Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 7/15 p. 29-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Tesalonica, Mga Liham sa mga Taga-
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Huwag Magsawa sa Paggawa ng Mabuti”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 7/15 p. 29-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang ‘pagmamarka’ ba na binanggit sa 2 Tesalonica 3:14 ay isang pormal na prosesong pangkongregasyon, o ito ay isang bagay na ginagawa ng indibiduwal na Kristiyano upang iwasan ang magugulo?

Ipinahihiwatig ng isinulat ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica na may tiyak na gagampanang papel ang matatanda sa kongregasyon sa gayong ‘pagmamarka.’ Gayunman, itataguyod naman ito pagkatapos ng indibiduwal na mga Kristiyano, anupat ginagawa ang gayon taglay ang espirituwal na layunin sa isipan. Mauunawaan natin ito nang husto sa pamamagitan ng pagsusuri sa payo ni Pablo sa orihinal na tagpo nito.

Tumulong si Pablo upang maitatag ang kongregasyon sa Tesalonica, anupat inaakay ang mga lalaki at babae na maging mananampalataya. (Gawa 17:1-4) Nang maglaon ay sumulat siya mula sa Corinto upang sila ay papurihan at patibaying-loob. Nagbigay rin ng kinakailangang payo si Pablo. Hinimok niya sila na ‘mamuhay nang tahimik, asikasuhin ang kanilang sariling gawain, at gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.’ Ang ilan ay hindi gumagawi nang gayon, kaya idinagdag ni Pablo: “Masidhi namin kayong pinapayuhan, mga kapatid, na paalalahanan ang magugulo, magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina.” Maliwanag, may “magugulo”a sa gitna nila na nangangailangang payuhan.​—1 Tesalonica 1:2-10; 4:11; 5:14.

Pagkaraan ng ilang buwan, isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica, na may karagdagang mga komento tungkol sa hinaharap na pagkanaririto ni Jesus. Nagbigay rin si Pablo ng karagdagang patnubay tungkol sa kung paano makikitungo sa magugulo na ‘walang ginagawa kundi manghimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.’ Ang kanilang mga gawa ay salungat kapuwa sa halimbawa ni Pablo bilang isang masipag na manggagawa at sa kaniyang maliwanag na utos tungkol sa pagtatrabaho upang tustusan ang sarili. (2 Tesalonica 3:7-12) Iniutos ni Pablo na kailangang gumawa ng ilang hakbangin. Ang mga hakbanging ito ay isinagawa pagkatapos na mapaalalahanan at mapayuhan ng matatanda ang isang magulo. Ganito ang isinulat ni Pablo:

“Ngayon ay binibigyan namin kayo ng mga utos, mga kapatid, . . . na lumayo sa bawat kapatid na lumalakad nang walang kaayusan at hindi alinsunod sa tradisyon na inyong tinanggap mula sa amin. Sa ganang inyo, mga kapatid, huwag kayong manghimagod sa paggawa ng tama. Subalit kung ang sinuman ay hindi masunurin sa aming salita sa pamamagitan ng liham na ito, panatilihin ninyong namarkahan ang isang ito, tigilan ninyo ang pakikisama sa kaniya, upang siya ay mapahiya. Gayunma’y huwag ninyo siyang ituring na isang kaaway, kundi patuloy na paalalahanan siya bilang isang kapatid.”​—2 Tesalonica 3:6, 13-15.

Kaya kasali sa karagdagang mga hakbangin ang paglayo sa magugulo, pagmamarka sa kanila, pagtigil sa pakikisama sa kanila, gayunman ay pinapayuhan sila bilang mga kapatid. Ano ang aakay sa mga miyembro ng kongregasyon para gawin ang gayong mga hakbangin? Bilang tulong upang linawin ito, kilalanin natin ang tatlong situwasyon na hindi pinagtutuunan ng pansin dito ni Pablo.

1. Alam natin na ang mga Kristiyano ay di-sakdal at nagkukulang. Magkagayunman, ang pag-ibig ay isang tanda ng tunay na Kristiyanismo, na humihiling sa atin na maging maunawain at mapagpatawad sa mga pagkakamali ng iba. Halimbawa, baka ang isang Kristiyano ay di-inaasahang nakapagbulalas ng galit, gaya ng nangyari sa pagitan nina Bernabe at Pablo. (Gawa 15:36-40) O dahilan sa pagod,baka makapagsalita ang isa nang masakit at nakasusugat-damdaming pananalita. Sa gayong mga pangyayari, sa pagpapamalas ng pag-ibig at pagkakapit ng payo ng Bibliya, maaari nating takpan ang pagkakamali, anupat patuloy na namumuhay, nakikisalamuha, at gumagawang kasama ng ating kapuwa Kristiyano. (Mateo 5:23-25; 6:14; 7:1-5; 1 Pedro 4:8) Maliwanag, ang ganitong uri ng pagkukulang ay hindi siyang tinutukoy ni Pablo sa 2 Tesalonica.

