Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/94 p. 3-4
  • Patuloy na Lumakad Nang Pasulong sa Maayos na Rutina

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Lumakad Nang Pasulong sa Maayos na Rutina
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Ulo ng Pamilya—Panatilihin ang Isang Mahusay na Espirituwal na Rutin
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Patuloy Ka Bang Maglilingkod kay Jehova?
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • “Lumakad Tayo Nang May Kaayusan sa Ganito Ring Ayos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Patuloy na Sumulong sa Espirituwal!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
km 8/94 p. 3-4

Patuloy na Lumakad Nang Pasulong sa Maayos na Rutina

1 Ang apostol Pablo ay may natatanging pagmamahal sa kongregasyon ng Filipos, na kaniyang tinulungang maitatag. Siya’y nagpapasalamat sa kanilang materyal na mga paglalaan at tinukoy sila bilang isang mabuting huwaran.—2 Cor. 8:1-6.

2 Ang liham ni Pablo sa mga taga Filipos ay udyok ng matinding pag-ibig. Ang aklat na Insight, Tomo 2, pahina 631, ay nag-ulat: “Sa buong liham ay pinatibay niya ang kongregasyon sa Filipos upang magpatuloy sa kanilang mainam na landasin—na hinahanap ang higit na kaunawaan at nanghahawakang mahigpit sa Salita ng buhay, sa isang matibay na pananampalataya, at pag-asa sa dumarating na gantimpala.” May init nilang tinugon ito, na nagpapatibay sa buklod ng pag-ibig sa pagitan nila at ng apostol. Ang mga salita ni Pablo ay may pantanging kahulugan sa atin ngayon, at may mabuti tayong dahilan upang magbigay ng pansin lalo na sa kaniyang payo sa Filipos 3:15-17.

3 Mahalaga ang Isang Maygulang na Kaisipan: Sa Filipos 3:15, si Pablo ay sumulat bilang isang lalaking makaranasan. Siya’y namanhik sa kanila bilang mga maygulang na Kristiyano na may tamang kaisipan. Habang ang kanilang kaisipan ay kinababanaagan ng kapakumbabaan at pagpapahalaga gaya ng ipinamalas ni Jesus, sila’y magpapatuloy bilang mga “walang-kapintasan at inosente, mga anak ng Diyos na walang dungis . . . na pinananatili ang mahigpit na kapit sa salita ng buhay.” (Fil. 2:15, 16) Kapag binabasa natin ang gayong mga salita, dapat nating madama na si Pablo ay nakikipag-usap sa atin. Mataimtim nating ninanasa na magkaroon ng gayon ding kaisipan gaya ng tinaglay ni Jesus, na nagpapamalas ng mapagpakumbabang pagpapahalaga sa ating mga pribilehiyo. Patuloy tayong nagsusumamo kay Jehova sa panalangin, na humihiling ng kaniyang tulong dito at sa iba pang mga bagay.—Fil. 4:6, 7.

4 Gaya ng ipinakikita ng Filipos 3:16, tayong lahat ay dapat na magsikap na sumulong. Ang salitang “pagsulong” ay nangangahulugang “kumikilos nang pasulong, gumagawa ng pag-unlad.” Ang mga tao na pasulong ay “interesado sa bagong mga idea, mga tuklas, o mga pagkakataon.” Nais ni Pablo na maunawaan ng mga taga Filipos na ang pagka-Kristiyano ay hindi kailanman nananatiling walang gawa at na yaong nag-aangkin nito ay kailangang patuloy na sumusulong. Ang kanilang pasulong na espiritu ay maipakikita sa pagnanais na masuri ang kanilang sarili, tanggapin ang kanilang kahinaan, at abutin ang mga pagkakataong gumawa pa nang higit. Sa ngayon ang makalupang organisasyon ni Jehova ay patuloy na sumusulong. Ang bawat isa sa atin ay dapat na umalinsabay dito, na sinasamantala ang lahat ng mga paglalaan nito at nakikibahagi nang lubusan sa gawain nito.

5 Ang Pagsulong ay Humihiling ng Maayos na Rutina: Si Pablo ay nagpatuloy sa pamamagitan ng paghimok sa kaniyang mga kapatid na patuloy “na lumakad nang maayos sa kinagawian ding ito.” (Fil. 3:16) Ang pagiging maayos ay humihiling sa atin na ilagay ang mga bagay-bagay sa kanilang wastong dako may kaugnayan sa isa’t isa. Ang mga Kristiyano sa Filipos ay nag-ingat ng kanilang sarili sa kanilang wastong dako, na nanatiling malapit sa organisasyon ni Jehova at sa isa’t isa. Ang kanilang buhay ay napapatnubayan ng batas ng pag-ibig. (Juan 15:17; Fil. 2:1, 2) Sila’y hinimok ni Pablo na gumawi “sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.” (Fil. 1:27) Ang pangangailangan para sa kaayusan at mainam na paggawi ay may gayon ding halaga para sa mga Kristiyano sa ngayon.

