Tanong
◼ Gaano kalaki ang maaaring pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ng mga kabataang anak ng mga magulang na Kristiyano bago sila kilalanin bilang di bautisadong mga mamamahayag?
Nanaisin ng mga Kristiyanong magulang na maging maygulang, debotadong mga lingkod ni Jehova ang kanilang mga anak. (1 Sam. 2:18, 26; Luc. 2:40) Kahit na sa kamusmusan pa lamang, ang mga anak sa sambahayang Kristiyano ay dapat na maliwanag na makapagtatanggol ng kanilang pananampalataya. Ang espirituwal na paglaki ng mga anak ay bumibilis habang sumasama sila sa kanilang mga magulang sa ministeryo sa larangan mula sa pagkasanggol. Subalit mahalaga na mapakilos ang puso ng mga kabataan upang tamasahin nila ang kaligayahan sa paglilingkod sa larangan, magnais na maging di bautisadong mamamahayag, at magpatuloy sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang maingat na pagsasanay ng mga magulang ay isang kahilingan. (1 Tim. 4:6; 2 Tim. 2:15) Ang iba pang kuwalipikadong mamamahayag ay maaaring makatulong sa pana-panahon kung sang-ayon ang mga magulang.—Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 99-100.
Habang sumasama ang mga anak sa kanilang mga magulang sa gawain sa bahay-bahay, sila’y natututo kung papaano makikibahagi sa ministeryo. Subalit hindi sila kikilalanin bilang di bautisadong mamamahayag hanggat hindi sila nagkakaroon ng sapat na kakayahan sa ganang sarili. Makapagpapasiya ang Kristiyanong mga magulang kung gaano ang maaaring maging bahagi ng bata sa pagbibigay ng patotoo samantalang sila’y gumagawang magkasama. Ang mga bata na hindi pa kinikilala bilang di bautisadong mamamahayag ay hindi dapat pumunta sa mga bahay na nag-iisa o sumama sa ibang bata sa paglilingkod sa larangan. Maaaring ihanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paglilingkod sa larangan at pahintulutan silang makibahagi sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagbasa ng isang kasulatan, pag-aalok ng tract o ng magasin, o pagpapakita ng ilustrasyon sa maybahay sa isa sa mga publikasyon. Habang ang bata ay lumalaki, siya’y maaaring makabahagi nang higit pa sa pag-uusap.
Sa pamamagitan ng wastong pagsasanay, ang mga kabataan ay matututong magpahalaga sa kaselangan ng ministeryo habang sila’y tumutugon sa patnubay ng kanilang mga magulang at kumikilos sa maayos na paraan. Hindi dapat na iwan ng mga magulang ang kanilang mga anak na hindi pa kinikilala bilang di bautisadong mamamahayag sa pagtitipon bago maglingkod, na umaasang aasikasuhin sila ng iba. Ang nababahalang mga magulang ay kumikilala sa kanilang personal na pananagutang pangasiwaan ang kanilang mga anak. Sabihin pa, ang ibang mapagkakatiwalaang mga kapatid ay maaaring nagnanais na tumulong sa pagsasanay sa mga kabataan sa kongregasyon na nagpapakita ng tunay na pagnanais na maglingkod kay Jehova sa ministeryo.