Mga Pagpapala na Nagmumula sa Paggawang Kasama ng Iba
1 Nadarama ba ninyo na mayroong mga pakinabang na tatamasahin sa paggawang kasama ng iba sa ministeryo? Gayon si Jesus. Bagaman ang aanihin ay malaki at kakaunti ang mga manggagawa, kaniyang isinugo ang 70 mga alagad sa larangan “nang dala-dalawa.” Anong kasiya-siyang panahon ang tinamo nilang lahat sa pangangaral “sa bawat lunsod at dako na kung saan siya mismo ay paroroon”!—Luc. 10:1, 17; Mat. 9:37.
2 Nakapagpapasiglang gumawang kasama ng iba. Ang ilan sa atin ay mahiyain at nahihirapang lumapit sa mga di kakilala. Ang pagkakaroon ng kasama ay makapagbibigay sa atin ng pagtitiwalang magsalita ng Salita ng Diyos nang may katapangan. Kapag may kasama tayo, maaaring maging madali para sa atin na gampanan ang ating gawain ayon sa pagkakasanay sa atin. (Kaw. 27:17) Ang pantas na tao ay nagsabi: “Ang dalawa ay maigi kaysa isa.”—Ecles. 4:9.
3 Makabubuting gumawang kasama ng ibang mga mamamahayag at mga payunir. Sa mga naging kasama ni apostol Pablo sa paglilingkod ay kabilang sina Bernabe, Silas, Timoteo, at Juan Marcos, at tinamasa nila ang maraming pagpapala habang magkasamang nangangaral. Yaon ay magkakatotoo rin sa ngayon. Kayo ba ay gumawa na kasama ng isa na matagal na sa katotohanan? Pagkatapos mamasdan ang kaniyang husay sa pagbibigay ng patotoo, marahil ay nakakuha kayo ng ilang mabubuting idea na nakatulong sa inyong pagsulong. Nasamahan na ba ninyo ang mga mamamahayag na baguhan pa lamang? Kung gayon ay maaaring naibahagi ninyo ang inyong natutuhan anupat nakatulong sa kanila upang higit na maging mabisa at makasumpong ng ibayong kagalakan sa kanilang ministeryo.
4 Kayo ba ay nagdaraos sa kasalukuyan ng isang pag-aaral sa Bibliya? Kung gayon, bakit hindi anyayahan ang isa sa mga matatanda o ang tagapangasiwa ng sirkito upang samahan kayo? Kapakipakinabang para sa ating mga estudyante sa Bibliya na makilala ang mga tagapangasiwa. Kung kayo ay nag-aatubiling mangasiwa ng pag-aaral sa harapan ng isang matanda, kaypala’y papayag siyang mangasiwa at kayo ay magmamasid. Pagkatapos, hilingan siya ng mga mungkahi kung papaano ninyo matutulungan ang estudyante na sumulong nang mas mabilis.
5 Maging isang nakapagpapatibay na kasama kapag kayo ay gumagawang kasama ng iba. Maging positibo sa inyong mga komento hinggil sa teritoryo. Huwag kailanman maghatid-dumapit hinggil sa iba o magreklamo hinggil sa mga kaayusan ng kongregasyon. Ingatang ang isipan ay nakatuon sa ministeryo at sa mga pagpapala mula kay Jehova. Kung gagawin ninyo ito, kapuwa kayo at ang inyong mga kasama ay uuwi na taglay ang kaginhawahan sa espirituwal.
6 Marahil ang inyong kalagayan ay nagpapahirap sa inyo na gumawang kasama ng iba nang palagian. Gayunpaman, kung magagawa ninyo, bakit hindi subuking maglaan ng panahon upang gumawang kasama ng ibang mamamahayag? Kayo ay kapuwa pagpapalain!—Roma 1:11, 12.