6 Ang rutina ay isang kinagawiang pagsasagawa ng isang naitatag na pamamaraan. Ang pagkakaroon ng rutina ay may bentaha dahilan sa hindi na tayo kailangan pang huminto at magpasiya kung ano ang susunod na gagawin—tayo’y nagtataglay ng dati nang gawi na ating sinusunod dahilan sa kinaugalian nang gawin iyon.

7 Ang maayos na teokratikong rutina ay nagtataglay ng mga ugaling kanais-nais—taglay ang tunguhing patibayin ang ating sarili sa espirituwal, tulungan ang iba, at gumawa nang higit pa sa paglilingkuran kay Jehova. Upang tamuhin ang mga tunguhing ito, kailangan ang isang kinagawiang personal na pag-aaral, regular na pagdalo sa mga pulong, at pakikibahagi sa gawaing pangangaral.

8 Mahahalagang Bagay na Kalakip sa Isang Maayos na Rutina: Isang mahalagang bagay ay ang “tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.” (Fil. 1:9) Ang personal na pag-aaral ay nagpapalalim sa ating pananampalataya, nagpapatibay sa ating pag-ibig sa katotohanan, at nag-uudyok sa atin para sa mabubuting gawa. Gayunpaman, ang ilan ay nahihirapang mapanatili ang regular na ugali sa pag-aaral. Ang isang ibinigay na dahilan ay ang kakulangan ng panahon.

9 Ang pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw ay “kapaki-pakinabang” sa lahat ng paraan. (2 Tim. 3:16, 17) Papaano natin masusumpungan ang panahon sa pag-aaral ng Bibliya sa ating pang-araw-araw na rutina? Ang ilan ay gumagawa nito sa pamamagitan ng pagbangong maaga ng ilang minuto bawat umaga, kung kailan alisto ang kanilang isipan. Ang iba ay bumabasa ng ilang minuto bago matulog. Ang mga asawang babae sa tahanan ay maaaring gumamit ng kaunting panahon sa hapon bago dumating ang mga kasambahay mula sa trabaho o sa paaralan. Bukod pa sa pagbabasa ng Bibliya, idinaragdag ng ilan ang pagbabasa ng aklat na Tagapaghayag sa kanilang lingguhang rutina sa pag-aaral.

10 Kapag nagkaroon tayo ng mga bagong kinagawian, ang mga ito ay maaaring makasalungat ng ating dating ugali. Noong nakaraan maaaring pinahintulutan natin ang walang kabuluhang mga gawain na umubos ng ating panahon. Ang pag-alpas sa ganitong ugali ay hindi madali. Walang sinuman ang makapagdidikta sa ating ugali sa pag-aaral; ni tayo’y hihilingang gumawa ng pagsusulit sa ating mga ginawa hinggil dito. Ang ating regular na ugali sa pag-aaral ay salig sa ating pagkilala sa “higit na mahalagang mga bagay” at ang ating pagkukusang bilhin ang “naaangkop na panahon.”—Fil. 1:10; Efe. 5:16.

11 Ang Kristiyanong mga pulong ay gumaganap ng mahalagang papel sa ating espirituwal na pagsulong, na naglalaan ng tagubilin at pampatibay-loob. Kaya ang pagdalo sa mga pulong ay isa pang mahalagang bahagi ng ating maayos na rutina. Idiniin ni Pablo na hindi ito isang bagay na ginagawa lamang salig sa kagustuhan.—Heb. 10:24, 25.

12 Papaano natin maipakikita ang pagiging maayos kapag nagpaplano ng ating lingguhang eskedyul? Ang ilan ay nagsasaayos ng espisipikong panahon para asikasuhin ang personal na mga bagay at saka isinisingit ang mga pulong kapag may pagkakataon, subalit kabaligtaran ito sa nararapat na gawin. Ang ating lingguhang mga pulong ay dapat na bigyan ng pangunang dako, na isinasaplano ang iba pang mga gawain sa mga panahong walang pulong.

13 Ang regular na pagdalo sa pulong ay nangangailangan ng mabuting pagpaplano at pagtutulungan ng pamilya. Sa karaniwang araw tayo ay may abalang eskedyul. Ito’y nangangahulugan na ang hapunan ay dapat na isaayos nang maaga upang magkaroon ng panahon ang pamilya sa pagkain, makapaghanda, at dumating sa pulong bago ito magpasimula. Sa bagay na ito ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magtulungan sa iba’t ibang paraan.

14 Ang regular na paglilingkod sa larangan ay kailangang kailangan upang tayo ay patuloy na makalakad nang pasulong sa maayos na rutina. Kinikilala nating lahat ang ating pananagutan na mangaral ng pabalita ng Kaharian. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ay mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10) Yamang ito ang pinakaapurahang gawain na isinasagawa ngayon, hindi ito maaaring malasin bilang di sinasadyang bahagi ng ating pang-araw-araw na gawain. Gaya ng payo ni Pablo: “Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.”—Heb. 13:15.

