Sino ang Makikinig sa Ating Mensahe?
1 Higit kailanman sa kasaysayan ng sangkatauhan, ang mga tao ngayon ay binabaha ng impormasyon, na ang karamihan ay di mahalaga at nakalilito pa nga. Bilang resulta, marami ang sawa na rito anupat mahirap para sa kanila na makinig sa mensahe ng Kaharian. Hindi nila napahahalagahan kung ano ang magiging positibong epekto sa kanila ng pakikinig sa Salita ng Diyos.—Luc. 11:28.
2 Ikinagagalak natin na sa maraming bahagi ng daigdig, sampu-sampung libong tao ang nakikinig sa mensaheng iyon at tumatanggap sa ating alok na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Gayunpaman, sa ibang mga teritoryo, ang pagtugon ay kaunti lamang. Marami sa mga pagdalaw na ating isinasagawa sa ministeryo ay walang positibong mga resulta, at marahil ay nag-iisip tayo kung sino ang makikinig sa ating mensahe.
3 Dapat tayong magbantay laban sa pagkasira ng loob. Ipinaliwanag ni Pablo: “ ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya . . . na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? . . . ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ” (Roma 10:13-15) Kapag tayo ay masikap na naghahasik ng binhi ng Kaharian, patutubuin ito ng Diyos sa mga tapat-puso.—1 Cor. 3:6.
4 Ang Susi ay ang Gumawa ng mga Pagdalaw-muli: Sa mga teritoryo na iilan lamang tao ang nakikinig sa ating mensahe, kailangan nating linangin ang anumang interes na ating masumpungan, napaglagyan man natin ng literatura o hindi. Bakit iisipin kaagad na walang mangyayari? Kapag tayo ay naghasik ng binhi, hindi natin nalalaman kung saan ito tutubo. (Ecles. 11:6) Kapag tayo’y bumalik na handang ibahagi ang ilang punto mula sa Kasulatan, kahit na maikli lamang, maaari nating maabot ang puso ng tao. Maaari tayong makapag-iwan ng isang tract o mag-alok ng bagong mga magasin. Sa dakong huli, maaari nating maitanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang ating mga pagsisikap ay pagpapalain ni Jehova.—Awit 126:5, 6.
5 Isang tract ang naiwan sa isang babae na nagpamalas ng kaunting interes. Hindi na siya muling nasumpungan sa bahay kundi pagkaraan ng dalawang buwan, sa panahong siya’y masyadong abala para makipag-usap. Ang gayunding tract ay muling iniwan sa kaniya. Sa kabila ng matiyagang pagsisikap ng mamamahayag, tatlong buwan pa ang lumipas bago siya muling nasumpungan, na noo’y maysakit siya. Ang kapatid na babae ay muling dumalaw nang sumunod na linggo, at kanilang napag-usapan ang tract sa maikli. Noong ang kapatid ay bumalik nang sumunod na linggo, ang babae ay nagpahayag ng tunay na interes. Isang pagbabago sa kalagayan niya sa buhay ang nagpangyaring maging palaisip siya sa kaniyang espirituwal na pangangailangan. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at pagkaraan ay ipinagpatuloy iyon nang linggu-linggo.
6 Gaya ng anumang bagay na nais nating makitang lumago, maging mga bulaklak, mga gulay, o interes sa mensahe ng Kaharian, ang paglilinang ay kailangan. Ito’y nangangailangan ng panahon, pagpupunyagi, may pagmamalasakit na saloobin, at determinasyong huwag maglubay. Kapag patuloy tayo sa pangangaral, makatitiyak tayong marami pa ang masusumpungan na makikinig sa ating mensahe.—Ihambing ang Galacia 6:9.