Pagtuturo sa mga Pagdalaw-muli
1 Bilang mga ministro ni Jehova, tayo ay nakaharap sa isang hamon. Ito ay maliwanag na sinasabi sa Mateo 28:19, 20, na doo’y ipinag-utos ni Jesus sa atin na magturo at gumawa ng mga alagad. Bagaman nasusumpungan ng marami sa atin na isang mahirap na gawain ang pagtuturo, ito ay isang sining na kailangan natin linangin. (2 Tim. 4:2) Papaano natin haharapin ang hamon na ito at maging matagumpay sa ating ministeryo?
2 Upang maging bihasang guro kailangan ang higit pa kaysa paglalagay lamang ng literature. Ang ating tunguhin ay gumawa ng mga alagad. Kapag may nasumpungan tayong taong nakikinig, o nakapaglagay ng literatura, ang ating pagnanais na maturuan ang mga interesado ay dapat magpakilos sa atin na gumawa ng mga pagdalaw-muli at linangin ang ipinakitang interes.
3 Ang isang mabuting paraan ng pagtuturong ginamit ni Jesu-Kristo ay ang paggamit ng mga tanong. Ang mga tanong ay nagpapasigla sa kaisipan, tumutulong sa mga maybahay na mangatuwiran at suriin ang sarili. Ang paraang ito ay maaaring gamitin kapag gumagawa ng pagdalaw-muli sa mga taong regular na kumukuha ng ating mga magasin. Ang pagtatanong at pagtatampok sa isang artikulo na sasagot nito ay isang mabuting paraan upang antigin ang gana ng tao sa magasin. Ito’y naglalagay rin ng isang saligan para sa ating susunod na pagdalaw.
4 Kapag tayo ay dumadalaw, maaari nating isagawa ang pakikipag-usap sa isang teksto na masusumpungan sa artikulo. Hayaang tingnan ng maybahay ang kasulatan sa kaniyang sariling Bibliya. Sa paggawa nito at sa pamamagitan ng pagtatanong, ating natuturuan siyang mangatuwiran sa inihaharap na materyal. Ito’y naglalagay ng isang mabuting saligan para sa isang pag-aaral sa Bibliya.
PANGANGASIWA NG MGA PAG-AARAL
5 Ang paggamit ng umaakay na mga katanungan ay isang mabuting paraan upang mapasulong ang kakayahang mag-isip ng ating mga tinuturuan. Ginawa ito ni Jesus nang maraming ulit. (Mat. 22:41-46) Ang mga umaakay na katanungan ay tumutulong sa mga tinuturuan na sumapit sa wastong konklusyon, na ginagamit ang mga makakasulatang katotohanan na kanilang natamo.
6 Sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng isang maikling pagrerepaso sa katapusan ng ating pagdalaw-muli o pag-aaral sa Bibliya, ating maikikintal sa kaisipan ng estudiyante ang mga bagong bagay na natutuhan. Sa pagsasagawa nito, makalilikha tayo ng pagnanais para sa higit pang mga katotohanan sa Bibliya.—1 Ped. 2:2.