Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 4/15 p. 13-19
  • Hanapin ang Tunay na Kapayapaan at Itaguyod Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hanapin ang Tunay na Kapayapaan at Itaguyod Ito!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maaaring Maging Mapayapa ang mga Tao
  • Yaong mga Nagtataguyod ng Kapayapaan
  • Isang Napakalaking Pagbabago
  • Pamamahala ng Prinsipe ng Kapayapaan
  • Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kapayapaan ng Diyos Para sa mga Tinuruan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Paano Mo Tatamasahin ang Kapayapaan ng Diyos Nang Lalong Higit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 4/15 p. 13-19

Hanapin ang Tunay na Kapayapaan at Itaguyod Ito!

“Siya na iibig sa buhay at makakakita ng mabubuting araw, . . . talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.”​—1 PEDRO 3:10, 11.

1. Anong popular na mga salita ni Isaias ang tiyak na magtatagumpay?

“PAPANDAYIN nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Bagaman makikita ang popular na tekstong ito malapit sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Nagkakaisang mga Bansa sa New York City, hindi talaga masasabi na natupad ng pandaigdig na organisasyong iyon ang mga salitang ito. Gayunman, bilang bahagi ng di-mabibigong salita ng Diyos na Jehova, tiyak na matutupad ang kapahayagang ito.​—Isaias 55:10, 11.

2. Ano ang “mangyayari sa huling bahagi ng mga araw,” ayon sa Isaias 2:2, 3?

2 Ang mga salita sa Isaias 2:4 ay sa aktuwal bahagi ng isang kamangha-manghang hula, isang hula tungkol sa tunay na kapayapaan​—at ito ay natutupad mismo sa ating panahon. Bago ipahayag ang kapana-panabik na pag-asa na mawawala na ang mga digmaan at mga kasangkapang pandigma, sinasabi ng hula: “Mangyayari na sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at daragsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem.”​—Isaias 2:2, 3.

Maaaring Maging Mapayapa ang mga Tao

3. Paano magbabago ang isang tao mula sa pagiging palaaway tungo sa pagiging mapayapa?

3 Bigyang-pansin na bago magawang tahakin ng mga tao ang isang payapang landasin, dapat silang maturuan sa mga daan ni Jehova. Ang pagsunod sa pagtuturo ni Jehova ay makapagpapabago sa paraan ng pag-iisip at pagkilos ng isang tao, anupat ang isang dating palaaway ay nagiging mapayapa. Paano nagagawa ang pagbabagong ito? Ganito ang sabi ng Roma 12:2: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” Binabago natin ang ating isip, o pinakikilos ito sa ibang direksiyon, sa pamamagitan ng pagpapasok dito ng mga simulain at mga utos mula sa Salita ng Diyos. Nakatutulong sa atin ang regular na pag-aaral ng Bibliya upang magawa ang pagbabagong ito at mapatunayan sa ating sarili kung ano ang kalooban ni Jehova para sa atin, nang sa gayo’y makita natin nang malinaw ang daan na dapat nating lakaran.​—Awit 119:105.

4. Paano nagbibihis ang isa ng mapayapang bagong personalidad?

4 Binabago ng katotohanan sa Bibliya hindi lamang ang takbo ng ating isip kundi gayundin ang ating pagkilos at personalidad. Tinutulungan tayo na gawin ang ipinayo ni apostol Pablo: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa kaniyang mapanlinlang na mga nasa; subalit magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Ang puwersa na nagpapakilos sa pag-iisip ay panloob. Ito’y nababago at nagiging malakas habang lumalaki ang ating pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga batas, at ginagawa tayo nitong espirituwal at mapayapang mga tao.

