Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang pagkaunawa ko ay na sapol nang magkasala ang tao ang Diyos ay nakikitungo sa mga tao sa pamamagitan lamang ng kaniyang Anak. Kaya paano nga maaaring makitungo si Jehova nang tuwiran kay Satanas, gaya ng ipinakikita ng aklat ng Job?
Ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao ay sa pamamagitan ng kaniyang Anak maging noon mang bago at pagkatapos magkasala si Adan at magsupling ng di-sakdal na hali.—Roma 5:12.
Ang Colosas 1:16, 17, ay nagsasabi tungkol sa panganay na Anak ng Diyos: “Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng iba pang mga bagay sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita . . . Lahat ng iba pang mga bagay ay nangalikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya. Gayundin, siya’y una sa lahat ng iba pang mga bagay at sa pamamagitan niya pinairal ang lahat ng iba pang mga bagay.” Ang Juan 1:1-3 ay may ganiyan ding punto na binabanggit, ngunit atin ding napag-aalaman na ang Anak na ito ay ang Salita, o Logos. Kahit kung lahat ng tao ay sakdal, bago si Adan at si Eva ay nagkasala, ang Diyos ay makikitungo sa kanila at makikipagtalastasan sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang kinatawan, ang Salita. Kaya’t huwag nating isipin na ang pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang Anak ay bunga ng pagkahulog ng tao sa pagkakasala at di-kasakdalan.
Ang Bibliya ay hindi nagbibigay sa atin ng maraming detalye tungkol sa kung paano nakipagtalastasan ang Diyos na Jehova sa espiritung mga nilikha. Ang Job kabanata 1 at 2 ay naglalahad na minsan si Satanas ay pumaroon “sa harap ni Jehova” at sa isang asamblea ng mga anghel sa langit. “Nang magkagayo’y sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Saan ka nanggaling?’ ” (Job 1:6, 7) Sa pangyayaring ito, hindi inilalarawan ng aklat ng Job si Satanas bilang nakikipagtalastasan kay Jehova sa pamamagitan ng isang tagapamagitan. At, ang propetang si Micheas ay nagkaroon ng pangitain tungkol kay Jehova at ito ay nakaupo sa Kaniyang trono. Nakita ng propeta ang isang anghel na nakikipag-usap kay Jehova, at walang binabanggit doon na tagapamagitan. (1 Hari 22:19-23) Ang Logos ay hindi binabanggit sa dalawang kasong ito. Hindi espisipikong sinasabi kung siya’y kasangkot roon.
Samantalang ang paraan ng Diyos na Jehova ng pakikipag-usap kay Adan ay hindi naman kailangang magbago nang magkasala ang unang tao, ang situwasyon ni Adan ay tunay na naiiba. Bago nagkasala si Adan siya ay isang taong “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Pagkatapos ay hindi na siya gayon. Ang mga supling at inapo ni Adan ay mga di-sakdal din, pinarumi ng kasalanan. Kung gayon, wala sa katayuan si Jehova na kahit ang tapat at may pananampalatayang mga lalaki at mga babae ay ituring niya na kaniyang “mga anak,” o mga anak na tao. Gayunman, nilayon niya ang isang pagbabago. Si Jesus ay pumarito at naglaan ng haing pantubos, na naglalatag ng saligan para patawarin ni Jehova ang kasalanan ng mga sumasampalataya sa haing iyon. Si apostol Pablo ay nagpaliwanag sa mga Kristiyano: “Noong tayo’y mga kaaway ay pinapagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.”—Roma 5:10; Efeso 1:7.
Oo, bagama’t hindi siya nagiging liko o marumi, kung magkagayo’y mapatatawad na ni Jehova ang kasalanan ng mga taong may pananampalataya at maituturing sila na malinis, walang kasalanang mga anak na tao, nakahanay na ampunin bilang espirituwal na mga anak. (Roma 3:25, 26; 8:15-17) Gayunman, kahit na rito ay ginamit ng Diyos ang kaniyang Anak, gaya ng ipinakikita ng ulat tungkol sa pagbubuhos ni Jesus ng banal na espiritu noong Pentecostes.—Gawa 2:33.
Samakatuwid ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng Salita, ay hindi unang-una dahilan sa pagkakasala ng tao, ni ito man ay dapat kilalanin na di-naaayon sa ating mababasa sa aklat ng Job.