2. Hindi tinutukoy ni Pablo ang isang situwasyon na doo’y personal na ipinasiya ng isang Kristiyano na limitahan ang pakikisama sa iba na ang mga paraan at saloobin ay hindi mabuti​—halimbawa, ang isa na waring napakahilig sa paglilibang o sa materyal na mga bagay. O baka takdaan ng isang magulang ang pakikisama ng kaniyang anak sa mga batang walang-galang sa awtoridad ng magulang, naglalaro sa magulo o mapanganib na paraan, o hindi dibdiban sa pagiging Kristiyano. Ang gayon ay personal na mga pasiya lamang na kasuwato ng ating mababasa sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Ihambing ang 1 Corinto 15:33.

3. Sa medyo naiibang antas ng kalubhaan, si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto tungkol sa isa na nagsasagawa ng malubhang pagkakasala at hindi nagsisisi. Ang gayong di-nagsisising mga nagkasala ay kailangang ihiwalay mula sa kongregasyon. Ang “balakyot” na tao ay kailangang ibigay kay Satanas, wika nga. Kung magkagayon, ang tapat na mga Kristiyano ay hindi makikisalamuha sa gayong mga balakyot; hinimok ni apostol Juan ang mga Kristiyano na huwag man lamang batiin ang mga ito. (1 Corinto 5:1-13; 2 Juan 9-11) Gayunman, ito man ay hindi kaayon ng payo sa 2 Tesalonica 3:14.

Naiiba sa tatlong situwasyong binanggit sa itaas ang may kinalaman sa mga “walang-kaayusan” na gaya ng tinalakay sa 2 Tesalonica. Isinulat ni Pablo na ang mga ito ay mga ‘kapatid’ pa rin naman, na dapat paalalahanan at pakitunguhan bilang gayon. Samakatuwid, ang problema sa mga kapatid na “walang-kaayusan” ay hindi isang bagay na pampersonal lamang sa pagitan ng mga Kristiyano ni isang bagay na may sapat na kalubhaan anupat kailangang magtiwalag ang matatanda sa kongregasyon, na gaya ng ginawa ni Pablo may kaugnayan sa imoral na situwasyon sa Corinto. Ang mga “walang-kaayusan” ay hindi nagkasala nang malubha, hindi gaya ng lalaki na natiwalag sa Corinto.

Ang mga “walang-kaayusan” sa Tesalonica ay nagkasala ng seryosong paglihis sa Kristiyanismo. Hindi sila nagtatrabaho, dahil marahil sa iniisip nilang napipinto na ang pagbabalik ni Kristo o dahil sa sila’y tamad. Bukod dito, nagdudulot sila ng nakababagabag na kaguluhan sa pamamagitan ng ‘panghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila.’ Malamang na paulit-ulit na silang pinayuhan ng matatanda sa kongregasyon, kasuwato ng payo ni Pablo sa kaniyang unang liham at ng iba pang payo ng Diyos. (Kawikaan 6:6-11; 10:4, 5; 12:11, 24; 24:30-34) Gayunman, sila ay nanatili sa isang landasin na nakapagbibigay ng kapulaan sa kongregasyon at na maaaring makahawa sa ibang Kristiyano. Kaya hayagang itinawag-pansin ng Kristiyanong matanda na si Pablo ang kanilang kawalang-kaayusan, anupat inihahantad ang kanilang maling landasin, nang hindi tinutukoy ang pangalan ng mga indibiduwal.

Ipinaalam din niya sa kongregasyon na angkop para sa kanila bilang indibiduwal na mga Kristiyano na ‘markahan’ ang gumagawi ng walang-kaayusan. Ipinahiwatig nito na ang mga indibiduwal ay dapat magbigay-pansin sa mga taong ang gawain ay katugma ng landasin na doo’y hayagang binigyan ng babala ang kongregasyon. Ipinayo ni Pablo na sila’y “lumayo sa bawat kapatid na lumalakad nang walang kaayusan.” Hindi ito nangangahulugan na lubusan nang lalayuan ang gayong tao, sapagkat kailangan nilang “patuloy na paalalahanan siya bilang isang kapatid.” Sila’y patuloy pa ring makikipag-ugnayan sa kaniya bilang Kristiyano sa mga pulong at marahil sa ministeryo. Maaari silang umasa na tutugon ang kanilang kapatid sa paalaala at tatalikuran ang kaniyang nakababahalang landasin.

