Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/8 p. 5-9
  • Ang Lubhang Di-napapansing Dalubsining sa Ating Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Lubhang Di-napapansing Dalubsining sa Ating Panahon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kaloob na Kagandahan
  • Bakit ang Kaloob na Kagandahan?
  • ‘Ang Kaniyang mga Katangian ay Maliwanag na Nakikita’
  • Ang Pagkakaiba-iba ay Nagdudulot ng Kasiyahan sa Buhay
  • Ano ba ang Sining?
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Titingnan ang Kagandahan sa Paligid Natin
    Gumising!—1995
  • Ang Kagandahan ay Baka Pang-ibabaw Lamang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/8 p. 5-9

Ang Lubhang Di-napapansing Dalubsining sa Ating Panahon

“Ang kalikasan ang sining ng Diyos.”​—Sir Thomas Browne, ika-17 siglong manggagamot.

LEONARDO DA VINCI, Rembrandt, van Gogh​—ang mga pangalang ito ay kilala ng milyun-milyon. Kahit na maaaring hindi mo kailanman nakita ang isa sa kanilang orihinal na mga ipininta, alam mo na ang mga lalaking ito ay dakilang mga pintor. Sa diwa, ginawa silang walang-kamatayan ng kanilang sining.

Binihag nila sa canvas ang isang mahiwagang ngiti, isang lumalagos na larawan, isang sulyap sa kagandahan ng paglalang, na nakaaantig pa rin sa imahinasyon ng nagmamasid. Tayo’y nabibighani sa kung ano ang nakabibighani sa kanila​—bagaman mga dantaon na ang agwat natin.

Maaaring tayo ay hindi mga dalubsining ni mga kritiko ng sining, ngunit nakikilala pa rin natin ang artistikong kahusayan. Tulad ng dalubsining na ang gawa ay hinahangaan natin, tayo man ay nagtataglay ng pagpapahalaga sa kagandahan. Ang ating kakayahang kumilala ng kulay, hugis, disenyo, at liwanag ay maaaring ipinalalagay nating ordinaryong bagay, subalit ito’y bahagi ng ating buhay. Walang alinlangang nais nating gayakan ang ating mga tahanan ng mga bagay o mga ipinintang larawan na kalugud-lugod sa mata. Bagaman iba-iba ang hilig, ang kabatirang ito sa kagandahan ay isang kaloob na doo’y nakikibahagi ang karamihan ng sangkatauhan. At isa itong kaloob na maaaring magpalapit sa atin sa ating Maylikha.

Ang Kaloob na Kagandahan

Ang pagpapahalaga sa kagandahan ay isa sa maraming katangian na gumagawa sa tao na kakaiba sa mga hayop. Binabanggit ng akdang Summa Artis​—Historia General del Arte (Nauunawaang Ulat ng Sining​—Isang Panlahat na Kasaysayan ng Sining) na “ang tao ay maaaring bigyang-kahulugan bilang ang hayop na may kakayahang magpahalaga sa kagandahan.” Dahil sa naiiba tayo sa mga hayop, nakikita natin ang paglalang sa ibang liwanag. Ang aso ba’y nagpapahalaga sa magandang paglubog ng araw?

Sino ang gumawa sa atin na gayon? Ang Bibliya ay nagpapaliwanag na “nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang.” (Genesis 1:27) Hindi sa ang ating unang mga magulang ay kawangis ng Diyos. Bagkus pinagkalooban sila ng Diyos ng mga katangiang taglay niya mismo. Ang isa rito ay ang kakayahang magpahalaga sa kagandahan.

Sa pamamagitan ng di-malirip na proseso, nahihiwatigan ng utak ng tao ang kagandahan. Una sa lahat, inihahatid ng ating mga pandamdam sa utak ang impormasyon tungkol sa mga tunog, amoy, kulay, at hugis ng mga bagay na nakatatawag ng ating pansin. Subalit ang kagandahan ay higit pa sa kabuuan ng elektrokemikal na mga bugsong ito, na nagsasabi lamang sa atin ng kung ano ang nangyayari sa paligid natin. Hindi natin nakikita ang isang puno, isang bulaklak, o ang isang ibon sa katulad na paraan na nakikita ito ng isang hayop. Bagaman ang mga bagay na ito ay maaaring walang naibibigay sa atin na kagyat na praktikal na pakinabang, sa paano man ang mga ito’y nagbibigay sa atin ng kasiyahan. Pinangyayari ng ating utak na maunawaan natin ang kanilang kagandahan.