5. Paano nagiging sanhi ng kapayapaan sa gitna ng mga alagad ni Jesus ang “bagong kautusan” na ibinigay niya sa kanila?

5 Ang pangangailangan ukol sa pagbabagong ito ay makikita sa tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong mga huling oras na kapiling niya sila: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Ang tulad-Kristo at walang-pag-iimbot na pag-ibig na ito ang siyang nagbibigkis sa mga alagad sa isang sakdal na pagkakaisa. (Colosas 3:14) Yaon lamang handang tumanggap at mamuhay ayon sa “bagong kautusan” na ito ang magtatamasa ng kapayapaan na ipinangako ng Diyos. May mga tao bang gumagawa nito sa ngayon?

6. Bakit tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ang kapayapaan, na ibang-iba sa mga tao ng sanlibutan?

6 Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ipakita ang kanilang pag-ibig sa pambuong-daigdig na kapatiran. Bagaman tinipon sila mula sa lahat ng bansa sa daigdig, hindi sila nasasangkot sa mga kontrobersiya ng sanlibutan, kahit na sila’y sumailalim sa mahigpit na pulitikal at relihiyosong panggigipit. Bilang isang nagkakaisang bayan, tinuturuan sila ni Jehova, at nagtatamasa sila ng kapayapaan. (Isaias 54:13) Nananatili silang neutral sa mga alitan sa pulitika, at hindi sila nakikibahagi sa mga digmaan. Tinalikuran na ng ilang dating mararahas ang ganiyang istilo ng pamumuhay. Sila’y naging mga Kristiyanong maibigin sa kapayapaan, anupat tinutularan ang halimbawa ni Kristo Jesus. At buong-puso nilang sinusunod ang payo ni Pedro: “Siya na iibig sa buhay at makakakita ng mabubuting araw, ay magpigil siya ng kaniyang dila mula sa masama at ng kaniyang mga labi mula sa pagsasalita ng panlilinlang, ngunit talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod ito.”​—1 Pedro 3:10, 11; Efeso 4:3.

Yaong mga Nagtataguyod ng Kapayapaan

7, 8. Magbigay ng halimbawa ng mga taong tumalikod sa pakikipagdigma at naging mga humahanap ng tunay na kapayapaan. (Maglahad ng iba pa na maaaring alam mo.)

7 Halimbawa, nariyan si Rami Oved, isang dating opisyal ng isang dalubhasang pangkat laban sa terorismo. Sinanay siya upang pumatay ng kaniyang mga kaaway. Marubdob ang paniniwala niya sa kaniyang pagiging makabayan bilang isang taga-Israel hanggang sa araw na matuklasan niyang ayaw siyang payagan ng mga rabbi na pakasalan ang babaing iniibig niya dahil lamang sa siya ay isang taga-Asia, isang Gentil. Sinimulan niyang hanapin ang katotohanan sa Bibliya. Pagkatapos ay nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova. Ang pakikipag-aral niya ng Bibliya sa mga Saksi ay nakakumbinsi sa kaniya na hindi na siya puwedeng maging panatiko sa kaniyang bayan. Ang Kristiyanong pag-ibig ay nangangahulugan ng pagtatakwil sa digmaan at mga sandata at pagkatutong ibigin ang mga tao sa lahat ng lahi. Anong laking pagtataka niya nang makatanggap siya ng maibiging sulat na may pambungad na mga salitang, “Kapatid kong Rami”! Ano ang nakapagtataka rito? Ang sumulat ay isang Saksing Palestino. “Talagang pambihira ito,” sabi ni Rami, “sapagkat ang mga Palestino ay mga kaaway ko, at narito ang isa sa kanila na tumatawag sa akin na ‘Kapatid ko.’ ” Itinataguyod ngayon ni Rami at ng kaniyang kabiyak ang tunay na kapayapaan sa paraan ng Diyos.

