‘Pagpapayo Salig sa Pag-ibig’
MGA 60-61 C.E., isang tumakas na alipin ang lumisan sa Roma at nagsimula ng isang 1,400-kilometrong paglalakbay pauwi sa Colosas, isang lunsod sa timog-kanlurang Asia Minor. Dala niya ang isang sulat-kamay na mensahe para sa nagmamay-ari sa kaniya, na isinulat ng walang iba kundi si apostol Pablo. Sa ngayon, ang liham na iyon ay isang bahagi ng Bibliya at may taglay ng pangalan ng tumanggap niyaon, si Filemon.
Ang liham kay Filemon ay isang obra maestra ng mapamaraan, nakahihikayat na pangangatuwiran. Subalit, higit na mahalaga na taglay nito ang ilang mga praktikal na aral para sa mga Kristiyano sa ngayon, isa na riyan ang kahalagahan ng pagpapayo sa isa’t isa salig sa pag-ibig Kristiyano. Suriin natin ang maikli ngunit mabisang liham na ito.
Isang Takas na Bumalik
Si Filemon ay isang Kristiyano na lubhang minamahal na miyembro ng kongregasyon sa Colosas. (Filemon 4, 5) Aba, ang kaniyang tahanan ay ginamit ng kongregasyon doon bilang isang dako na pinagtitipunan! (Talatang 2) Isa pa, si Filemon ay personal na kilala ni apostol Pablo; baka nga ang apostol ay isa sa naging dahilan upang siya’y maging isang Kristiyano. Totoo, ipinakita ni Pablo na hindi naman siya personal na nangaral sa Colosas. (Colosas 2:1) Gayunman, siya’y gumugol ng dalawang taon sa Efeso, nangaral nang malawakan na anupa’t “lahat ng mga naninirahan sa purok ng Asia [na kasali roon ang Colosas] ay nakarinig ng salita ng Panginoon.” (Gawa 19:10) Si Filemon ay malamang na kabilang sa mga tagapakinig na tumugon.
Sa papaano man, tulad ng maraming nakaririwasang mga tao noong panahong iyon, si Filemon ay nagmamay-ari ng alipin. Noong sinaunang panahon, ang pagkaalipin ay hindi laging isang mababang uri ng kalagayan. Sa mga Judio, isang sinasang-ayunang paraan ng pagbabayad ng utang ang pagbibili ng isang tao ng kaniyang sarili o ng mga miyembro ng pamilya sa pagkaalipin. (Levitico 25:39, 40) Ang The International Standard Bible Encyclopedia ay nagkukomento tungkol sa panahong Romano: “Napakaraming tao ang nagbili ng kanilang sarili sa pagkaalipin sa sari-saring dahilan, higit sa lahat upang pumasok sa isang buhay na mas maginhawa at lalong panatag kaysa mamuhay na isang taong dukha, isinilang na malaya, upang magkaroon ng pantanging mga hanapbuhay, at upang makaakyat sa mataas na baytang ng lipunan. . . . Maraming mga di-Romano na nagbili ng kanilang sarili sa mga mamamayang Romano taglay ang makatuwirang pag-asa, maingat na sumusunod sa mga patakaran ng batas Romano, ng pagiging mga mamamayang Romano pagka nakalaya na.”
Subalit, isang suliranin ang bumangon nang isa sa mga alipin ni Filemon, isang taong nagngangalang Onesimo, ay tumakas sa kaniya at pumaroon sa Roma, posible pa nga na nagnakaw ng salapi kay Filemon upang magasta sa kaniyang pagtakas. (Talata 18) Sa Roma, nakilala ni Onesimo si apostol Pablo na isang bilanggo roon.
Ang “dating walang-silbing” alipin na tumakas sa pagkaalipin ngayon ay naging isang Kristiyano. Kaniyang isinailalim ang kaniyang sarili kung saanman siya kailanganin ni Pablo at isang malaking tulong sa nakabilanggong apostol. Hindi nga kataka-taka na si Onesimo ay nagkaroon ng dako sa “sariling malumanay na pagmamahal” ni Pablo at naging “isang kapatid na minamahal” kay Pablo!—Talatang 11, 12, 16.
Ibig marahil ni apostol Pablo na si Onesimo ay manatiling kapiling niya, subalit si Filemon ay may legal na mga karapatan bilang may-ari kay Onesimo. Si Onesimo kung gayon ay naobligahan na bumalik sa paglilingkuran sa kaniyang legal na panginoon. Papaano, kung gayon, siya tatanggapin ni Filemon? Siya ba’y magagalit at hihingin ang kaniyang karapatan na maglapat ng mabagsik na parusa? Kaniya bang hahamunin ang kataimtiman ni Onesimo sa kaniyang pag-aangkin na siya’y isang kapuwa Kristiyano?
