Mga Pambungad na Magagamit sa Ministeryo sa Larangan
Mga komento: Kapag nagpapasiya kung anong uri ng pambungad ang gagamitin kapag nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, tatlong bagay ang humihiling ng maingat na pagsasaalang-alang: (1) Ang mensahe na iniatas sa atin na ipahayag ay “ang mabuting balitang ito ng Kaharian.” (Mat. 24:14) Kahit na hindi natin ito tinatalakay nang tuwiran, dapat sikapin nating tulungan ang mga tao na makita ang pangangailangan ukol dito, o kaya’y alisin sa kanilang isipan ang anomang hadlang sa pagsasaalang-alang nito. (2) Upang marating ang puso, malaki ang maitutulong sa atin ng tunay na pagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao na ating nakakausap, gaya ng ginawa ni Jesus. (Mar. 6:34) Ang ganitong taimtim na interes ay maaaring maipahayag sa pamamagitan ng isang mainit na ngiti at palakaibigang pamamaraan, ang pagiging-handang makinig kapag sila’y nagsasalita at pagkatapos ay ang pagbagay ng ating mga sagot ayon dito, gayon din sa pamamagitan ng ating paggamit ng mga tanong na hihikayat sa kanila na ipahayag ang kanilang sarili upang higit nating maunawaan ang kanilang pangmalas. Ipinakikita ng Unang Corinto 9:19-23 na ibinagay ni apostol Pablo ang paghaharap ng mabuting balita sa kalagayan ng mga tao na kaniyang kausap. (3) Sa ilang bahagi ng daigdig, ang mga panauhin ay inaasahan na sumunod sa ilang pormalidad bago sabihin ang layunin ng kanilang pagdalaw. Sa ibang dako naman ang isang panauhin na hindi inaanyayahan ay maaaring asahan ng maybahay na tumungo agad sa punto.—Ihambing ang Lucas 10:5.
Ipinakikita ng sumusunod na mga pambungad kung papaanong sinisimulan ng ilang may-karanasang Saksi ang kanilang pakikipag-usap. Kung ang mga pambungad na ginagamit ninyo ngayon ay bihirang makapagbukas ng daan ukol sa pag-uusap, subukin ang ilan sa mga mungkahing ito. Sa paggawa nito, walang pagsalang nanaisin ninyong ipahayag ito sa sariling pangungusap. Isa pa, matutulungan din kayo ng paghingi ng mga mungkahi sa ibang Saksi sa inyong kongregasyon na naging matagumpay sa paglapit sa mga tao.
ARMAGEDON
● ‘Marami ang nababahala tungkol sa Armagedon. Narinig nila na ginagamit ng mga pinuno ng daigdig ang katagang ito upang tumukoy sa panlahatang digmaang nukleyar. Ano sa palagay ninyo ang magiging kahulugan ng Armagedon para sa sangkatauhan? . . . Ang totoo, sa Bibliya kinuha ang pangalang Armagedon, at naiiba ang kahulugan nito sa karaniwan nang paraan ng paggamit sa salita. (Apoc. 16:14, 16) Ipinakikita rin ng Bibliya na mayroon tayong personal na magagawa upang makaligtas. (Zef. 2:2, 3)’ (Tingnan din ang mga pahina 41-46, sa ilalim ng paksang “Armagedon.”)
BIBLIYA/DIYOS
● ‘Kumusta kayo. Dumadalaw ako sandali upang ibahagi sa inyo ang isang mahalagang mensahe. Pakisuyong tingnan kung ano ang sinasabi dito ng Bibliya. (Basahin ang kasulatan, gaya ng Apocalipsis 21:3, 4.) Ano ang palagay ninyo dito? Nasisiyahan ba kayo dito?’
