Patuloy na Maging Malakas sa Espirituwal, Manatiling Malinis sa Paglilingkod kay Jehova
1 Sa Isaias 60:22, ang pangako si Jehova ay natutupad na ngayon sa harapan ng ating mga mata: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Akong si Jehova ay papangyayarihin kong madali sa kapanahunan.” Kapag iniisip natin ang isang bansa, nailalarawan natin ang isang malaking grupo ng mga tao na nagsasamasama dahilan sa iisang interes at kumikilos sa ilalim ng isang pamahalaan.
2 Ang ulat sa larangan noong 1991 ay nagpapakita ng peak na 4,278,820 mga mamamahayag ng mabuting balita sa buong daigdig, 6.5 porsiyentong pagsulong kaysa nakaraang taon. Tunay na tinitipon ni Jehova ang isang malaking pulutong ng taimtim na mga tao na nagnanais na ihiwalay ang sarili sa mapaniil na sistemang ito at maging tapat na mga sakop ng Mesiyanikong pamamahala ng Kaharian sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Bawat taon ang bilang ng mga natitipon ay patuloy na dumarami. Ikinagagalak natin na maging bahagi ng bansang maaaring literal na ilarawan bilang isang bagong sanlibutang lipunan. Sa pagdiriwang ng Memoryal noong 1991, ang kabuuang dumalo ay 10,650,158, 7-porsiyentong pagsulong kaysa 1990. Ito’y nangangahulugang may napakalaking potensiyal na lalo pang marami ang makikisama sa atin bilang mga sakop ng Kaharian.
3 Sabihin pa, nababatid natin na hindi lahat ng mga dumalo sa Memoryal ay naghiwalay na ng kanilang sarili mula sa sanlibutang ito upang maging lubusang karapatdapat sa bayan ni Jehova. Ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay ‘nagsisiparoon sa bahay ni Jehova,’ subalit sila’y kailangang lubusang ‘maturuan hinggil sa kaniyang mga daan’ upang sila’y “lumakad sa kaniyang mga landas.” (Isa. 2:2-4) Mahigit sa apat na milyon ng mga dumalo sa Memoryal ay tumanggap ng tagubilin ng Diyos, nagtaglay ng espirituwal na kalakasan na nagpakilos sa kanila upang mapanatili ang malinis na paggawi at maging karapatdapat na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian na ngayo’y isinasagawa. (Mat. 24:14) Ang mga ito ay may mabuting katayuan sa paningin ng Diyos at nakikinabang sa lahat ng mga kamanghamanghang paglalaan para sa kanila. Ano ang kailangang gawin ng mahigit pang anim na milyon upang sila rin ay maging malakas sa espirituwal at malinis sa paglilingkod kay Jehova?
4 Kailangan nilang “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya.” (Jud. 3) Minsang pinili nilang lumakad sa daan ni Jehova, sila’y napapasailalim ng panggigipit ng Diyablo sa pamamagitan ng mga pagsubok, tukso, at masasamang impluwensiya. Gaya ni Pablo, kay Jehova sila nararapat tumitingin ukol sa lakas upang makapagtiis. (Fil. 4:13) Si Jehova ay nagbibigay ng lakas sa mga ito sa tulong niyaong mga naging malakas sa pananampalataya. Ipinayo ni Pablo na “tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina.” (Roma 15:1) Kapag nagkaisa ang mga malalakas at mahihina, may lakas upang makatayong matatag. “Dalawa ay maigi kaysa isa. . . . Kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nag-iisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya.”—Ecles. 4:9, 12.
5 Ito’y nangangahulugang ang mga baguhan ay makatuwirang umasa sa atin na siyang paraan upang sila’y tumanggap ng lakas mula kay Jehova. Tayong mga nag-alay na Kristiyano ay dapat na manatiling malakas sa espirituwal upang makatulong sa mga baguhan. Ang mga Kristiyanong malalakas ay ‘makapagbibigay ng espirituwal na kaloob,’ bilang ‘pagpapalitan ng pampatibay-loob.’ (Roma 1:11, 12) Ito ang isa sa pangunahing paraan na ginagamit ni Jehova upang buklurin tayo at gawin tayong lahat na ‘matibay at malakas.’—1 Ped. 5:9-11.
6 Dapat nating gawing tunguhin na tulungan ang mga baguhan samantalang tayo’y nananatiling gising sa ating mga espirituwal na pangangailangan. (Mat. 5:3) Ang espirituwalidad ay susi ng ating lakas. Ito’y katangiang dapat na palakasin at patibayin sa pamamagitan ng regular na pagkain ng espirituwal na pagkain. Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, si Jehova ay naglalaan ng timbang na programa ng pag-aaral ng kaniyang Salita. Ang limang lingguhang pulong ng kongregasyon ay gumaganap ng mahalagang papel sa ikalalakas natin, ‘upang tayo’y mangaudyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa.’—Heb. 10:24.
