Kung Ano ang Hinihiling sa Atin ng Pagpapasakop sa Diyos
“Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos.”—SANTIAGO 4:7.
1. Ano ang masasabi tungkol sa uri ng Diyos na ating sinasamba?
ANONG kahanga-hangang Diyos si Jehova! Walang kapantay, walang kauri, walang katulad, pambihira sa napakaraming paraan! Siya ang Kataas-taasan, ang Pansansinukob na Soberano na may hawak ng lahat ng tunay na kapangyarihan. Siya ay mula sa walang-hanggan hanggang sa walang-hanggan at totoong maningning anupat walang tao na maaaring makakita sa kaniya at mabuhay pa. (Exodo 33:20; Roma 16:26) Siya ay walang-hanggan sa kapangyarihan at karunungan, lubusang sakdal sa katarungan, at ang mismong pinakauliran ng pag-ibig. Siya ang ating Manlalalang, ang ating Hukom, ang ating Tagapagbigay-Batas, at ang ating Hari. Bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay nanggagaling sa kaniya.—Awit 100:3; Isaias 33:22; Santiago 1:17.
2. Anong mga bagay ang kasangkot sa pagpapasakop sa Diyos?
2 Sa liwanag ng lahat ng katotohanang ito, hindi mapag-aalinlanganan ang ating obligasyon na pasakop sa kaniya. Subalit para sa atin ano ba ang kasangkot dito? Ang maraming bagay. Yamang hindi natin personal na nakikita ang Diyos na Jehova, kasangkot sa pagpapasakop sa kaniya ang pakikinig sa tinig ng isang naturuang budhi, pakikipagtulungan sa makalupang organisasyon ng Diyos, pagkilala sa mga maykapangyarihan sa sanlibutan, at paggalang sa simulain ng pagkaulo sa loob ng sambahayan.
Pagtataglay ng Mabuting Budhi
3. Upang makapagpatuloy na may mabuting budhi, tayo ay kailangang maging masunurin sa anong uri ng mga pagbabawal?
3 Upang makapanatiling may mabuting budhi, tayo’y kailangang maging masunurin sa mga hindi maipatutupad—samakatuwid baga, sa mga batas o mga simulain na hindi maipatutupad ng mga awtoridad na tao. Halimbawa, ang ikasampung utos ng Dekalogo, na nagbabawal ng pag-iimbot, ay hindi maipatutupad ng awtoridad ng mga tao. Siyanga pala, pinatutunayan nito na ang Sampung Utos ay nagmula sa Diyos, sapagkat walang kapulungan ng mga mambabatas na tao ang gagawa ng isang batas na hindi maipatutupad sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusa kung iyon ay nilabag. Sa pamamagitan ng batas na ito, bawat Israelita ay binigyan ng Diyos na Jehova ng pananagutan na maging kaniyang sariling pulis—kung nais niyang magkaroon ng isang mabuting budhi. (Exodo 20:17) Gayundin, kabilang sa mga gawa ng laman na hahadlang sa isa sa pagmamana ng Kaharian ng Diyos ay “paninibugho” at “pagkainggit”—mga reaksiyon na laban sa mga ito ay hindi maipatutupad ng mga hukom na tao ang mga parusa. (Galacia 5:19-21) Subalit upang makapanghawakan sa isang mabuting budhi, kailangan na iwasan natin ang mga ito.
4. Upang makapagpatuloy na may mabuting budhi, tayo’y kailangang mamuhay na naaayon sa anong mga simulain ng Bibliya?
4 Oo, tayo’y kailangang mamuhay na naaayon sa mga simulain ng Bibliya. Ang gayong mga simulain ay mabubuo sa dalawang utos na binanggit ni Jesus bilang sagot sa tanong na kung alin ang pinakadakilang utos sa kautusang Mosaiko. “Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong isip. . . . Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:36-40) Sa paghahalimbawa kung ano ang kasangkot sa ikalawa sa mga utos na ito ay ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 7:12: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.”