8 Ang isa pang halimbawa ay yaong kay Georg Reuter, na naglingkod sa hukbong Aleman na sumalakay sa Russia noong Digmaang Pandaigdig II. Di-nagtagal at nawalan siya ng tiwala sa kahanga-hangang pakana ni Hitler upang masakop ang daigdig. Nang makabalik siya mula sa digmaan, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sumulat siya: “Sa wakas, nagsimula nang maging malinaw sa akin ang mga bagay-bagay. Natanto kong hindi dapat sisihin ang Diyos sa lahat ng pagdanak ng dugo . . . Natutuhan ko na layunin niyang magtatag ng paraiso sa buong lupa lakip ang walang-hanggang mga pagpapala para sa masunuring sangkatauhan. . . . Ipinagmalaki ni Hitler ang kaniyang ‘Sanlibong-Taóng Imperyo’ ngunit namahala lamang siya sa loob ng 12 [taon]​—at kaysaklap ng kinalabasan! Si Kristo sa halip na si Hitler . . . ang maaaring magtatag at siyang magtatatag ng sanlibong-taóng paghahari sa lupa.” Sa loob ng mga 50 taon na ngayon, si Georg ay naglilingkod bilang isang sugo ng tunay na kapayapaan sa buong-panahong ministeryo.

9. Paano pinatutunayan ng karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanyang Nazi na sila ay may tibay ng loob ngunit mapayapa?

9 Ang integridad at pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya noong panahon ng rehimeng Nazi ay patuloy na nagpapatunay sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapayapaan magpahanggang sa ngayon, pagkaraan ng mahigit na 50 taon. Ganito ang sabi ng isang buklet na inilathala ng United States Holocaust Memorial Museum sa Washington, D.C.: “Binata ng mga Saksi ni Jehova ang matinding pag-uusig sa ilalim ng rehimeng Nazi. . . . Ang tibay ng loob na ipinakita ng karamihan sa pagtanggi [na itakwil ang kanilang relihiyon], sa kabila ng pagpapahirap, pagmamaltrato sa mga kampong piitan, at kung minsan pagbitay, ang umani para sa kanila ng respeto ng maraming mga kontemporaryo.” Pagkatapos ay idinagdag nito: “Sa panahon ng pagpapalaya sa mga kampo, nagpatuloy ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawain, nakihalubilo sa mga nakaligtas, at nangumberte.”

Isang Napakalaking Pagbabago

10. (a) Anong malaking pagbabago ang kailangan upang dumating ang tunay na kapayapaan? (b) Paano ito inilarawan sa aklat ng Daniel?

10 Nangangahulugan ba ito na naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na kaya nilang dulutan ng kapayapaan ang buong daigdig sa pamamagitan ng lansakang pangungumberte upang maniwala sa Kristiyanong neutralidad? Hindi! Upang maibalik ang kapayapaan sa lupa, kailangan ang isang napakalaking pagbabago. Ano ito? Ang bumabahagi, mapaniil, at marahas na pamamahala ng tao ay kailangang alisin upang magbigay-daan sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na siyang itinuro ni Jesus na dapat ipanalangin ng kaniyang mga alagad. (Mateo 6:9, 10) Ngunit paano mangyayari ito? Sa isang panaginip na kinasihan ng Diyos, nalaman ni propeta Daniel na sa mga huling araw, dudurugin ng Kaharian ng Diyos, tulad ng isang malaking bato ‘na tinibag hindi ng mga kamay ng tao,’ ang isang dambuhalang imahen na kumakatawan sa pulitikal na mga pamahalaan ng tao sa lupa. Pagkatapos ay ipinahayag niya: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay tatayo hanggang sa panahong walang-takda.”​—Daniel 2:31-44.

11. Paano pangyayarihin ni Jehova ang kinakailangang pagbabago ukol sa kapayapaan?

11 Bakit magaganap ang sukdulang pagbabagong ito sa kalagayan ng daigdig? Sapagkat ipinangako ni Jehova na papalisin niya sa lupa ang lahat niyaong nagpaparumi at sumisira nito. (Apocalipsis 11:18) Magaganap ang pagbabagong ito sa matuwid na digmaan ni Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sanlibutan. Mababasa natin sa Apocalipsis 16:14, 16: “Sa katunayan, ang mga ito [alalaong baga, di-malinis na kinasihang kapahayagan] ay mga pahayag na kinasihan ng mga demonyo at nagsasagawa ng mga tanda, at pumaparoon sila sa mga hari [pulitikal na mga tagapamahala] ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. At kanilang tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.”