15 Kapag isinasaplano natin ang ating gawain bawat linggo, ang espisipikong panahon ay dapat na itakda para sa paglilingkod sa larangan. Makabubuting subukin nating magkaroon ng bahagi sa bawat pitak ng paglilingkod gaya ng gawain sa bahay-bahay, paggawa ng mga pagdalaw muli, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Makapagpaplano din tayo nang patiuna na gumawa ng impormal na pagpapatotoo sa pamamagitan ng pagdadala ng literatura at pagiging alisto sa mga pagkakataon na pasimulan ang pakikipag-usap. Yamang karaniwan na tayong lumalabas kasama ng iba, kailangan nating alamin ang kanilang eskedyul upang makagawa ng mga kaayusan na kombiniyente sa lahat.

16 Ang ating rutina sa pangangaral ay dapat na mapanatili sa kabila ng kawalang interes sa teritoryo. Patiuna na nating alam na iilan lamang ang tutugon. (Mat. 13:15; 24:9) Inatasan si Ezekiel na mangaral sa mga ‘taong mapaghimagsik, walang galang, at matigas ang puso.’ Ipinangako ni Jehova na tutulungan niya si Ezekiel na ‘patigasin ang kaniyang mukha laban sa kanilang mga mukha,’ alalaon baga’y “parang isang diamante na lalong matigas kaysa sa pingkiang bato.” (Ezek. 2:3, 4; 3:7-9) Ang isang regular na rutina sa paglilingkod kung gayon ay nangangailangan ng pagtitiyaga.

17 Mabubuting Halimbawa na Matutularan: Ang karamihan sa atin ay nakapaglilingkod na mabuti sa larangan kapag may nangunguna. Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay nagbigay ng isang mabuting halimbawa, at kaniyang hinimok ang iba na tumulad sa kaniya.—Fil. 3:17.

18 Gayundin sa ngayon, marami tayong maiinam na halimbawa. Sa Hebreo 13:7, nanghimok si Pablo: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo . . . at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” Sabihin pa, si Kristo ang ating Huwaran, subalit maaari nating tularan ang pananampalataya niyaong mga nangunguna. Gaya ni Pablo, ang mga matatanda ay dapat na maging mabubuting halimbawa sa iba. Bawa’t isa ay dapat na magtaglay ng maayos na rutina sa pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian. Kahit na may sekular na trabaho at pananagutan sa pamilya, ang mga matatanda ay dapat na may matatag na kaugalian ng personal na pag-aaral, pagdalo sa pulong, at pangunguna sa paglilingkod sa larangan. Kapag ang mga matatanda ay ‘nangangasiwang mabuti sa kanilang sambahayan,’ ang lahat sa kongregasyon ay mapatitibay na patuloy na gumawa sa isang maayos na rutina.—1 Tim. 3:4, 5.

19 Mga Tunguhin Para sa Bagong Taon ng Paglilingkod: Ang pasimula ng isang bagong taon ng paglilingkod ay isang mainam na panahon upang muling pag-isipan ang ating personal na rutina. Ano ang makikita sa pagrerepaso sa ating gawain sa nakaraang taon? Atin bang napasulong ang antas ng ating gawain? Maaaring naging lalong puspusan ang ating personal na pag-aaral. Maaaring higit na regular ang ating pagdalo sa mga pulong o maaaring sumulong ang ating paglilingkod sa larangan sa pamamagitan ng pagiging mga auxiliary payunir. Marahil ay may nagawa tayong espisipikong Kristiyanong kabutihan sa kapakanan ng iba sa ating kongregasyon o pamilya. Kung gayon, may dahilan upang ating ikagalak na tayo’y lumakad sa paraan na nakalulugod sa Diyos. at may mabuting dahilan upang “patuloy na gawin iyon nang lubus-lubusan.”—1 Tes. 4:1.

20 Ano kung ang ating rutina ay medyo pabagu-bago o pasumpong-sumpong? Papaano ba tayo naapektuhan sa espirituwal? Nahadlangan ba ang ating pagsulong udyok ng ilang mga kadahilanan? Ang pagpapasulong ay nagpapasimula sa paghiling kay Jehova ng tulong. (Fil. 4:6, 13) Ipakipag-usap ang inyong mga pangangailangan sa iba pang miyembro ng pamilya, na hinihiling ang kanilang tulong upang maisaayos ang inyong rutina. Kung mayroon kayong suliranin, hilingin ang tulong ng mga matatanda. Kung tayo ay gagawa ng pagsisikap at tutugon sa pag-akay ni Jehova, makatitiyak tayo na maiiwasan natin ang “pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga.”—2 Ped. 1:5-8.

21 Ang paglakad sa isang maayos na rutina ay umaakay sa mga pagpapala anupat sulit ang lahat ng ating mga pagsisikap. Habang kayo ay determinado sa paglakad nang pasulong sa isang maayos na rutina, “huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.” (Roma 12:11)—Para sa detalyado pang pagsasaalang-alang sa paksang ito, tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1985, pahina 13-17 (Mayo 1, 1985 sa Ingles).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share