Kayo Ba’y Makikibahagi sa Impormal na Pagpapatotoo sa Disyembre?
1 Regular na takbo ng ating buhay ang pagkakaroon ng espisipikong panahon sa pagsasalita sa mga tao hinggil kay Jehova. Naglalaan tayo ng panahon para sa pormal na pagpapatotoo sa bahay-bahay, sa mga pagdalaw muli, at sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Gayumpaman, marami ang impormal na pagkakataon na maaaring magsalita tayo sa mga tao hinggil sa katotohanan. Tinatawag natin itong impormal na pagpapatotoo.
2 Nakakasumpong ang ibang mga mamamahayag ng maraming pagkakataong makibahagi sa anyong ito ng ministeryo. Tayong lahat ay maaaring maging alisto sa gayong mga pagkakataon sa Disyembre habang tayo ay naglalakbay mula at patungong mga kombensiyon, nagbabakasyon, at dumadalaw sa mga kamag-anak. Sasamantalahin ba ninyo ang mga pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo sa buwang ito?
3 Gumawa ng Patiunang mga Plano: Ang paghahanda ay magpapangyari na makapagpatotoo tayo nang impormal sa mabisang paraan. Upang matulungan tayong gawin ito, tayo ay lubos na nasasangkapan ng iba’t ibang publikasyon. Bukod pa sa Ang Bantayan at Gumising!, mayroon tayong mga tracts na nagtatampok ng mga paksang pupukaw ng interes. May mga brochure na nakatatawag-pansin sa mga tao na may iba’t ibang pinagmulan at relihiyon. Mayroon din tayong mga pambulsang aklat na nagtataglay ng mga paksang kawili-wili sa ngayon. Aling publikasyon ang kinagigiliwan ninyong gamitin? Pag-isipan ito bilang isang pamilya. Pagkatapos ay insayuhin kung ano ang inyong sasabihin kapag sumapit ang angkop na mga pagkakataon.
4 Habang Nagbabakasyon: Ang isang nakapakainam na panahon para gumawa ng impormal na pagpapatotoo ay kapag nagbabakasyon. Kayo ba ay nagpaplanong maglakbay sa tren o bus? Kung gayon ay magdala ng Bibliya at isa sa mga publikasyong binanggit sa itaas. Ang pagbabasa ng gayong publikasyon sa pampublikong transportasyon ay kadalasang nagiging mitsa ng pag-uusap. Kung kayo ay naglalakbay sa kotse, isipin kung ano ang inyong sasabihin kapag tumigil sa gasolinahan o sa restauran. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring magdala kayo ng ilang suplay ng tracts upang ibigay sa mga taong interesado. Kung kayo ay tumigil sa isang lugar na may kawili-wiling tanawin o sa isang dalampasigan o parke, marahil ay mapasisimulan ninyo ang usapan sa pagsasabing: “Hindi kaya maganda kung ang buong lupa ay magiging ganito?”
5 Sa Pandistritong Kombensiyon: Makakasumpong din tayo ng pagkakataong magpatotoo nang impormal sa pandistritong kombensiyon. Marami ang nagkaroon ng tagumpay sa pakikipag-usap sa mga empleado ng mga otel o restauran o sa pakikipag-usap sa mga tao sa lansangan o habang naghihintay ng bus. Tiyaking isuot ang lapel card sa panahon ng kombensiyon. Maaaring magtungo kayo sa isang tindahan at marahil ay magtatanong ang mga tao kung ano ang ibig sabihin ng inyong lapel card. Ito’y maaaring umakay sa pagbibigay ninyo ng mainam na patotoo.
6 Ang mga bakasyon at kombensiyon ay maaaring magbigay sa atin ng kaginhawahan at kaaliwan, subalit huwag nating kaliligtaan ang mga pagkakataong taglay natin upang makagawa ng impormal na pagpapatotoo. Ang paraang ito ng pangangaral ay mabunga, at dapat makibahagi dito ang mga lingkod ni Jehova. Gaya ni Jesus, mapakilos nawa tayo ng pag-ibig sa ating kapuwa tao upang magsalita sa lahat ng angkop na pagkakataon.—Mat. 5:14-16.