12. Ano ang magiging katulad ng Armagedon?

12 Ano nga ba ang tulad ng Armagedon? Hindi ito isang nuklear na apocalipsis o isang kapahamakan na pinasimulan ng tao. Hindi, ito ang digmaan ng Diyos na tatapos sa lahat ng digmaan ng tao at lilipol sa lahat niyaong nagtataguyod ng gayong mga digmaan. Ito ang digmaan ng Diyos na magdadala ng tunay na kapayapaan para sa lahat ng umiibig sa kapayapaan. Oo, darating ang Armagedon gaya ng nilayon ni Jehova. Hindi ito magluluwat. Kinasihan ang kaniyang propetang si Habacuc upang sumulat: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na asamin iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo. Hindi na magtatagal.” (Habacuc 2:3) Dahil sa ating pangmalas bilang tao, maaaring isipin natin na iyon ay nagluluwat, ngunit si Jehova ay hindi nagbabago sa kaniyang iskedyul. Magaganap ang Armagedon sa oras na patiunang itinakda ni Jehova.

13. Paano haharapin ng Diyos ang totoong salarin, si Satanas na Diyablo?

13 Ang tiyakang pagkilos na ito ay magbibigay-daan sa tunay na kapayapaan! Subalit upang lubusang maitatag ang tunay na kapayapaan, mayroon pang kailangang maisagawa​—ang pagliligpit sa isa na siyang sanhi ng pagkakabaha-bahagi, pagkakapootan, at alitan. At iyan talaga ang inihula ng Bibliya na siyang susunod na mangyayari​—ang pagbubulid kay Satanas sa kalaliman, ang tagapagsulsol ng digmaan at ang ama ng kasinungalingan. Nakita ni apostol Juan ang pangyayaring ito sa isang makahulang pangitain, na nakaulat sa Apocalipsis 20:1-3: “Nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.”

14. Paano mailalarawan ang matagumpay na pagkilos ni Jehova laban kay Satanas?

14 Hindi ito isang pangarap; ito ay pangako ng Diyos​—at sinasabi ng Bibliya: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Kaya naman nasabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “ ‘Ako’y si Jehova: ang Isang nagsasagawa ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat sa mga bagay na ito nalulugod ako,’ ang sabi ni Jehova.” (Jeremias 9:24) Makatarungan at makatuwiran ang pagkilos ni Jehova, at nalulugod siya sa kapayapaan na pangyayarihin niya sa lupa.

Pamamahala ng Prinsipe ng Kapayapaan

15, 16. (a) Sino ang hinirang ni Jehova upang mamahala bilang Hari? (b) Paano inilarawan ang pamamahalang ito, at sino ang makikibahagi rito?

15 Upang tiyakin na darating ang tunay na kapayapaan sa lahat niyaong nabubuhay sa ilalim ng kaayusan ng kaniyang Kaharian, ibinigay ni Jehova ang pamamahala sa tunay na Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo, gaya ng inihula ng Isaias 9:6, 7: “Isinilang sa atin ang isang anak, ibinigay sa atin ang isang anak na lalaki; at ang malaprinsipeng pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang malaprinsipeng pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas . . . Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.” Sa makahulang paraan ay sumulat din ang salmista tungkol sa mapayapang pamamahala ng Mesiyas: “Sa kaniyang mga araw ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan.”​—Awit 72:7.

16 Karagdagan pa, 144,000 pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo ang mamamahala kasama niya sa langit. Ang mga ito ay mga kasamang tagapagmana ni Kristo na tungkol sa kanila ay sumulat si Pablo: “Sa ganang kaniya, ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ay dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan. Sumainyo nawa ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Panginoong Jesus.” (Roma 16:20) Oo, mula sa langit ay makikibahagi ang mga ito sa tagumpay ni Kristo laban sa tagapagsulsol ng digmaan, si Satanas na Diyablo!