● ‘Ipinakikipag-usap namin sa aming mga kapitbahay kung saan tayo makakasumpong ng praktikal na tulong sa pagharap sa mga suliranin ng buhay. Noong araw, marami ang sumasangguni sa Bibliya. Pero ngayon ay nagbago na ang mga saloobin. Ano ang palagay ninyo tungkol dito? Naniniwala ba kayo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos o sa palagay ninyo’y isa lamang itong mabuting aklat na isinulat ng tao? . . . Kung ito’y mula sa Diyos, papaano kaya natin ito maseseguro?’ (Tingnan ang mga pahina 60-70, sa ilalim ng paksang “Bibliya.”)
● ‘Mabuti at naabutan ko kayo sa bahay. Gusto kong ibahagi sa aking mga kapitbahay ang isang mainam na punto mula sa Bibliya (o, Banal na Kasulatan). Napag-isip-isip na ba ninyo: . . . ? (Magharap ng tanong na aakay sa inyong paksang pag-uusapan.)’
● ‘Pinasisigla namin ang mga tao na basahin ang kanilang Bibliya. Marami ang natutuwa sa mga sagot na ibinibigay nito sa mahahalagang tanong. Bilang halimbawa: . . . (Awit 104:5; o Dan. 2:44; o iba pa).’
● ‘Gumagawa kami ng maikling pagdalaw sa aming mga kapitbahay sa araw na ito. Ang ibang nakausap namin ay nagtitiwala sa Diyos. Ang iba naman ay hindi naniniwala sa kaniya. Ano naman ang paniwala ninyo? . . . Pinasisigla tayo ng Bibliya na isaalang-alang ang kahulugan ng pisikal na uniberso. (Awit 19:1) Ang Maylikha ng mga batas na nagpapalakad sa makalangit na lalang na ito ay naglalaan din ng mahalagang patnubay para sa atin. (Awit 19:7-9)’ (Tingnan din ang mga pahina 126-133, 291-295, sa ilalim ng mga paksang “Diyos” at “Paglalang.”)
BUHAY/KALIGAYAHAN
● ‘Dumadalaw kami sa aming mga kapitbahay upang hanapin ang mga tao na lubhang nababahala sa kahulugan ng buhay. Marami ang nagtatamasa rin naman ng kaligayahan. Subali’t marami din silang problema. Habang tumatanda tayo, natatalos natin na ang buhay ay napakaikli. Sadyang ganito na lamang ba ang buhay? Ano ang palagay ninyo? . . . (Magkomento tungkol sa orihinal na layunin ng Diyos gaya ng ipinakikita sa Eden; pagkatapos ay ang Juan 17:3 at Apocalipsis 21:3, 4.)’ (Tingnan din ang mga pahina 70-75, sa ilalim ng paksang “Buhay.”)
● ‘Sa araw na ito ay tinatanong namin ang aming mga kapitbahay kung ano ang naiisip nila kapag nababasa nila sa kanilang Bibliya ang pananalitang “buhay na walang-hanggan.” Ito’y lubhang nakawiwili sapagka’t ang mga salitang ito ay lumilitaw sa Bibliya nang mga 40 beses. Ano kaya ang magiging kahulugan ng ganitong buhay para sa atin? . . . Papaano natin ito makakamit? (Juan 17:3 Apoc. 21:4)’
● ‘Nakikipag-usap kami sa mga tao na talagang nababahala tungkol sa kaurian ng buhay sa ngayon. Marami sa atin ang nagagalak sapagka’t tayo ay buháy, pero marami ang nag-iisip, Posible nga kaya ang isang tunay na maligayang buhay? Ano ang palagay ninyo tungkol dito? . . . Ano sa palagay ninyo ang isa sa pinakamalaking hadlang sa pagkakamit ng kaligayahan sa ngayon? . . . (Awit 1:1, 2; karagdagang mga teksto na aangkop sa kalagayan ng maybahay)’
KAHARIAN
● ‘Sa pakikipag-usap ko sa ating mga kapitbahay, natuklasan ko na marami ang gustong mabuhay sa ilalim ng isang pamahalaan na talagang makalulutas sa malalaking problema na napapaharap sa atin ngayon—gaya ng krimen at mataas na halaga ng bilihin (o anomang kasalukuyang iniisip ng marami.) Talagang kanaisnais ito, hindi po ba? . . . Mayroon bang ganitong pamahalaan sa ngayon? . . . Marami ang nananalangin sa pagdating ng isang pamahalaan na talagang makagagawa nito. Walang alinlangan na kayo rin ay nanalangin ukol dito, pero maraming mga tao ang hindi nag-aakala na ito ay isang pamahalaan. (Dan. 2:44; Awit 67:6, 7; Mik. 4:4)’ (Tingnan din ang mga pahina 87-95 at 306-311, sa ilalim ng mga pamagat na “Kaharian” at “Pamahalaan.”)