5. Papaano natin mapananatili ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova?
5 Kailangang gawin natin ang alam natin na tama at huwag gawin ang alam natin na mali, mapansin man iyon o hindi, ng iba. Ganito nga ang dapat kahit na hindi tayo maparusahan sa hindi natin paggawa ng dapat na gawin o paggawa ng hindi natin dapat gawin. Ito’y nangangahulugan ng pag-iingat ng isang mabuting kaugnayan sa ating makalangit na Ama, na isinasaisip ang babala ni apostol Pablo sa Hebreo 4:13: “Walang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” Ang laging pagpipilit na gawin ang matuwid ay tutulong sa atin na labanan ang tusong mga pakana ng Diyablo, daigin ang mga panggigipit ng sanlibutan, at bakahin ang minanang hilig sa kaimbutan.—Ihambing ang Efeso 6:11.
Pagpapasakop sa Organisasyon ng Diyos
6. Anong mga alulod ng pakikipagtalastasan ang ginamit ni Jehova bago noong mga panahon ng mga Kristiyano?
6 Hindi ibinigay sa atin ng Diyos na Jehova ang lubos na karapatang magpasiya bilang mga indibiduwal kung papaano natin ikakapit sa ating buhay ang mga simulain ng Bibliya. Buhat sa pasimula ng kasaysayan ng sangkatauhan, ang Diyos ay gumamit ng mga tao bilang mga alulod ng pakikipagtalastasan. Sa gayon, si Adan ang tagapagsalita ng Diyos kay Eva. Ang utos tungkol sa bawal na bungang-kahoy ay ibinigay kay Adan bago pa nilalang si Eva, kaya tiyak na ipinaalam ni Adan kay Eva ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. (Genesis 2:16-23) Si Noe ang propeta ng Diyos sa kaniyang pamilya at sa sanlibutan noong bago bumaha. (Genesis 6:13; 2 Pedro 2:5) Si Abraham ang tagapagsalita ng Diyos sa kaniyang sambahayan. (Genesis 18:19) Ang propeta ng Diyos at alulod ng pakikipagtalastasan sa bansang Israel ay si Moises. (Exodo 3:15, 16; 19:3, 7) Pagkatapos niya, hanggang kay Juan Bautista, maraming propeta, mga saserdote, at mga hari ang ginamit ng Diyos upang maipatalastas sa kaniyang bayan ang kaniyang kalooban.
7, 8. (a) Nang pumarito na ang Mesiyas, sino ang mga ginamit bilang mga tagapagsalita ng Diyos? (b) Ano ang hinihiling sa mga Saksi ni Jehova ngayon kung tungkol sa pagpapasakop sa Diyos?
7 Sa pagparito ng Mesiyas, si Jesu-Kristo, ginamit siya ng Diyos at ang kaniyang pinakamatalik na mga apostol at mga alagad upang magsilbing Kaniyang mga tagapagsalita. Pagtagal, ang pinahirang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay nagsilbing isang “tapat at maingat na alipin” sa pakikipagtalastasan sa bayan ni Jehova kung papaano ikakapit sa kanilang buhay ang mga simulain ng Bibliya. Ang pagpapasakop sa Diyos ay nangangahulugang pagkilala sa instrumentong ginagamit noon ng Diyos na Jehova.—Mateo 24:45-47; Efeso 4:11-14.
8 Ipinakikita ng mga pangyayari na sa ngayon “ang tapat at maingat na alipin” ay kaugnay ng mga Saksi ni Jehova at kinakatawan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksing ito. Ang lupon naman na iyan ay humihirang ng mga tagapangasiwa na may iba’t ibang tungkulin—tulad halimbawa ng matatanda at naglalakbay na mga kinatawan—upang mangasiwa sa gawain sa isang lugar. Hinihiling ng pagpapasakop sa Diyos na bawat nag-alay na Saksi ay pasakop sa mga tagapangasiwang ito bilang pagsunod sa Hebreo 13:17: “Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.”