Ang kakayahang ito ay nakaaantig ng ating mga damdamin at pinagyayaman ang ating buhay. Tandang-tanda pa ni Mary, na nakatira sa Espanya, isang gabi noong Nobyembre mga ilang taon na ang nakalipas nang siya ay nakatayo sa tabi ng isang lawa sa malayo at nanood sa paglubog ng araw. “Lumilipad papalapit sa akin ang magkakasunod na mga tagák na nagtatawagan sa isa’t isa,” sabi niya. “Libu-libong ibon ang animo’y nakatali sa mamula-mulang langit sa disenyo na mala-gagamba. Ang kanilang taunang pandarayuhang paglalakbay mula sa Russia at Scandinavia ay nagdala sa kanila sa pahingahang-dakong ito sa Espanya. Napakagandang karanasan ito anupat napaiyak ako.”

Bakit ang Kaloob na Kagandahan?

Para sa maraming tao ang pagpapahalaga sa kagandahan ay maliwanag na tumuturo sa pag-iral ng isang maibiging Maylikha, na nagnanais na ang kaniyang matalinong nilalang ay masiyahan sa kaniyang kasiningan. Anong pagkamakatuwiran at kasiya-siya nga na ipalagay na ang ating pagpapahalaga sa kagandahan ay mula sa isang maibiging Maylikha. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang “Diyos ay pag-ibig,” at ang kahulugan ng pag-ibig ay ibahagi ito sa iba. (1 Juan 4:8; Gawa 20:35) Si Jehova ay nasisiyahang ibahagi ang kaniyang mapanlikhang sining sa atin. Kung ang isang obra maestra sa musika ay hindi kailanman narinig o ang isang napakagandang larawang ipininta ay hindi kailanman nakita, bale-wala ang kanilang kagandahan. Ang sining ay nilikha upang ibahagi ito sa iba at masiyahan dito​—ito’y walang-buhay kung walang mga manonood.

Oo, nilalang ni Jehova ang magagandang bagay sa isang layunin​— upang ibahagi ito sa iba at masiyahan dito. Sa katunayan, ang tahanan ng ating unang mga magulang ay isang napakalawak na parkeng paraiso na tinatawag na Eden​—na nangangahulugang “Kaluguran.” Hindi lamang pinunô ng Diyos ang lupa ng kaniyang kasiningan kundi binigyan din niya ang sangkatauhan ng kakayahang mapansin at pahalagahan ito. At anong dami nga ng kagandahang makikita roon! Gaya ng sabi ni Paul Davies, “kung minsan para bang ang kalikasan ay ‘gumagawa ng pantanging pagsisikap’ na gumawa ng kawili-wili at mabungang sansinukob.” Nasusumpungan natin ang sansinukob na kawili-wili at mabunga dahil si Jehova ay ‘gumawa ng pantanging mga pagsisikap’ na likhain tayo taglay ang kakayahang pag-aralan at masiyahan dito.

Hindi kataka-taka, ang pagkilala sa likas na kagandahan​—at ang pagnanais na tularan ito​—ay karaniwan sa lahat ng kultura, mula sa sinaunang mga dalubsining na nagpipinta sa mga kuweba hanggang sa mga Impresyonista. Libu-libong taon na ang nakalipas, ang mga maninirahan sa gawing hilaga ng Espanya ay maliwanag at detalyadong nagpinta ng mga larawan ng hayop sa mga kuweba ng Altamira, Cantabria. Mahigit na isang siglo na ang nakalipas, ang mga pintor na Impresyonista ay lumabas sa kanilang mga studio at nagsikap na bihagin ang masayang pagtatanghal ng mga kulay sa isang bukirin ng mga bulaklak o ang nagbabagong mga disenyo ng liwanag sa tubig. Alam na alam kahit ng mga batang musmos ang magagandang bagay. Sa katunayan, kapag binigyan ng mga krayola at papel, ang karamihan sa kanila ay gustong gumuhit ng anumang nakikita nila na nakabighani sa kanilang imahinasyon.

Sa ngayon, mas pinipili ng maraming adulto ang maglitrato upang maalaala ang isang magandang tanawin na hinangaan nila. Ngunit kahit na kung walang kamera, kaya ng ating isip na alalahanin ang mga larawan ng kagandahan na nakita natin mga dekada na ang nakalipas. Maliwanag, ginawa tayo ng Diyos taglay ang kakayahang masiyahan sa ating makalupang tahanan, na katangi-tangi niyang ginayakan. (Awit 115:16) Subalit, may isa pang dahilan kung bakit binigyan tayo ng Diyos ng pagpapahalaga sa kagandahan.

‘Ang Kaniyang mga Katangian ay Maliwanag na Nakikita’

Habang pinasisidhi natin ang ating pagpapahalaga sa kasiningan sa kalikasan makatutulong ito sa atin upang makilala ang ating Maylikha, na ang gawang-kamay ay nakapalibot sa atin. Sa isang pagkakataon sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na masdang maigi ang mga ligaw na bulaklak na tumutubo sa palibot ng Galilea. “Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang,” aniya, “kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon man sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.” (Mateo 6:28, 29) Ang kagandahan ng isang walang-halagang ligaw na bulaklak ay maaaring magpagunita sa atin na ang Diyos ay nagmamalasakit sa mga pangangailangan ng sambahayan ng tao.