● ‘Mayroon kaming itinatanong sa aming mga kapitbahay. Gusto rin naming malaman ang komento ninyo rito. Alam ninyo, itinuro sa atin ni Jesus na manalangin ukol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos at na gawin nawa ang kalooban Niya kung papaano sa langit ay gayon din sa lupa. Sa palagay kaya ninyo ang panalanging ito ay sasagutin upang ang kalooban ng Diyos ang siyang mangyari dito sa lupa? . . . (Isa. 55:10, 11; Apoc. 21:3-5)’
● ‘Ipinakikipag-usap ko sa aking mga kapitbahay ang isang suliranin na dapat nating harapin: Gusto ba natin ng isang gobyerno na pinamamahalaan ng Diyos, o mas gusto natin ang pamahalaan ng tao? Sa harap ng mga kalagayan sa daigdig ngayon, naniniwala ba kayo na kailangan natin ang isang bagay na naiiba naman sa nagawa na ng tao? . . . (Mat. 6:9, 10; Awit 146:3-5)’
KASALUKUYANG MGA PANGYAYARI
● ‘Magandang gabi. Ang pangalan ko’y ——. Ako’y taga- (sabihin ang kalye o dako). Napanood ba ninyo ang balita sa TV kagabi? . . . Yaong balita tungkol sa (bumanggit ng kasalukuyang pangyayari na nakababahala)—ano ang palagay ninyo dito? . . . Hindi katakataka na magtanong ang mga tao, Saan na ba papunta ang mundong ito? Bilang mga Saksi ni Jehova naniniwala kami na tayo ay nabubuhay sa panahon na tinatawag sa Bibliya na “mga huling araw.” Pansinin ang detalyadong paglalarawan dito sa 2 Timoteo 3:1-5.’ (Tingnan din ang mga pahina 169-178.)
● ‘Nabasa ba ninyo ito sa pahayagan? (Ipakita ang isang angkop na balita.) Ano ang palagay ninyo . . . ?’
● ‘Gusto ko sana kayong tanungin. Kung papipiliin kayo, alin sa mga problema na napapaharap ngayon sa daigdig ang unang gusto ninyong malunasan? (Pagkatapos malaman kung ano ang pangunahing nakababahala sa maybahay, gamitin ito bilang saligan ng inyong pag-uusap.)’