Paglutas sa mga Suliranin Nang May Pag-ibig
Si Pablo ay napukaw na sumulat kay Filemon tungkol kay Onesimo. Siya mismo ang sumulat ng liham, hindi gumamit ng isang kalihim na gaya ng kaniyang kinaugalian. (Talatang 19) Gumugol ng ilang minuto sa pagbasa sa maikling liham sa kabuuan nito. Mapapansin mo na pagkatapos ng pagpapakilala ng kaniyang sarili at ng pagbati kay Filemon at sa kaniyang sambahayan na sumakanila nawa “ang di-sana nararapat na kagandahang-loob at kapayapaan,” si Filemon ay binigyan ni Pablo ng komendasyon dahil sa ‘kaniyang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoong Jesus at sa lahat ng mga banal.’—Talata 1-7.
Madali sanang nagamit ni Pablo ang kaniyang autoridad bilang isang apostol at ‘ipinag-utos kay Filemon na gawin kung ano ang nararapat,’ subalit sa halip si Pablo ay ‘nagpayo salig sa pag-ibig.’ Kaniyang ginarantiyahan na si Onesimo ay tunay ngang isang kapatid na Kristiyano, na nagpatunay ng kaniyang sarili na isang malaking tulong kay Pablo. Inamin ng apostol: “Ibig ko sanang pigilin [si Onesimo] sa aking piling upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala na gumagapos sa akin nang dahil sa mabuting balita. Ngunit,” ang patuloy pa ni Pablo, “kung wala ang iyong pagsang-ayon ay hindi ko ibig na gumawa ng anuman, upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging parang pinipilit, kundi bunga ng iyong sariling malayang kalooban.”—Talatang 8-14.
Ipinayo ng apostol kay Filemon na tanggapin muli ang kaniyang dating alipin bilang isang kapatid. “Tanggapin mo siyang may kabaitan gaya ng pagtanggap mo sa akin,” isinulat ni Pablo. Hindi ibig sabihin na si Onesimo ay malaya na buhat sa pagkaalipin. Si Pablo ay hindi kumilos upang baguhin ang umiiral na kaayusan ng lipunan noong kaniyang kaarawan. (Ihambing ang Efeso 6:9; Colosas 4:1; 1 Timoteo 6:2.) Gayumpaman, ang ugnayang alipin-panginoon ay tiyak na pagagaangin ng buklod ng pagka-Kristiyano na ngayo’y namamagitan kay Onesimo at Filemon. Mamalasin ni Filemon si Onesimo “bilang higit pa sa isang alipin, gaya ng isang kapatid na minamahal.”—Talata 15-17.
Ngayon, kumusta naman ang pagkakautang ni Onesimo, marahil dahil sa kaniyang pagnanakaw? Muli na naman, binanggit ni Pablo ang kaniyang pakikipagkaibigan kay Filemon, na ang sabi: “Kung siya’y nakagawa sa iyo ng anumang pagkakamali o may utang sa iyong anuman, ito’y ibilang mo na sa akin.” Si Pablo’y nagpahayag ng pagtitiwala na si Filemon ay magpapakita ng espiritu ng pagpapatawad, hihigitan pa ang mga kahilingan ni Pablo. Yamang umaasa si Pablo na siya’y makalalaya na sa madaling panahon, isinaayos pa man din niya na tamasahin ang kagandahang-loob ni Filemon sa pagpapatuloy sa kaniya sa malapit na hinaharap. Pagkatapos magbigay ng iba pang mga pagbati at pagpapahayag na sana’y tumanggap si Filemon ng “di-sana nararapat na kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Kristo,” ang kaniyang liham ay winakasan ni Pablo.—Talatang 18-25.
Mga Aral Para sa mga Kristiyano Ngayon
Ang aklat ni Filemon ay sagana sa praktikal na mga aral para sa mga Kristiyano ngayon. Unang-una, tayo’y pinaaalalahanan nito ng pangangailangan na magpatawad, kahit na kung ang isang kapananampalataya ay gumawa sa atin ng malubhang kasalanan. “Kung patatawarin ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakasala,” sabi ni Jesu-Kristo, “patatawarin din naman kayo ng inyong Ama sa langit.”—Mateo 6:14.
Yaong mga nasa tungkuling may kapamahalaan sa loob ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon ang lalo nang makikinabang sa aklat ni Filemon. Mapapansin na hindi ginamit ni Pablo ang kaniyang autoridad bilang isang apostol upang ipag-utos kay Filemon na gawin kung ano ang nararapat. Isa pa, hindi hiningi ni Pablo na payagan si Onesimo na manatili sa Roma upang maglingkod kay Pablo. Iginalang ni Pablo ang mga karapatan sa pag-aari ng iba. Kaniya ring naunawaan na bagaman ang paggamit ng autoridad ay maaaring magbunga ng pagsunod, mas mabuti para kay Filemon na kumilos buhat sa udyok ng kaniyang puso. Siya’y namanhik salig sa pag-ibig upang tumanggap ng pagtugon buhat sa puso.
