Ano ang Ating Isasakatuparan sa Taóng Ito ng Paglilingkod?
1 Habang tayo’y pumapasok sa 1994 taon ng paglilingkod, ngayo’y angkop na panahon para sa ating lahat bilang bayan ni Jehova na pagtibaying maliwanag sa ating mga isipan kung ano ang nais nating isakatuparan bilang mga indibiduwal at bilang isang organisasyon sa bagong taóng ito ng paglilingkod.
2 Patuloy na Lumaki sa Espirituwal: Kung tayo’y baguhan pa lamang sa katotohanan, dapat naisin nating lumakas sa pananampalataya. (Heb. 6:1-3) Kung tayo’y malakas na sa espirituwal, hindi lamang dapat nating tulungan ang mga baguhan at ang iba pa kundi dapat din nating bigyang pansin ang ating sariling espirituwalidad, na hindi kailanman nag-aakalang taglay na natin ang lahat ng kinakailangang kaalaman sa Bibliya at karanasan sa Kristiyanong pamumuhay. Atin bang isinasaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto, umaalinsabay sa programa ng pagbabasa sa Bibliya na itinakda sa Eskedyul ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at naghahanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral ng Bantayan? Ito’y dapat na maging pinakamaliit na tunguhin para sa ating lahat. Dapat tayong lumaki sa espirituwal upang tayo’y makaligtas sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay at maingatan tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Ihambing ang Filipos 3:12-16.
3 Manatiling Malinis sa Espirituwal: Upang maging lubusang kaayaaya sa harapan ni Jehova, dapat tayong maglinis sa “lahat ng karumihan ng laman at espiritu.” (2 Cor. 7:1) Minsang tayo’y naging malinis, bakit natin nanaisin pang muling ‘maglubalob sa pusali’ ng balakyot na matandang sanlibutang ito? (Ihambing ang 2 Ped. 2:22.) Dapat tayong maging determinado na manatiling malakas at malinis sa espirituwal. Sa ganitong paraan ay hindi tayo nagiging walang malay at napagtatagumpayan ng imbing pakana ni Satanas, nahuhulog sa kasalanan at nahihiwalay sa pabor ni Jehova.—2 Cor. 2:11.
4 Pakinggan ang Matalinong Payo: Ang Kawikaan 15:22 ay nagpapakita na: “Sa karamihan ng tagapayo ay may naisasagawa.” Gayunman, tandaan na ang lalaking nagsalita nito ay si Solomon, na sa dakong huli ay nagpahintulot ‘sa kaniyang mga asawa na hikayatin ang kaniyang puso na sumunod sa ibang diyos’ sapagkat siya’y nabigong sumunod sa payo ng Diyos na huwag kumuha ng mga asawang banyaga. (1 Hari 11:1-4) Kaya malibang personal nating sundin ang matalinong payo, papaano natin aasahang magiging mabisa ang ating paglilingkod kay Jehova o makapaglalaan ng halimbawang karapatdapat tularan? (1 Tim. 4:15) Ang payo ng Bibliya ay tutulong sa ating mapangalagaan ang ating puso. (Kaw. 4:23) Ang umiibig sa iniibig ni Jehova, napopoot sa kaniyang kinapopootan, laging humihingi ng kaniyang patnubay at gumagawa ng kung ano ang nakalulugod sa kaniya ay isang tunay na proteksiyon.—Kaw. 8:13; Juan 8:29; Heb. 1:9.
5 Ang ating pagsamba kay Jehova ay hindi lamang basta isang anyo ng makadiyos na debosyon kagaya ng mga nag-aangking Kristiyano sa sanlibutan, kundi masigla, aktibo, at buháy alinsunod sa katotohanang masusumpungan sa Salita ng Diyos.—Juan 4:23, 24.
6 Ang ating determinasyong gawin ang kalooban ng Diyos ay maaaring hamunin sa araw-araw. Dapat tayong magpatibay sa pamamagitan ng kaalaman na si Jehova ang magpapalakas sa atin. (1 Ped. 5:9, 10) Anupat lubusan nating maisasakatuparan ang ating ministeryo sa 1994 taon ng paglilingkod.—2 Tim. 4:5.