KRIMEN/KAPANATAGAN
● ‘Kumusta kayo? Nakikipag-usap kami sa mga tao tungkol sa ating personal na kapanatagan. Laganap ang krimen sa ating paligid, at nakakaapekto ito sa ating buhay. Sa palagay kaya ninyo’y darating ang panahon na kayo at ako ay makakalakad sa mga lansangan kung gabi nang walang kinatatakutang panganib? (O, Naniniwala ba kayo na may makapaglalaan ng tunay na solusyon sa problemang ito?) . . . (Kaw. 15:3; Awit 37:10, 11)’
● ‘Ang pangalan ko’y ——. Taga-rito rin ako. Habang papunta ako dito, napansin ko na lahat ay nag-uusap tungkol sa (banggitin ang isang di-pa-natatagalang lokal na pangyayari o krimen). Ano ang palagay ninyo dito? . . . Mayroon ba kayong alam na tutulong upang maging higit na panatag ang ating mga buhay? . . . (Kaw. 1:33; 3:5, 6)’
DIGMAAN/KAPAYAPAAN
● ‘Halos lahat ngayon ay nababahala sa panganib ng nukleyar na digmaan. Sa palagay kaya ninyo’y makakakita pa tayo ng tunay na kapayapaan sa lupang ito? . . . (Awit 46:8, 9; Isa. 9:6, 7)’
● ‘Hinahanap ko ang mga tao na gustong mabuhay sa isang daigdig na walang digmaan. Sa loob lamang ng siglong ito ay nagkaroon na ng daan-daang digmaan, pati na ng dalawang digmaang pandaigdig. Ngayon ay napapaharap tayo sa panganib ng digmaang nukleyar. Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang maiwasan ang ganitong digmaan? . . . Sino kaya ang makapagdadala ng isang mapayapang daigdig? . . . (Mik. 4:2-4)’
● ‘Natuklasan namin na halos lahat ay nagsasabing gusto nila ng kapayapaan sa daigdig. Ganito rin ang sinasabi ng karamihan ng pinuno sa daigdig. Kung gayon, bakit napakahirap itong makamit? . . . (Apoc. 12:7-12)’
HANAPBUHAY/PAGPAPABAHAY
● ‘Nakikipag-usap kami sa inyong mga kapitbahay hinggil sa kung ano ang magagawa upang lahat ay magkaroon ng hanapbuhay at sapat na matitirahan. Makatuwiran bang asahan na ito ay magagawa ng mga pamahalaan ng tao? . . . Subali’t mayroong isa na nakakaalam kung papaano lulutasin ang mga problemang ito, at siya ay ang Maylikha. (Isa. 65:21-23)’
● ‘Gusto naming ibahagi sa aming mga kapitbahay ang hinggil sa mabuting pamahalaan. Maraming tao ang naghahangad ng gobyerno na malaya sa katiwalian, isa na naglalaan ng mabuting hanapbuhay at sapat na tirahan para sa lahat. Sa palagay ninyo anong klase ng gobyerno ang makagagawa nito? . . . (Awit 97:1, 2; Isa. 65:21-23)’ (Tingnan din ang mga pahina 306-311, sa ilalim ng paksang “Pamahalaan.”)
HINAHARAP/KATIWASAYAN
● ‘Magandang umaga po. Kumusta kayo? . . . Gusto naming ibahagi sa aming mga kapitbahay ang isang positibong pangmalas sa hinaharap. Ganito rin po ba ang pangmalas ninyo sa buhay? . . . Mayroon bang mga kalagayan na nagpapahirap sa inyo na gawin ito? . . . Natuklasan ko na ang Bibliya ay may malaking maitutulong sa bagay na ito. Totoong-totoo ang paglalarawan nito sa mga pangyayaring nagaganap sa ating panahon, subali’t ipinaliliwanag din nito ang kahulugan at sinasabi sa atin kung ano ang magiging kalalabasan. (Luc. 21:28, 31)’
● ‘Kumusta ka. Ang pangalan ko’y ——. Puwede ka bang makilala? . . . Pinasisigla namin ang mga kabataang tulad mo na isaalang-alang ang dakilang kinabukasan na inilalaan ng Bibliya sa ating lahat. (Basahin ang kasulatan, gaya ng Apocalipsis 21:3, 4.) Nagagandahan ka ba rito?’