Pagtanggap ng Disiplina
9. Sa pagpapasakop sa Diyos ay kalimitang kasangkot ang ano?
9 Ang pagpapasakop sa Diyos ay kalimitan pagtanggap ng disiplina buhat sa mga naglilingkod bilang mga tagapangasiwa. Kung hindi natin laging binibigyan ang ating sarili ng kinakailangang disiplina, tayo’y kailangang payuhan at lapatan ng disiplina ng mga may karanasan at awtoridad na gawin ang gayon, tulad halimbawa ng ating matatanda sa kongregasyon. Ang pagtanggap ng gayong disiplina ay ang landas ng karunungan.—Kawikaan 12:15; 19:20.
10. Ano ang obligasyon niyaong mga gumagawa ng pagdidisiplina?
10 Maliwanag, ang matatanda na naglalapat ng disiplina ay kailangang sila mismo ang mga halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos. Papaano? Sang-ayon sa Galacia 6:1, sila ay hindi lamang dapat mahusay magpayo kundi sila ay dapat na maging uliran: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na kuwalipikasyon sikapin ninyong maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso.” Sa ibang pananalita, ang payo ng matanda ay kailangang naaayon sa kaniyang ipinakikitang halimbawa. Ang gayon ay kasuwato ng payo na ibinigay sa 2 Timoteo 2:24, 25 at sa Tito 1:9. Oo, yaong gumagawa ng pagsaway o pagtutuwid ay kailangang magpakaingat na huwag magiging marahas. Sila’y dapat na laging mahinahon, mabait, gayunman ay matatag sa pagkakapit ng mga simulain sa Salita ng Diyos. Sila’y dapat na mga tagapakinig na walang itinatangi, nakagiginhawa sa mga nagpapagal at napapagod.—Ihambing ang Mateo 11:28-30.
Pagpapasakop sa Nakatataas na mga Awtoridad
11. Ano ang hinihiling sa mga Kristiyano sa kanilang pakikitungo sa mga awtoridad ng sanlibutan?
11 Hinihiling ng pagpapasakop sa Diyos na tayo ay sumunod sa mga awtoridad ng sanlibutan. Sa atin ay ipinapayo sa Roma 13:1: “Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad na hindi dahil sa Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kani-kanilang kinauukulang dako.” Ang mga salitang ito ay humihiling sa atin, bukod sa iba pang bagay, na sumunod sa mga batas trapiko at maging mapagkakatiwalaan sa pagbabayad ng mga buwis at mga dapat pagbayaran, gaya ng binanggit ni Pablo sa Roma 13:7.
12. Sa anong diwa may hangganan ang ating pagpapasakop kay Cesar?
12 Maliwanag, kung gayon, na lahat ng pagpapasakop kay Cesar ay kailangang may hangganan. Laging isaisip natin ang simulain na sinabi ni Jesu-Kristo, at nasusulat sa Mateo 22:21: “Ibigay, kung gayon, kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Ang isang talababa sa Roma 13:1 sa Oxford NIV [New International Version] Scofield Study Bible ay may puna na ganito: “Ito’y hindi nangangahulugan na kaniyang susundin ang mga regulasyon na imoral o labag sa pagka-Kristiyano. Sa gayong kaso ay tungkulin niya na sumunod sa Diyos sa halip na sa mga tao (Gawa 5:29; ihambing sa Dan. 3:16-18; 6:10 pati kasunod).”
Pagpapasakop sa Diyos sa Loob ng Sambahayan
13. Sa pagpapasakop sa Diyos sa loob ng sambahayan ano ang hinihiling nito sa mga magkakasambahay?
13 Sa loob ng sambahayan, ang asawang lalaki at ama ay nagsisilbing ulo. Hinihiling nito na ang mga asawang babae ay makinig sa payo na ibinigay sa Efeso 5:22, 23: “Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ay ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na ulo rin ng kongregasyon.”a Kung para sa mga anak, hindi sila ang gumagawa ng kanilang sariling mga alituntunin kundi sila’y kailangang pasakop kapwa sa ama at sa ina, gaya ng ipinaliliwanag ni Pablo sa Efeso 6:1-3: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Igalang ninyo ang inyong ama at ang inyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang kayo’y mapabuti at kayo’y mabuhay nang matagal sa lupa.’ ”