Sa anong diwa sila maaaring “lumayo” sa kaniya? Maliwanag, ito ay may kaugnayan sa pakikipagsamahan. (Ihambing ang Galacia 2:12.) Ang paghinto nila sa pakikisalamuha at paglilibang na kasama niya ay maaaring magpakita sa kaniya na hindi nagugustuhan ng taong may prinsipyo ang kaniyang landasin. Sakali mang hindi siya mahiya at magbago, sa paano man ay malayong matututuhan ng iba ang kaniyang landasin at maging gaya niya. Kasabay nito, ang mga indibiduwal na Kristiyanong ito ay dapat na magtuon ng pansin sa mga positibong bagay. Ipinayo ni Pablo sa kanila: “Sa ganang inyo, mga kapatid, huwag kayong manghimagod sa paggawa ng tama.”​—2 Tesalonica 3:13.

Maliwanag, ang payong ito ng mga apostol ay hindi saligan sa paghamak o paghatol sa ating mga kapatid na nakagagawa ng hindi gaanong malubhang pagkakamali o pagkakasala. Sa halip, ang layunin nito ay upang tulungan ang isa na tumatahak sa nakababahalang landasin na talagang salungat sa Kristiyanismo.

Si Pablo ay hindi nagtakda ng detalyadong mga alituntunin na waring nagsisikap na lumikha ng isang masalimuot na paraan. Kundi maliwanag na magpapayo muna ang matatanda at magsisikap na tulungan ang isa na gumagawi nang walang-kaayusan. Kung hindi sila magtagumpay at ang indibiduwal ay magpatuloy sa isang landasin na nakababahala at may posibilidad na makahawa, maaari nilang ipasiya na dapat bigyang-babala ang kongregasyon. Maaari silang magsaayos ng isang pahayag tungkol sa kung bakit dapat iwasan ang gayong kawalang-kaayusan. Hindi sila babanggit ng mga pangalan, subalit ang kanilang nagbababalang pahayag ay tutulong upang maipagsanggalang ang kongregasyon dahil sa ang mga madaling tumugon ay gagawa ng karagdagang pag-iingat upang limitahan ang pakikipagsamahan sa sinumang maliwanag na nagpapamalas ng gayong kawalang-kaayusan.

Marahil, darating ang panahon na mahihiya ang isang gumagawi ng walang-kaayusan dahil sa kaniyang landasin at mauudyukang magbago. Kapag nakita ng matatanda at ng iba pa sa kongregasyon ang pagbabago, bawat isa sa kanila ay makapagpapasiya na itigil na ang personal na limitadong pakikipagsamahan sa kaniya.

Bilang buod, kung gayon: Ang matatanda sa kongregasyon ay nangunguna sa pagbibigay ng tulong at payo sa isa na gumagawi nang walang-kaayusan. Kung hindi niya makita ang kamalian ng kaniyang landasin kundi patuloy na magiging isang di-kaayaayang impluwensiya, maaaring babalaan ng matatanda ang kongregasyon sa pamamagitan ng isang pahayag na naglilinaw sa salig-Bibliyang pangmalas​—ito man ay ang pakikipag-date sa isang di-kapananampalataya, o anuman ang maling landasin na nasasangkot. (1 Corinto 7:39; 2 Corinto 6:14) Ang mga Kristiyano sa kongregasyon na nababalaan na ay mag-isang makapagpapasiya kung gayon na limitahan ang anumang pakikipagsamahan sa mga maliwanag na nagtataguyod ng isang walang-kaayusang landasin bagaman isa pa ring kapatid.

[Talababa]

a Ang Griegong salita ay ginamit sa mga kawal na hindi namalagi sa hanay o sumunod sa disiplina, gayundin sa mga bulakbol na estudyante, yaong mga lumiban sa kanilang mga klase sa paaralan.

[Mga larawan sa pahina 31]

Pinaaalalahanan ng Kristiyanong matatanda ang mga walang-kaayusan at gayunma’y minamalas sila bilang kapananampalataya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share