MGA HULING ARAW
● ‘Dumadalaw kami upang pag-usapan ang kahulugan ng nagaganap sa paligid ng daigdig ngayon. Marami ang nawawalan na ng interes sa Diyos at sa kaniyang mga pamantayan na isinasaad sa Bibliya. Malaki ang naging impluwensiya nito sa saloobin ng tao sa kapuwa. Gusto ko sanang ibahagi sa inyo ang paglalarawan na nakaulat sa 2 Timoteo 3:1-5 at sabihin ninyo sa akin kung ito ba ay kumakapit sa kalagayan ng daigdig sa ngayon. (Basahin) . . . May dahilan ba tayo para umasa na bubuti pa ang kalagayan sa hinaharap? (2 Ped. 3:13)’
● ‘Maraming tao ang naniniwala na mabilis nang nauubos ang panahon para sa mundong ito. Sinasabi nila na ito na raw ang “mga huling araw.” Pero alam ba ninyo na sinasabi ng Bibliya kung papaano tayo makaliligtas sa katapusan ng kasalukuyang daigdig at mabuhay sa lupang ito na gagawin muling paraiso? (Zef. 2:2, 3)’ (Tingnan din ang mga pahina 169-178, sa ilalim ng paksang “Mga Huling Araw.”)
Tingnan din ang “Kasalukuyang Mga Pangyayari” sa talaang ito ng mungkahing mga pambungad.
PAG-IBIG/KABAITAN
● ‘Natuklasan namin na marami ang lubhang nababahala dahil sa kawalan ng tunay na pag-ibig sa daigdig ngayon. Ganito rin ba ang inyong nadadama? . . . Bakit kaya ganito ang nagiging takbo ng mga pangyayari? . . . Alam ba ninyo na inihula ng Bibliya ang ganitong kalagayan? (2 Tim. 3:1-4) Ipinaliliwanag din nito kung ano ang sanhi. (1 Juan 4:8)’
● ‘Ako si ——. Isa ako sa mga kapitbahay ninyo. Dumadalaw lamang ako sandali para kausapin kayo tungkol sa isang bagay na lubhang nakababahala sa akin, at natitiyak ko na ito’y napansin din ninyo. Ang kabaitan ay hindi naman mamahaling bagay, pero tila napakadalang na nito sa ngayon. Napag-isip-isip na ba ninyo kung bakit umiiral ang ganitong situwasyon? . . . (Mat. 24:12; 1 Juan 4:8)’
PAGTANDA/KAMATAYAN
● ‘Napag-isip-isip na ba ninyo kung bakit tayo tumatanda at namamatay? May mga pagong na nabubuhay ng daan-daang taon. May mga punong-kahoy na nabubuhay nang libu-libong taon. Pero ang tao ay nabubuhay lamang ng 70 o 80 taon at pagkatapos ay namamatay. Napag-isip-isip na ba ninyo kung bakit? . . . (Roma 5:12) Magbabago pa kaya ang kalagayang ito? . . . (Apoc. 21:3, 4)’
● ‘Nasubukan na ba ninyong itanong sa sarili: Ang kamatayan ba ay siyang wakas ng lahat? O mayroon pang naghihintay pagkatapos ng kamatayan? . . . Sinasagot ng Bibliya ang anomang maaaring maitanong natin tungkol sa kamatayan. (Ecles. 9:5, 10) Ipinakikita rin nito na may tunay na pag-asa ang mga taong may pananampalataya. (Juan 11:25)’ (Tingnan din ang mga pahina 105-111 at 312, sa ilalim ng mga paksang “Kamatayan” at “Pampatibay-loob.”)