Sinabi rin ni Jesus na makikilala mo ang isang tao sa pamamagitan ng kaniyang “mga bunga,” o mga gawa. (Mateo 7:16-20) Kaya nga, maaasahan lamang na ang gawang-sining ng Diyos ay magbibigay sa atin ng malalim na unawa sa kaniyang personalidad. Anu-ano ang ilan sa ‘mga katangian niya na malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy’?​—Roma 1:20.

“Anong dami ng iyong mga gawa, O Jehova!” bulalas ng salmista. “Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan.” (Awit 104:24) Ang karunungan ng Diyos ay makikita pa nga sa mga kulay na ginamit niya upang “kulayan” ang mga pananim at mga hayop sa lupa. “Ang kulay ay nagbibigay ng labis na kasiyahan sa diwa at sa paningin,” sabi nina Fabris at Germani sa kanilang aklat na Colore, Disegno ed estetica nell’arte grafica (Kulay​—Disenyo at Kagandahan sa Sining Grapika). Ang magkakaugnay at magkakasalungat na mga kulay, na kasiya-siya sa paningin at nagpapasigla sa diwa, ay nasa lahat ng dako. Ngunit marahil ang kapansin-pansin ay yaong mga epekto ng kulay na gawa ng nagbabagu-bago’t kumikinang na kulay​—maningning na mga kulay ng bahaghari​—isang kapuna-punang patotoo ng matalinong disenyo.

Ang maningning na mga kulay ay lalo nang totoo sa mga hummingbird.a Ano ang gumagawa sa mga balahibo nito na lubhang nakasisilaw? Pinuputol ng itaas at pangatlong suson ng kanilang pambihirang mga balahibo ang liwanag ng araw sa tulad-bahagharing mga kulay​—tulad ng ginagawa ng isang prismo. Ang karaniwang mga pangalan ng mga hummingbird, gaya ng rubi, sapiro, at esmeralda, ay angkop na nagpapatotoo sa kumikinang na mga pula, asul, at berde na nagpapalamuti sa tulad-hiyas na mga ibong ito. “Ano ba ang layunin ng napakarikit na kagandahan ng katangi-tanging mga nilalang na ito?” tanong ni Sara Godwin sa kaniyang aklat na Hummingbirds. “Ayon sa matitiyak ng siyensiya, wala itong layunin sa lupa maliban sa silawin ang nagmamasid,” tugon niya. Tiyak, walang pintor ang kailanma’y nakagamit ng gayon sa kaniyang paleta!

Makikita natin ang kapangyarihan ng Diyos sa dumadagundong na talón ng tubig, paglaki at pagkati ng tubig, dumadaluyong na alon, o sa nagtataasang mga punungkahoy sa kagubatan na umuugoy sa gaunos na lakas ng hangin. Ang dinamikong kasiningang ito ay maaaring maging kahanga-hanga na tulad ng isang tahimik na tanawin. Minsan inilarawan ng kilalang Amerikanong naturalista na si John Muir ang epekto ng isang bagyo sa isang pangkat ng mga punong Douglas fir sa Sierra Nevada sa California:

“Bagaman totoong bata pa, ang mga ito ay halos 100 piye ang taas, at ang kanilang malambot, malaiskobang mga tuktok ay umuugoy at umiikot sa katuwaan. . . . Ang maliliit na dulo nito ay pumapagaspas at sumasagitsit sa malakas na buhos ng ulan, yumuyuko at umiikot nang paroo’t parito, paikut-ikot, sinusundan ang di-mailarawang mga kombinasyon ng pataas at pahalang na mga kurba.” Gaya ng isinulat ng salmista libu-libong taon na ang nakalipas, ‘ang maunos na hangin ay pumupuri kay Jehova’​—nagbibigay ito sa atin ng isang halimbawa ng kaniyang kahanga-hangang lakas.​—Awit 148:7, 8.

Ang ibon ay malaon nang sagisag ng pag-ibig sa mga Haponés. Ang magandang tagák ng Hapón, na ang masalimuot na mga sayaw sa panliligaw ay kasingganda ng anumang ballet. Ang mga mananayaw na ibong ito ay lubhang pinahahalagahan anupat ang mga ito’y inuuri sa Hapón bilang isang “pantanging monumento ng kalikasan.” Yamang ang mga tagák ay nagsasama habang buhay at maaaring mabuhay sa loob ng 50 taon o higit pa, itinuturing ito ng mga Haponés na huwaran ng katapatan sa pag-aasawa.

