ELKANA
[Ang Diyos ay Nagluwal].
1. Isang Levita, isang anak ng mapaghimagsik na si Kora; siya at ang kaniyang mga kapatid, sina Asir at Abiasap, ay hindi napuksa kasama ng kanilang ama. (Exo 6:24; Bil 26:11) Posibleng siya ang Elkana na binanggit sa 1 Cronica 6:23.
2. Ang ikalawa sa apat na Levitang Kohatita na nagngangalang Elkana at nakatala sa Mga Cronica. Ipinakilala siya bilang ama nina Amasai at Ahimot, at waring anak siya ni Joel.—1Cr 6:25, 36.
3. Ang ikatlo sa mga Levitang binanggit sa itaas; waring anak ni Mahat.—1Cr 6:26, 35.
4. Ang anak ni Jeroham at ama ni Samuel na propeta, gayundin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. Si Elkana ay naninirahan sa Rama ng bulubunduking pook ng Efraim. Kaya naman tinawag siyang Efraimita, bagaman isa siyang Levita dahil sa pinagmulan niyang angkan. (1Sa 1:1; 1Cr 6:27, 33, 34) Kaugalian na ni Elkana na pumaroon sa Shilo taun-taon “upang magpatirapa at maghain kay Jehova.” Mayroon siyang dalawang asawa, sina Hana at Penina. Bagaman baog si Hana, mahal siya ni Elkana at sinikap nitong aliwin siya dahil sa kaniyang pagiging baog. Nang maglaon, bilang sagot sa panalangin ni Hana, pinagpala sila ni Jehova nang ipanganak si Samuel at nang isilang pa sa kalaunan ang tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae.—1Sa 1:2, 3, 5, 8, 19; 2:21.
5. Isang Levitang ninuno ng isang nagngangalang Berekias.—1Cr 9:16.
6. Isa sa mga Korahita na lumilitaw na naninirahan sa teritoryo ng Benjamin at “pumaroon kay David sa Ziklag habang hindi pa siya makakilos dahil kay Saul.”—1Cr 12:1, 2, 6.
7. Isa sa mga bantay ng pintuang-daan para sa Kaban noong panahong ilipat ito ni David sa Jerusalem mula sa bahay ni Obed-edom; posibleng siya rin ang Blg. 6.—1Cr 15:23, 25.
8. Isang opisyal na humawak ng posisyong pangalawa kay Haring Ahaz ng Juda at pinatay ni Zicri, isang makapangyarihang lalaki ng Efraim, nang salakayin ni Peka na hari ng Israel ang Juda.—2Cr 28:6, 7.