Laging Purihin si Jehova
1 May ilang gawain na napakahalaga sa atin anupat ang mga ito’y laging nangangailangan ng ating pansin. Ang mga ito ay ang pagkain, paghinga, at pagtulog. Inilagay ni apostol Pablo ang pangangaral ng mabuting balita sa gayunding kategorya nang himukin niyang: “Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri.” (Heb. 13:15) Kaya ang pagpuri kay Jehova ay bagay na dapat nating pagsikapang gawin araw-araw.
2 Sinabi ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 4:43) Sa tatlo at kalahating taon ng kaniyang ministeryo, ang lahat ng ginawa niya sa araw-araw sa paanuman ay may tuwirang kaugnayan sa pagluwalhati sa Diyos. Ganito rin ang nadama ni Pablo. Pansinin ang 1 Corinto 9:16: “Ako ay aba kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!” Ang iba pang tapat na mga Kristiyano ay pinasiglang maging handang ipagtanggol sa iba ang kanilang pag-asa. (1 Ped. 3:15) Sa gayon ang masisigasig na payunir at mamamahayag ng kongregasyon ay nagsisikap na tularan ang gayong maiinam na halimbawa.
3 Kapag ating isinasaalang-alang ang sigasig ni Jesus, tayo ay nauudyukang sumunod nang maingat sa kaniyang mga yapak. (1 Ped. 2:21) Papaano natin sasamantalahin sa araw-araw ang mga pagkakataong purihin si Jehova kapag tayo’y may buong-panahong trabaho? Kumusta naman ang obligasyon sa pamilya na humihiling ng malaking panahon natin? Ang karamihan sa mga kabataan ay okupado sa kanilang pag-aaral. Maaaring akalain ng ilan na hindi magagawang purihin si Jehova sa bawat araw. Para sa ilan ay lumilipas ang buong buwan nang hindi naibabahagi ang mabuting balita sa anumang paraan.
4 Si Jeremias ay isa na hindi makapanahimik. Nang siya’y hindi nakapagsalita nang ilang saglit lamang sa pangalan ni Jehova, nadama niya ang di matiis na apoy na nag-aalab sa loob niya. (Jer. 20:9) Kahit na siya’y may mga problema, si Jeremias ay laging nakasumpong ng mga paraan upang sabihin sa iba ang mensahe ni Jehova. Maaari ba nating tularan ang kaniyang halimbawa at lumikha ng mga pagkakataon upang purihin ang ating Maylikha sa araw-araw?
5 Ang ating pagsasalita hinggil kay Jehova ay hindi dapat humangga sa pormal, patiunang isinaayos na mga panahon ng pagpapatotoo kasama ng iba pang mamamahayag sa teritoryo ng kongregasyon. Ang tanging kailangan natin ay isang tagapakinig. Nakakasumpong tayo ng mga tao araw-araw—sila’y nagtutungo sa ating tahanan, tayo’y gumagawang kasama nila sa trabaho, o nakakasakay natin sila sa bus. Kailangan lamang ang isang palakaibigang pagbati at isang pumupukaw-pansing katanungan o salita na magbubukas ng pag-uusap. Nasumpungan ng marami na ito ang pinakamabungang paraan ng kanilang pagpapatotoo. Kapag taglay natin ang maraming pagkakataong magsalita sa iba ng hinggil sa mabuting balita, mahirap isiping lilipas ang buong buwan nang hindi tayo makapagbibigay ng patotoo sa Kaharian.
6 Ang pribilehiyo na purihin si Jehova ay hindi kailanman magwawakas, gaya ng ipinahiwatig ng salmista sa Awit 150:6. Kapag pinakilos tayo ng ating puso na palaging gawin iyon, ating sasamantalahin ang pagkakataon sa araw-araw na magsalita hinggil kay Jehova at sa kaniyang Salita.