14. Ano ang hinihiling sa mga ulo ng sambahayan ng pagpapasakop sa Diyos?
14 Mangyari pa, mas madali para sa mga asawang babae at mga anak na magpasakop pagka ang mga asawang lalaki at mga ama mismo ay nagpapakita ng pagpapasakop sa Diyos. Kanilang ginagawa ito sa pamamagitan ng pagganap ng kanilang pagkaulo kasuwato ng mga simulain sa Bibliya, gaya ng makikita sa Efeso 5:28, 29 at 6:4: “Sa ganito rin dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaki na napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan, tulad din ng Kristo sa kongregasyon.” . . . “Mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na inyong palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”
Mga Tulong sa Pagpapakita ng Pagpapasakop sa Diyos
15. Anong bunga ng espiritu ang tutulong sa atin na maipakita ang pagpapasakop sa Diyos?
15 Ano ang tutulong sa atin na manatiling nagpapasakop sa Diyos sa iba’t ibang pitak na ito? Una, nariyan ang walang imbot na pag-ibig—pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa mga inilagay niya na mangasiwa sa atin. Tayo’y sinasabihan sa 1 Juan 5:3: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos; at hindi naman mabibigat ang kaniyang mga utos.” Gayundin ang binanggit ni Jesus sa Juan 14:15: “Kung ako’y iniibig ninyo, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Tunay, ang pag-ibig—ang pangunahing bunga ng espiritu—ay tutulong sa atin na pahalagahan ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin at sa gayo’y tutulong sa atin na magpasakop sa Diyos.—Galacia 5:22.
16. Ano ang naitutulong ng pagkatakot sa Diyos sa pagpapakita ng pagpapasakop sa Diyos?
16 Ikalawa, nariyan ang pagkatakot sa Diyos. Ang pagkatakot na baka hindi natin mapalugdan ang Diyos na Jehova ay tutulong sa atin sapagkat ito ay “nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (Kawikaan 8:13) Walang alinlangan, ang pagkatakot na hindi mapalugdan si Jehova ang pipigil sa atin sa pakikipagkompromiso dahilan sa pagkatakot sa tao. Ito’y tutulong din sa atin na sundin ang mga tagubilin ng Diyos anuman ang mga suliraning kailangang pagtagumpayan. At, ito’y pipigil sa atin sa pagpapadala sa tukso o mga hilig sa masasamang gawa. Ipinakikita ng Kasulatan na ang pagkatakot kay Jehova ang nagpangyaring tangkain ni Abraham na ihandog ang kaniyang sinisintang anak na si Isaac bilang isang hain, at ang pagkatakot na hindi makalugod kay Jehova ang nagpangyaring matagumpay na iwasan ni Jose ang mahalay na mga pang-aakit ng asawa ni Potipar.—Genesis 22:12; 39:9.
17. Anong papel ang ginagampanan ng pananampalataya sa ating pagpapasakop sa Diyos?
17 Ang pangatlong tulong ay ang pananampalataya sa Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay masusunod natin ang payo na nasa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ang pananampalataya ay lalo nang tutulong sa atin pagka waring tayo ay nagdurusa nang walang katuwiran o ating nadarama na hindi mabuti ang trato sa atin dahilan sa ating pinagmulang lahi o bansa o dahilan sa ilang suliranin na may kinalaman sa personalidad. Marahil ay iisipin din ng iba na sila ay nilalampas-lampasan lamang pagka hindi sila inirerekomenda na maglingkod bilang isang matanda o isang ministeryal na lingkod. Kung tayo ay may pananampalataya, si Jehova ang hihintayin natin upang magtuwid ng mga bagay sa kaniyang takdang panahon. Samantala kailangang pagyamanin natin ang matiyagang pagtitiis.—Mga Panaghoy 3:26.
18. Ano ang ikaapat na tulong sa ating pagpapakita ng pagpapasakop sa Diyos?
18 Ang ikaapat na tulong ay ang pagpapakumbaba. Ang taong mapagpakumbaba ay hindi nahihirapan na ipakitang siya’y napasasakop sa Diyos sapagkat ‘sa pagkamababang-loob, kaniyang itinuturing na ang iba ay nakahihigit sa kaniya.’ Ang isang taong mapagpakumbaba ay handang gumawi na “isang nakabababa.” (Filipos 2:2-4; Lucas 9:48) Subalit ikinagagalit ng taong mapagmataas ang pagpapasakop at nayayamot doon. Naging kasabihan na mas gusto pa ng gayong tao na siya’y masira ng papuri kaysa mailigtas ng pamimintas.