Kumusta naman ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos? Kapansin-pansin, inihahambing ng Bibliya ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa mga taong tapat sa kaniya sa isang inahing ibon na ginagamit ang mga pakpak nito upang ikubli ang mga inakay nito mula sa lagay ng panahon. Binabanggit ng Deuteronomio 32:11 ang tungkol sa agila na “kumikilos ng pugad nito, umaali-aligid sa mga inakay nito, iniuunat ang mga pakpak nito, kinukuha ang mga ito, dinadala ang mga ito sa kaniyang bagwis.” Ginagawa ng magulang na agila ang mga bagay na ito upang palakasin-loob ang inakay na umalis ng pugad at lumipad. Bagaman bihirang makita, may mga iniulat na mga kaso ng mga agila na tinutulungan ang kanilang mga inakay sa pamamagitan ng pagdadala sa mga ito sa kanilang pakpak.​—Awit 17:8.

Habang sinusuri nating mabuti ang likas na daigdig sa palibot natin, napapansin natin ang ilang simulaing kumikilos na nagsisiwalat din sa mga aspekto ng personalidad ng Diyos.

Ang Pagkakaiba-iba ay Nagdudulot ng Kasiyahan sa Buhay

Ang pagkakaiba ay isang aspekto ng mga nilalang ng Diyos na makikita agad. Ang iba-ibang uri ng mga halaman, ibon, hayop, at mga insekto ay lubhang kahanga-hanga. Ang isang ektarya lamang ng tropikal na kagubatan ay maaaring naglalaman ng 300 iba’t ibang uri ng punungkahoy at 41,000 uri ng insekto; ang tatlong kilometro kudrado ay maaaring maging tirahan ng 1,500 uri ng paruparo; at ang isang puno ay maaaring tirahan ng 150 uri ng salagubang! At kung paanong walang dalawang tao ang magkamukha, gayundin ang masasabi kung tungkol sa mga punong encina o sa mga tigre. Sa orihinal, ang isang katangian na lubhang pinahahalagahan sa gitna ng mga dalubsining na tao, ay isang mahalagang bahagi ng kalikasan.

Mangyari pa, nabanggit lamang natin ang ilan sa mga aspekto ng sining sa kalikasan. Sa pamamagitan ng pagmamasid dito nang husto at maingat, mauunawaan natin ang maraming iba pang bahagi ng personalidad ng Diyos. Subalit sa paggawa niyaon, kailangan nating ikapit sa ating sarili ang bigay-Diyos na pagpapahalaga sa sining. Paano natin matututuhang higit na pahalagahan ang sining ng pinakamagaling na Dalubsining?

[Mga talababa]

a Maraming paruparo, gaya ng maningning na asul na morphos ng tropikal na Amerika, ay may makislap na mga kaliskis sa kanilang mga pakpak.

[Kahon sa pahina 7]

Kailangan Nating Makilala Kung Sino ang Naglagay sa Atin Dito

Ang tagasalin ng Bibliya na si Ronald Knox ay dating nakasali sa isang teolohikal na talakayan kasama ng siyentipikong si John Scott Haldane. “Sa isang sansinukob na naglalaman ng milyun-milyong planeta,” katuwiran ni Haldane, “hindi ba malamang na ang buhay ay lumitaw sa paano man sa isa rito?”

“Ginoo,” tugon ni Knox, “kung masumpungan ng Scotland Yard ang isang bangkay sa iyong baul, sasabihin mo ba sa kanila: ‘May milyun-milyong baul sa daigdig​—tiyak na ang isa sa mga ito ay naglalaman ng isang bangkay?’ Sa palagay ko’y gugustuhin pa rin nilang malaman kung sino ang naglagay nito roon.”​—The Little, Brown Book of Anecdotes.

Bukod pa sa pagbibigay-kasiyahan sa ating pagkamausisa, may isa pang dahilan kung bakit dapat nating makilala kung sino ang naglagay sa atin dito​—upang mabigyan natin Siya ng karapat-dapat na papuri. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng isang matalinong dalubsining kung ilalarawan ng isang aroganteng kritiko ang kaniyang gawa na isa lamang aksidente sa isang gawaan ng pintor? Sa katulad na paraan, anong laking insulto ang maibibigay natin sa Maylalang ng sansinukob kung ipalalagay natin ang kaniyang kasiningan na nagkataon lamang?

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng ROE/Anglo-Australian Observatory, kinunan ni David Malin

[Mga larawan sa pahina 8]

Lumilipad na mga tagák

Mga iginuhit na larawan sa kuweba sa Altamira, Espanya

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang mga dolphin, hummingbird, at mga talón ng tubig ay pawang nagsisiwalat sa mga aspekto ng katangian ng Dakilang Dalubsining

[Credit Lines]

Godo-Foto

G. C. Kelley, Tucson, AZ

Godo-Foto

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share