Ang mga Kristiyanong matatanda sa ngayon ay hindi nga samakatuwid dapat “umastang may pagkapanginoon sa mga pinamanahan ng Diyos” sa pamamagitan ng pag-aabuso sa kanilang kapangyarihan o sa paggamit ng isang mabalasik, may autoridad na paraan ng pakikitungo sa kawan. (1 Pedro 5:1-3) Sabi ni Jesus: “Alam ninyo na ang mga pinunò ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa kanila at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng autoridad sa kanila. Hindi gayon sa inyo.” (Mateo 20:25, 26) Sa pangkalahatan nakikita ng mga tagapangasiwa na ang mga nasa kawan ay tumutugon nang lalong higit sa maibiging mga pakiusap kaysa sa mga pag-uutos. Yaong mga dumaranas ng panlulumo ay nagpapasalamat sa mga tagapangasiwa na may kabaitang gumugugol ng panahon upang makinig sa kanilang mga suliranin at magbigay ng may pang-unawang pagpapayo.
Ang liham ni Pablo ay nagpapagunita pa rin sa mga matatanda ng kahalagahan ng komendasyon at taktika. Kaniyang sinisimulan sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan na ‘ang malumanay na pagmamahal ng mga banal ay nanariwa sa pamamagitan’ ni Filemon. (Talata 7) Ang taimtim na komendasyong ito ang walang-alinlangang naghanda ng kaisipan ni Filemon upang tumanggap. Sa katulad na paraan sa ngayon, ang payo o paalaala ay kadalasan maaaring pagaangin sa tulong ng taimtim, mainit na komendasyon. Ang gayong payo ay dapat na maging, hindi matalas o walang taktika, kundi saganang tinimplahan ng asin, upang maging lalong masarap pakinggan.—Colosas 4:6.
Si apostol Pablo ay nagpahayag pa rin ng pagtitiwala na ang matuwid ang gagawin ni Filemon, na nagsasabi: “Nagtitiwala sa iyong pagtalima, ako’y sumusulat sa iyo, sa pagkaalam na higit pa ang gagawin mo kaysa mga bagay na sinabi ko.” (Talatang 21) Kayong mga matatanda, kayo ba’y nagpapahayag ng gayunding pagtitiwala sa inyong kapuwa mga Kristiyano? Hindi ba ito’y tumutulong sa kanila na magnais gawin kung ano ang matuwid?
Kawili-wili naman, kadalasa’y nakikita ng mga magulang na ang pagpapahayag ng pagtitiwala sa kanilang mga anak ay mayroon ding mabuting epekto. Sa pamamagitan ng pagkilala sa kahalagahan ng kusang pagtalima—isang pagnanasa na hindi lamang magawa ang mga kahilingan—ang mga magulang ay makapagkakaloob sa kanilang mga anak ng kaunting karangalan. Ang mga pag-uutos o mga kahilingan ng mga magulang, kung maaari, ay dapat na gawin sa isang may kabaitan, mapagmahal na tono ng boses. Kailangang magpakita ng empatiya, magbigay ng mga dahilan. Ang mga magulang ay dapat magbigay ng mainit na komendasyon sa kanilang mga anak kung karapat-dapat ang gayong komendasyon at iwasan ang pagiging labis na mapamintas sa kanila, lalo na sa harap ng iba.
Kaagapay ng gayunding kaisipan, ang mga asawang lalaki ay maaaring magpakita ng mga katangian ng pagkamakatuwiran at ng kabaitan, handang purihin ang kani-kanilang mga asawa. Ginagawa nitong isang kaluguran ang pagpapasakop ng asawang babae at pinagmumulan ng kasiglahan at kagalakan!—Kawikaan 31:28; Efeso 5:28.
Kung papaano tumugon si Filemon sa liham ni Pablo ay hindi nasasabi. Ngunit, hindi natin maguguniguni na ang pagtitiwala sa kaniya ni Pablo ay nalagay sa maling dako. Harinawang ang Kristiyanong matatanda, mga magulang, at mga asawang lalaki sa ngayon ay makasumpong din ng tagumpay sa kanilang mga pakikitungo, hindi sa pamamagitan ng pamimilit, pag-uutos, o pamumuwersa, kundi sa pamamagitan ng ‘pagpapayo salig sa pag-ibig.’
[Larawan sa pahina 23]
Imbes na panghawakan ang kaniyang autoridad bilang isang apostol, si Filemon ay pinayuhan ni Pablo salig sa pag-ibig Kristiyano