7 Ang mga kapakinabangan mula sa mga pulong na ito ay lalong lumalaki kapag nalalakipan ng mabuting kaugalian ng personal at pampamilyang pag-aaral. Sa pinakamaliit, lahat tayo ay dapat na magbasa at magsaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto at patuloy na sundin ang programa ng pagbabasa ng Bibliya na nakatakda sa Eskedyul ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at maghanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at Pag-aaral ng Bantayan. Dapat alamin ng bawat pamilya kung papaano ito maoorganisa, na tinitiyak na magagawa ito sa regular na paraan. Dapat ding tingnan ng ulo ng pamilya na ang programa sa pag-aaral ay naibabagay sa espesipikong pangangailangan ng pamilya. Sa ganitong paraan ang “sambahayan ay naitatayo. . . . Ito ay natatatag.” (Kaw. 24:3) Kung tayo’y taimtim sa ating kaugalian sa pag-aaral bilang mga indibiduwal at bilang mga sambahayan, makapagtitiwalang pagpapalain tayo ni Jehova at ang kaniyang espiritu ay tutulong sa ating mapagtiisan nang matagumpay ang iba’t ibang pagsubok.—Sant. 1:2, 3; 1 Ped. 4:11.
8 Pananatiling Malinis at Walang Kapintasan: Samantalang malugod tayong inaanyayahan ni Jehova upang lumapit sa kaniya, niliwanag din niyang ito’y gagawin salig sa ating pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, na “naglilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7; tingnan din ang Hebreo 9:14.) Maaari nating patuloy na mapatibay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating natutuhan. Ang ilan ay nahulog dahilan sa sila’y nabigong kumain ng espirituwal na pagkain o hindi gaanong ikinapit ito sa kanilang buhay. Ito’y nagpangyaring sila’y tablan ng mga pagsalakay ni Satanas. Ang ilan ay nagkasakit sa espirituwal, kaya naging di aktibo. Nakalulungkot, ang iba ay nalulong sa malulubhang pagkakasala, anupat sila’y natiwalag. Si Pablo ay nagbabala: “Kaya’t ang may akalang siya’y nakatayo, mag-ingat na baka mabuwal.” (1 Cor. 10:12) Kung kinukusa nating kaligtaan ang pag-aaral, pagdalo sa pulong, at paglilingkuran, madali tayong masisilo ng masasamang impluwensiya at tukso.—Heb. 2:1; 2 Ped. 2:20-22.
9 Mahalaga na ating ingatan ang sarili na malinis sa lahat ng paraan: pisikal, mental, espirituwal, at moral. (2 Cor. 7:1) Ang sanlibutang nakapalibot sa atin ay nagiging lalong masama at mababang uri araw-araw. Ang Diyablo ay patuloy na gumagamit ng higit pang mapandayang paraan upang masilo tayo. Ang pagpapanatili sa sarili na malakas ay tumitiyak sa atin na hindi tayo magiging ‘walang alam sa kaniyang mga lalang upang madaya.’ (2 Cor. 2:11) Ang mga tagubilin at payong ating tinatanggap mula sa organisasyon ni Jehova ay tutulong sa ating makilala at mapaglabanan ang masasamang impluwensiya.
10 Ang mga nangunguna sa kongregasyon ay may pananagutang maglaan ng mainam na halimbawa sa iba upang manatiling malakas at malinis. Idiniin ni Pablo ang pananagutang ito nang sabihin niya: “Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo. . . . At sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay tularan ang kanilang pananampalataya.” (Heb. 13:7) Mahalaga na ang mga inatasang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay maging huwaran sa kanilang personal na paggawi at gayundin sa pangangalaga sa kanilang mga pananagutan bilang mga ulo ng pamilya. Sila’y dapat na magsikap na maging gaya ng batang si Timoteo na hinimok na “maging uliran . . . sa pagsasalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” (1 Tim. 4:12; 1 Ped. 5:3) Tayong lahat ay may pananagutang maging mabuting halimbawa sa pananatili sa marangal na paggawi. Kadalasang hinahatulan ng mga baguhan ang katotohanan at ang organisasyon ni Jehova batay sa kanilang nakikita sa atin. Nanaisin nating tiyakin na ang makikita nila sa atin ay magpapasigla sa kanila na kunin ang kanilang dako sa malinis na organisasyon ni Jehova.
11 Ang pagtitipon ukol sa kaligtasan sa “malaking kapighatian” ay bumibilis. (Apoc. 7:14) Yaong lamang naging malakas sa espirituwal at nanatiling malinis ang makaliligtas. Malaki ang nagagawa ng mga salik na ito: (1) pagpapanatili sa mabuting personal na kaugalian sa pag-aaral at pagbubulaybulay sa Salita ng Diyos; (2) pagtatanghal ng tunay na personal na interes sa iba taglay ang pagnanais na maglaan ng pampatibay-loob; at (3) paggawang nagkakaisa upang mapanatili ang malinis na paggawi na magdadala ng karangalan sa pangalan ni Jehova. Ang paggawa ng mga bagay na ito ay titiyak sa atin ng pagpapala at proteksiyon ni Jehova kapag dumating na ang katapusan ng sanlibutang ito. Makapagtitiwala tayo na tayo’y makakabilang sa “mga tapat na ipinagsasanggalang ni Jehova.”—Awit 31:23.