PAMILYA/MGA ANAK
● ‘Nakikipag-usap kami sa mga tao na interesadong makaalam kung papaano haharapin ang mga suliranin ng buhay-pamilya. Lahat tayo ay gumagawa ng ating makakaya, subali’t kung mayroon pang makakatulong para lalo tayong maging matagumpay, magiging interesado tayo, hindi po ba? . . . (Col. 3:12, 18-21) Ang Bibliya ay naghaharap ng pag-asa tungkol sa magandang kinabukasan para sa ating mga pamilya. (Apoc. 21:3, 4)’
● ‘Gusto natin na maging maligaya ang buhay ng ating mga anak. Pero sa palagay ninyo makatuwiran kayang asahan ang isang maligayang kinabukasan sa kabila ng magulong kalagayan sa daigdig? . . . Kung gayon, ano kayang klase ng daigdig ang haharapin ng ating mga anak paglaki nila? . . . Ipinakikita ng Bibliya na babaguhin ng Diyos ang lupang ito upang maging isang maligayang dako. (Awit 37:10, 11) Subali’t ang pagtatamasa nito ng mga anak natin ay depende sa pagpili na ating gagawin. (Deut. 30:19)’
PANTAHANANG PAG-AARAL SA BIBLIYA
● ‘Dumadalaw ako para alukan kayo ng walang-bayad na pag-aaral ng Bibliya dito sa inyong tahanan. Kung puwede, gusto ko sanang itanghal sa loob ng ilang minuto kung papaanong ang mga tao sa mahigit na 200 lupain ay nag-aaral ng Bibliya sa kanilang tahanan bilang mga grupo ng pamilya. Puwede nating gamitin ang alinman sa mga paksang ito bilang saligan ng pag-uusap. (Ipakita ang mga nilalaman mula sa aklat-aralin.) Alin ang lalong nakakaakit sa inyo?’
● ‘Ipinakikita namin sa aming mga kapitbahay ang pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya. (Ipakita.) Nakakita na ba kayo ng ganito? . . . Kung mabibigyan ninyo ako ng ilang minuto, gusto ko sanang itanghal kung papaano ito magagamit sa tulong ng inyong sariling kopya ng Bibliya.’
PANG-AAPI/PAGDURUSA
● ‘Napag-isip-isip na ba ninyo: Talaga kayang nababahala ang Diyos sa pang-aapi at pagdurusa na dinadanas ng mga tao? . . . (Ecles. 4:1; Awit 72:12-14)’ (Tingnan din ang mga pangunahing paksang “Pagdurusa” at “Pampatibay-loob.”)
KAPAG MARAMI ANG NAGSASABI: ‘MAYROON NA AKONG SARILING RELIHIYON’
● ‘Magandang umaga po. Dinadalaw namin ang lahat ng pamilya sa blokeng ito (o, sa pook na ito), at natuklasan namin na karamihan sa kanila ay may sarili nang relihiyon. Walang alinlangan na gayon din kayo . . . Subali’t, anoman ang inyong relihiyon, parepareho tayong apektado ng maraming suliranin, gaya ng—mataas na bilihin, krimen, pagkakasakit—hindi po ba totoo ito? . . . Sa palagay ba ninyo ay talagang may tunay na lunas ang mga bagay na ito? . . . (2 Ped. 3:13, atb.)’
KAPAG MARAMI ANG NAGSASABI: ‘AKO’Y ABALA’
● ‘Kumusta kayo. Dinadalaw namin ang lahat ng tao sa pook na ito upang dalhan sila ng mahalagang mensahe. Natitiyak kong kayo ay isang taong abala, kaya hindi po ako magtatagal.’
● ‘Magandang umaga po. Ang pangalan ko’y ——. Ang dahilan ng pagparito ko ay upang ipakipag-usap sa inyo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos at kung papaano natin ito maaaring tamasahin. Subali’t nakikita kong abala kayo (o, papaalis kayo). Puwede ko bang ibahagi sa inyo ang isang maikling punto?’
SA TERITORYONG MADALAS MAGAWA
● ‘Mabuti at nadatnan ko kayo sa bahay. Gumagawa kami ng lingguhang pagdalaw sa inyong pook, at mayroon kaming karagdagang punto na gustong ibahagi sa inyo tungkol sa kagilagilalas na bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan.’
● ‘Kumusta kayo. Nagagalak akong makita kayong muli. . . . Sana ay walang nagkakasakit sa inyong pamilya . . . Dumaan lamang ako sandali para ibahagi sa inyo ang isang punto tungkol sa . . . ’
● ‘Magandang umaga po. Kumusta kayo? . . . Talagang hinihintay ko ang pagkakataong ito para muli kayong makausap. (Pagkatapos ay banggitin ang ispesipikong paksa na gusto ninyong ipakipag-usap.)’