19. Anong mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba ang ipinakita ng isang dating pangulo ng Watch Tower Society?
19 Ang isang mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba at pagpapasakop sa Diyos ay ipinakita minsan ni Joseph Rutherford, ang ikalawang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Nang ipagbawal ni Hitler ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya, ang mga kapatid doon ay sumulat sa kaniya upang magtanong kung ano ang dapat nilang gawin dahil sa ibinawal ang kanilang mga pulong at ang kanilang pangangaral. Kaniyang binanggit ito sa pamilyang Bethel at tahasang inamin niya na hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa mga kapatid na Aleman, lalo na dahilan sa may kasangkot iyon na mahihigpit na parusa. Sinabi niya na kung alam ng sinuman kung ano ang dapat sabihin sa kanila, malugod na pakikinggan niya iyon. Anong laking kapakumbabaan!b
Mga Pakinabang Buhat sa Pagpapasakop sa Diyos
20. Anong mga pagpapala ang resulta ng pagpapasakop sa Diyos?
20 Makabubuting itanong, Ano ba ang mga pakinabang kung magpapasakop sa Diyos? Marami nga. Ating maiiwasan ang mga kabalisahan at mga kabiguan na nararanasan ng mga kumikilos nang makasarili. Ating tinatamasa ang mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova. Mayroon tayo ng pinakamagaling na pakikipagsamahan sa ating mga kapatid na Kristiyano. At, sa ating pagkilos nang naaayon sa batas, ating naiiwasan ang hindi kinakailangang suliranin sa pakikitungo sa mga awtoridad ng sanlibutan. Atin ding tinatamasa ang isang maligayang buhay pampamilya bilang mga asawang lalaki at mga asawang babae, bilang mga magulang at mga anak. Bukod dito, sa laging pagpapasakop sa Diyos, tayo’y kumikilos na kasuwato ng payo na ibinigay sa Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pagalakin ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”
[Mga talababa]
a Isang ministrong payunir ang pumuri sa paggalang at maibiging pagsuporta ng kaniyang asawang babae sa isang payunir na walang asawa. Naisip ng payunir na iyon na dapat sanang may sinabi rin ang kaniyang kaibigan tungkol sa iba pang mga katangian ng kaniyang maybahay. Subalit makalipas ang mga taon, nang makapag-asawa na ang dating binatang payunir, kaniyang natanto kung gaano kahalaga sa ikaliligaya ng mag-asawa ang maibiging pagsuporta ng asawang babae.
b Pagkatapos ng maraming panalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos, malinaw na nakita ni Joseph Rutherford ang dapat niyang itugon sa mga kapatid sa Alemanya. Hindi niya pananagutan ang sabihin sa kanila kung ano ang dapat o hindi dapat na gawin nila. Taglay nila ang Salita ng Diyos na malinaw na nagsasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin kung tungkol sa pagtitipong sama-sama at pagpapatotoo. Kaya ang mga kapatid na Aleman ay gumawa nang patago subalit patuloy na sumunod sa mga utos ni Jehova na magtipong sama-sama at magpatotoo tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sinong mga tao ang ginamit ng Diyos bilang mga alulod ng pakikipagtalastasan, at ano ang utang sa kanila ng kaniyang mga lingkod?
◻ Sa anong sari-saring kaugnayan kumakapit ang pagpapasakop sa Diyos?
◻ Anong mga katangian ang tutulong sa atin na magpasakop sa Diyos?
◻ Anong mga pagpapala ang resulta ng pagpapasakop sa Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Ginamit ng Diyos ang organisasyon ng templo sa Jerusalem upang ipatalastas ang kaniyang kalooban sa kaniyang bayan
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga pitak na kung saan makapagpapakita tayo ng pagpapasakop sa Diyos