.
22. Isa na bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E. pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya. (Ne 7:6, 7) Tinatawag na Seraias sa Ezra 2:2.
23. Isa sa mga saserdoteng nanirahan sa Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon. (1Cr 9:11) Seraias ang tawag sa kaniya sa isang katulad na talaan. (Ne 11:11) Posibleng siya rin ang Blg. 22.
24. Anak ni Maaseias na anak ni Ananias. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias, kinumpuni niya ang isang bahagi ng pader ng Jerusalem na malapit sa kaniyang tahanan noong 455 B.C.E.—Ne 3:23, 24.
25. Isa na inatasan ni Nehemias upang lumakad kasama ni Ezra at ng iba pa sa prusisyon sa ibabaw ng muling-itinayong pader ng Jerusalem noong pasinayaan ito; marahil ay siya rin ang Blg. 27.—Ne 12:31-36.
26. Isa sa 13 Levita na tumulong kay Ezra sa pagpapaliwanag ng Kautusan noong basahin ito sa bayan.—Ne 8:7, 8.
27. Isang saserdote, o ang ninuno ng isang saserdote, na nagpatotoo sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” sa pamamagitan ng tatak noong mga araw ni Gobernador Nehemias.—Ne 9:38; 10:1, 2, 8.