Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit Mahalaga sa Iyo ang mga Hula sa Bibliya
“KUNG mayroon lamang tayong positibong patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos,” sabi ng maraming tao, “maniniwala kami rito.” Gayunman, kadalasan hindi masabi ng gayong mga tao kung anong “positibong katibayan” ang kinakailangan upang makumbinsi sila. Ito ba ay isang himala?
Si Jesus ay nagsagawa ng maraming himala samantalang siya ay naririto sa lupa, gayunman hindi tinanggap ng mga taong mapag-alinlangan ang mga ito bilang patotoo na siya ang Tagapagsalita ng Diyos. Aba, sinabi pa nga ng iba na “sa pamamagitan ni Beelzebub ang pinuno ng mga demonyo” na isinagawa ni Jesus ang ilang mga himala! Kinilala ni Jesus na ang ilang “mga himala” na ginawa ng iba ay sa katunayan mga gawa ni Satanas. (Lucas 11:14-19; Mateo 7:22, 23) Kaya, isang bagay pa ang kakailanganin bilang positibong katibayan na ang Bibliya ay Salita ng Diyos—isang bagay na magpapakita na ang mga salita mismo ng Bibliya, ang nilalaman nitong mensahe, ay buhat sa Diyos mismo.
Sa mga pahina ng Bibliya mismo, masusumpungan natin ang gayong patotoo—ang hula. Tiyak, si Jehova bilang ang Diyos ng katotohanan at Bukal ng lahat ng karunungan, ang Isa na nakakaalam mula sa pasimula hanggang sa wakas, ay makakahula kung ano ang mangyayari sa hinaharap, pati na ang sa ating panahon. (Awit 31:5; Kawikaan 2:6; Isaias 46:9, 10) Ito ay ginawa niya sa kaniyang nasusulat na Salita, at kadalasa’y nang detalyado. Ating isaalang-alang ang isa lamang set ng mga hula na nakasentro kay Jesu-Kristo.
Mga Hula na Nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas
Daan-daang hula sa Bibliya ang natupad kay Jesu-Kristo.a Baka sabihin ng isa na minaneobra lamang ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang mga bagay sa layuning ito. Subalit gayon nga ba? Isaalang-alang ang ilan sa mga katotohanan.
Hindi maaaring diktahan ni Jesus o ng kaniyang mga magulang ang isang cesar ng Roma na maglabas ng utos na humihiling kay Jose at kay Maria na magtungo sa kanilang sariling bayan sa Bethlehem para sa layunin ng pagsisensus at pagpaparehistro sa panahon ng kapanganakan ni Jesus. Kaya ang mga Romano, na hindi interesado sa katuparan ng hula sa Bibliya, ay gumanap ng bahagi sa pagkasilang ni Jesus sa Bethlehem bilang katuparan ng hula sa Mikas 5:2.
Mientras ibinubunyag ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng Judiong lider ng relihiyon, lalo namang ninais nilang patayin siya. Subalit ang kaniyang kamatayan ay hindi tuwirang manggagaling sa mga kamay ng kaniyang mga kababayan. Kung ang mga Judio ang pumatay kay Jesus, malamang na binato nila siya hanggang kamatayan, sapagkat ito ang paraan ng pagpapataw ng parusang kamatayan na nakabalangkas sa Kautusang Mosaiko. (Juan 8:59; 10:31) Gayunman, sang-ayon sa mga hula, ang Mesiyas ay kailangang ibitin sa isang tulos upang alisin “ang sumpa ng Kautusan.” (Ihambing ang Deuteronomio 21:22, 23 sa Galacia 3:13.) Siya ay kinakailangang “itaas” upang kaniyang “palapitin ang lahat ng uri ng mga tao.” (Ihambing ang Bilang 21:4, 9 sa Juan 3:14 at 12:32, 33.) Sa pamamagitan ng pagbayubay, gaya ng ginagamit ng mga Romano, walang alinlangan tungkol sa katuparan ng mga hulang ito. Kaya ang mga Romano, na hindi interesado sa pagtulong upang matupad ang mga hula sa Bibliya, ay minsan pang gumanap ng isang bahagi sa pagpapangyari na ang Salita ng hula ni Jehova ay mapatunayang totoo.
