Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Kabataan
1 Ang makabagong panahong ito ay napatunayang isang napakahirap na panahon para sa mga kabataan sa pangkalahatan. Gayunman, ilang siglo na ang nakararaan isang tao ang kinasihan ng Diyos na sumulat: “Paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.” (Awit 119:9) Tunay, ang patnubay salig sa Salita ni Jehova ay kapakipakinabang sa libu-libong kabataan sa ngayon.
2 Madaling makukuha ngayon ng mga kabataan ang maka-Kasulatang impormasyon na inilathala sa isang bagong aklat, Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Ano ang magagawa ninyo upang makuha rin ito ng mga kabataan sa inyong teritoryo o ng mga kabataan sa paaralan?
MAGKAROON NG INTERES SA MGA KABATAAN
3 Ang paghimok sa mga kabataan na magkaroon ng pagpapahalaga sa Salita ni Jehova ay isang hamon. (Tingnan ang Kawikaan 22:15.) Gayumpaman, ang apostol Pablo ay nagsabi: “Sa Judio ako ay naging isang Judio, upang tamuhin ko ang mga Judio.” (1 Cor. 9:20) Gayundin, sa pagtulong sa mga kabataan upang masumpungan at mapahalagahan ang kapakipakinabang na espirituwal na patnubay, dapat na maintindihan ninyo ang mga kabataan at ang kanilang suliranin. Kailangan ninyong isipin kung ano ang nagbibigay ng interes sa mga kabataan at kung ano ang kanilang mga suliranin sa paaralan o sa kanilang tinitirahan o pinagtatrabahuhan. Kapag nagpapatotoo sa mga kabataan, ang pagkaunawang ito ay dapat na makita sa inyong pambungad, sa inyong mga komento, sa inyong mga katanungan. Ang listahan ng mga nilalaman ng bagong aklat na Tanong ng mga Kabataan ay isang napakainam na bukal ng mga ideya na maaari ninyong pag-usapan. Sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa mga paksang ito, mauunawaan ninyo kung ano ang iniisip ng maraming kabataan sa ngayon.
ANO ANG INYONG SASABIHIN
4 Kapag kayo’y nakikipag-usap sa isang kabataan, maging palakaibigan at tratuhin siya nang may dangal. Pagkatapos ng pagbati, maaari ninyong sabihin: “Ako ay nakikibahagi sa isang pangmadlang paglilingkod upang tulungan ang mga kabataang gaya mo na mapagtagumpayan ang mga suliraning napapaharap sa kanila sa komunidad na ito. Naranasan mo na bang piliting gawin ang isang bagay na hindi mo naman gustong gawin? O ginagawa mo ba ang mga bagay kung minsan dahilan sa ginagawa iyon ng iba at hindi dahilan sa sarili mong kagustuhan? Naisip mo na ba kung papaano mapagtatagumpayan ang gayong panggigipit ng mga ka-edad mo?” Pagkatapos niyang sumagot, buksan ang aklat sa kabanata 9. Pagkatapos ay sabihin: “Pakisuyong pansinin kung ano ang sinasabi ng publikasyong ito sa pahina 77. [Basahin ang isang angkop na parapo.] Sa palagay mo kaya ang pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa mga kabataan na mapagtagumpayan ang suliraning ito? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa Awit 119:9. [Basahin.] Ang aklat na ito ay nagpapakita kung papaanong ang Bibliya ay makatutulong sa mga kabataan na mapagtagumpayan ang mahihirap na mga kalagayan, gaya ng nakalista sa mga nilalaman nito. [Iabot sa kaniya ang aklat.] Iyo na ito sa kontribusyong ₱21.00.”
5 Hindi nais ni Jehova na “ang sinuman ay mapahamak.” (2 Ped. 3:9) Lakip na dito ang mga kabataan. Gayumpaman, maraming mga kabataan ang hindi makaliligtas sa Armagedon. Nawa ang ating mga pagsisikap na mabisang mapangaralan ang mga kabataan ay magdulot ng kaligtasan sa maraming kabataan, sa ikapupuri ni Jehova.