17. Ano ang dapat nating gawin upang manahin ang tunay na kapayapaan?

17 Kaya ang tanong ngayon ay, Ano ang dapat mong gawin upang manahin ang tunay na kapayapaan? Ang tunay na kapayapaan ay maaaring dumating sa paraan lamang ng Diyos, at dapat kang kumuha ng positibong mga hakbang upang makamtan iyon. Dapat mong tanggapin ang Prinsipe ng Kapayapaan at bumaling sa kaniya. Nangangahulugan ito na dapat mong tanggapin ang papel ni Kristo bilang Tagapagligtas at Manunubos sa makasalanang sangkatauhan. Sinabi mismo ni Jesus ang kilalang mga pananalita: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ikaw ba’y handang sumampalataya kay Kristo Jesus bilang Ahente ng Diyos sa pagdadala ng tunay na kapayapaan at kaligtasan? Walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na makapagdadala ng kapayapaan at makagagarantiya nito. (Filipos 2:8-11) Bakit? Sapagkat si Jesus ang Isa na Hinirang ng Diyos. Siya ang pinakadakilang mensahero ng kapayapaan na kailanma’y lumakad sa ibabaw ng lupa. Makikinig ka ba kay Jesus at susunod sa kaniyang halimbawa?

18. Ano ang dapat nating gawin bilang tugon sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan 17:3?

18 “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ngayon na ang panahon upang kumuha ng tumpak na kaalaman sa pamamagitan ng palagiang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall. Ang nakapagtuturong mga pulong na ito ay magpapakilos sa iyo na ibahagi sa iba ang iyong kaalaman at ang iyong pag-asa. Ikaw man ay maaaring maging sugo ng kapayapaan ng Diyos. Maaari mong tamasahin ngayon ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos na Jehova, gaya ng sinabi sa Isaias 26:3, ayon sa New International Version: “Iingatan mo sa sakdal na kapayapaan ang isa na ang kaisipan niya ay matatag, sapagkat tumitiwala siya sa iyo.” Kanino ka dapat magtiwala? “Magtiwala kayo kay Jehova, sa lahat ng panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Batong walang hanggan.”​—Isaias 26:4.

19, 20. Ano ang naghihintay sa mga humahanap ngayon ng kapayapaan at nagtataguyod nito?

19 Manindigan ngayon para sa walang-hanggang buhay sa mapayapang bagong sanlibutan ng Diyos. Sa Apocalipsis 21:3, 4, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Hindi ba ito ang mapayapang kinabukasan na inaasam mo?

20 Kung gayo’y alalahanin ang ipinangako ng Diyos. “Ang maaamo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Bantayan ang isa na walang kapintasan at tingnan mo ang isa na matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging payapa.” (Awit 37:11, 37) Kapag sumapit ang maligayang araw na iyon, sana’y sabihin natin nang may pagtanaw ng utang-na-loob, “Tunay na kapayapaan sa wakas! Salamat sa Diyos na Jehova, ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan!”

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ang makatutulong sa isa upang magbago ng kaisipan at pagkilos?

◻ Paano ipinamalas ng mga Saksi ni Jehova, nang isahan at sa kabuuan, ang kanilang pag-ibig sa tunay na kapayapaan?

◻Paano haharapin ni Jehova ang lahat ng nagtataguyod ng pagkakapootan at digmaan?

◻ Ano ang gagawin ng pamamahala ng Prinsipe ng Kapayapaan para sa sangkatauhan?

[Mga larawan sa pahina 14]

Ang mga salita ni Isaias ay tinutupad, hindi ng UN, kundi niyaong mga tumutugon sa pagtuturo ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 15]

Gumawa ng pagbabago ang dalawang lalaking ito upang itaguyod ang kapayapaan

Rami Oved

Georg Reuter

[Larawan sa pahina 16]

Mamamayani ang tunay na kapayapaan sa ilalim ng pamamahala ng Prinsipe ng Kapayapaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share