Malaki ang Magagawa ng Pambungad na Pananalita
1 Sinasabing ang unang 30 segundo ng ating presentasyon sa bahay-bahay ay siyang pinakamahalaga. Oo, ang ating pambungad ay makapagsasabi kung pakikinggan tayo o hindi. Sa pahina 9 ng aklat na Nangangatuwiran, binanggit doon ang dalawang mahalagang bagay na dapat tandaan kapag ipinakikilala ang ating sarili. Ang mga ito ay: (1) Ang mensahe na iniatas sa ating ihatid ay “ang mabuting balita ng kaharian,” na nangangahulugang dapat natin laging pagsikapang tulungan ang mga tao na makita ang pangangailangan sa Kaharian at naising isaalang-alang ito. (2) Ang tunay na pagkabahala sa kapakanan ng mga tao ay tutulong sa ating abutin ang kanilang mga puso. Ito ay maipakikita sa pamamagitan ng palakaibigang ngiti at pag-uugali, handang pakikinig kapag sila ay nagsasalita, at sa paggamit natin ng mga tanong upang antigin ang interes at mapasimulan ang pag-uusap.
2 Ginagamit ba ninyo ang ilan sa mga pambungad na iminungkahi ng aklat na Nangangatuwiran o yaong lumitaw kamakailan lamang sa mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian? Maraming mamamahayag ang nag-uulat ng higit na tagumpay sa ministeryo sa bahay-bahay dahil sa paggamit ng mga pambungad na ito nang salita-por-salita katulad ng pagkakalimbag nito. Nasumpungan ng iba na sa paglalagay ng kaunti pang panahon sa paghahanda para sa ministeryo sa larangan, nasasabi nila sa sariling pangungusap ang mga pambungad bagamat salig ito sa nilimbag na mga mungkahi.
3 Isang bagay ang tiyak, na kung maliwanag sa isipan ninyo ang pambungad bago lumapit sa kaninuman na dala ang mensahe ng Kaharian, kayo’y higit na komportable at may higit na pagtitiwala. Ang inyong mga pananalita ay magbabadya ng inyong taimtim na pagnanais na maibahagi ang mabuting balita. Ang inyong pagiging lubusang handa ay magpapangyaring maging higit na kasiyasiya ang inyong ministeryo dahilan sa mabubuting resulta na inyong natatamo. Ang pinakamahalaga dito ay ang maibigay natin ang pinakamabuting hain ng papuri na magagawa natin.—Heb. 13:15; 1 Ped. 2:5.
4 Kaya gumamit ng sapat na panahon sa paghahanda. Isaalang-alang ang uri ng mga taong masusumpungan ninyo sa inyong lokal na teritoryo. Ano ba ang kanilang ikinaliligalig at ikinababahala? Anong kasalukuyang mga pangyayari ang nakakaapekto sa kanilang buhay? Pagkatapos na isipin ang sagot sa mga tanong na ito, tingnan ang mga pambungad na iminumungkahi sa mga pahina 9-15 ng aklat na Nangangatuwiran o piliin ang isa o higit pa sa mga pambungad mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Maaari ninyong baguhin ang mga salita para maging maalwan sa inyo. Ang susunod na hakbang ay ang kumuha ng ibang mamamahayag upang insayuhin ang inyong pambungad. Marahil ito ay makapagpapasigla rin sa iba na pasulungin ang kanilang mga pambungad. Sa paanuman, mapapasigla ninyo at mapapatibay ang isa’t-isa sa mabubuting mga gawa.
5 Ang panahon at pagsisikap na ginugol ninyo sa paghahanda sa inyong mga presentasyon sa larangan ay tiyak na gagantimpalaan. Kayo ay pagpapalain sa pagkakaroon ng higit na bahagi sa kapanapanabik na pagtitipong ito na nagaganap ngayon.