Higit pa riyan, samantalang nakabitin sa tulos, walang magawa sa kaniyang panlabas na kasuotan. Hindi niya maaaring minaneobra ang mga sundalong Romano na ipagsapalaran ito. Subalit ginawa nila ito, gaya ng inihula ng Bibliya na gagawin nila! (Awit 22:18; Juan 19:24) Minsan pa, ang mga Romano, hindi si Jesus o ang kaniyang mga alagad, ang kasangkot sa pagpapangyari na ang hula ay magkatotoo.
Inihula ni Jesus na may mangyayari sa Jerusalem sa kaniyang salinlahi na mangangahulugan ng biglang kawakasan ng lunsod. (Lucas 21:5-24) Mahigit na 500 taon bago ang panahon ni Jesus, inihula ito ni Daniel. (Daniel 9:26, 27) Noong taóng 70 C.E., ang Jerusalem ay nawasak. Ang mga salita ni Jesus at ni Daniel ay natupad. Minsan pa, ang hula ng Bibliya ang napatunayang mapagkakatiwalaan.
Makikinabang Ka Ba sa Hula?
Maraming hula sa Bibliya ang hindi pa natutupad. Halimbawa, pinangyari ni Jehova na ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay humula na ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay magwawakas, na susundan ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran sa ilalim ng kaniyang makalangit na Kaharian. (Mateo 24:3-14; Apocalipsis 21:1-5; tingnan din ang 2 Pedro 3:7-13.) Lahat ng ito ay naisulat sa Bibliya, ang Salita ng hula ni Jehova na laging napatunayang totoo. Kung gayon, hindi ba natin dapat seryosong pag-isipan ito?
Anong dahilan mayroon ang mga anak na hindi magtiwala sa mga pangako ng mga magulang na sa nakalipas ay gumawa ng pawang mabubuting bagay para sa kanila at na laging tumutupad sa kanilang salita? Sa gayunding paraan, anong dahilan mayroon tayo na huwag magtiwala sa pangako ni Jehova tungkol sa pagsasakatuparan ng Kaharian ng kaniyang Anak? Anong dahilan mayroon tayo na maniwala na si Jehova, na napakaraming kabutihang ginawa para sa kaniyang mga nilalang noon, ay basta na lamang mawawalan ng interes sa kanilang kapakanan?
Walang nakakukumbinsing argumento sa bagay na iyan. Kaya, mayroon tayo ng lahat ng dahilan na magtiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita at ilagak ang ating tiwala sa kaniya. Ang kaniyang mapagkakatiwalaang salita ng hula ay nagbibigay sa atin ng layunin upang mabuhay. Pinapatnubayan nito ang ating gawain tungo sa isang karapat-dapat na tunguhin. Tunay na ito ay napakahalaga sa atin ngayon.
[Talababa]
a Para sa mga halimbawa, pakisuyong tingnan ang “Let Your Kingdom Come,” pahina 67, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 26]
Ang mga hula sa Bibliya na nagsasabi tungkol sa pagkawasak ng mga lunsod, gaya ng Sodoma at Gomora (Genesis 18:20, 21; 19:12, 13), Nineve (Zefanias 2:13), Babilonya (Jeremias 51:1, 2), at ng Petra sa Edom (Jeremias 49:7-22), ay nagpapakita na ang salita ng hula ay napatunayang wasto.
[Kahon sa pahina 27]
NAIS MO BANG MARANASAN ANG HINAHARAP NA KATUPARAN NG MGA HULANG ITO?
“Pinatitigil niya ang mga digmaan.”—Awit 46:9.
“Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
“Hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:4.
“Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
“Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:29.