Pagpapahalaga sa Kahulugan ng Kasalukuyang mga Pangyayari
1 “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Cor. 7:31) Ito’y nakikita sa mabilis na lumilipas na mga pangyayari sa kasalukuyan. Lakip na ang lahat ng mga pangyayari sa loob ng organisasyon ni Jehova, ano ang personal na kahulugan nito sa inyo?—Luc. 21:28.
2 Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapatunay na ang buong balakyot na sistema ng mga bagay ay nasa mga huling araw na. (Mat. 24:3-14; Luc. 21:7-11) Sinabi ni Jesus na “hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.” (Luc. 21:32) Pinahahalagahan ba ninyo kung ano ang kahulugan nito para sa mga tao sa inyong teritoryo na hindi pa naninindigan sa panig ni Jehova? Kung oo, ano ang epekto nito sa inyong ministeryo sa larangan?—Luc. 21:34-36.
3 Tulungan ang Iba Habang May Panahon Pa: Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na samantalahin ang kanaisnais na mga kalagayan upang ipahayag ang mabuting balita. (Juan 9:4) Nagbigay si apostol Pablo ng gayunding payo nang himukin niya ang mga kapatid sa Colosas na “patuloy na lumakad nang may karunungan sa mga nasa labas, na inyong samantalahin ang panahon para sa inyong mga sarili.”—Col. 4:5.
4 Nakinig ang ilan sa payo ng apostol na samantalahin ang panahon at naging mga regular payunir. Maraming mga kabataan ang naging regular payunir samantalang nasa paaralan pa at naging matagumpay sa paggawa niyaon. Maaaring samantalahin ng mga kabataang nasa paaralan ang pagkakataon upang tulungan ang kanilang mga kaklase na maunawaan ang kahulugan ng mga pangyayari ngayon at ang pag-asa sa hinaharap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Ecles. 12:1.
5 Maaari nating gamiting mabuti ang ating panahon sa ministeryo sa larangan sa Oktubre sa pamamagitan ng pagtatampok ng magasing Gumising! sa lahat ng pagkakataon. Ang publikasyong ito ay nagbibigay ng kaunawaan sa tunay na kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari. Ialok ito sa mga taong nababahala na inyong nasusumpungan sa bahay-bahay. Ialok ito sa mga kamag-aral o sa mga taong kasama ninyo sa trabaho. Itampok ang mga paksang maaaring may partikular na interes sa mga taong kakilala ninyo. Halimbawa, ang Gumising! ng Oktubre 8, 1992 ay naglalaman ng mga artikulo hinggil sa negatibong damdamin, na nagpapakita kung papaano mapagtatagumpayan ang kabalisahan, takot, galit, kabiguan, at panlulumo.
6 Sa paghaharap ng Gumising!, kadalasan, makabubuting bumaling sa bahaging “Kung Bakit Inilalathala ang Gumising!” sa pahina 4 ng bawat magasin. Batay sa klase ng taong inyong kausap, maaaring ipakita ninyong ito’y nagbibigay ng kaliwanagan sa buong sambahayan, nagpapakita kung papaano mapagtatagumpayan ang mga suliranin (gaya ng isyu ng Oktubre 8), at hindi lamang ito nag-uulat ng mga balita kundi nagtuturo ng talagang kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari, subalit walang pagkiling sa anumang panig ng politika. Tiyak na pahahalagahan ng mga taong palaisip na ito ang siyang dahilan kung bakit ang Gumising! ay tunay na mahalaga sa kanila.
7 Kapanapanabik ang panahong ito upang paglingkuran si Jehova. Ang katotohanang ito nawa’y magpakilos sa atin na samantalahin ang mga pagkakataon sa buwang ito upang tulungan ang lalo pang maraming taong taimtim na makita ang tunay na kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari.