“Patibayin ang Inyong Sambahayan”
1 Walang alinlangan, ang buhay pampamilya ay gumuguho sa lahat ng panig ng lupa. Ang sanlibutan ni Satanas ay nagugumon sa panlilinlang at imoralidad. (1 Juan 5:19) Ito’y nagdiriin ng pagkaapurahan upang ating ‘patibayin ang ating sambahayan’ at turuan ang iba kung paano nila magagawa ang gayon sa kanilang ganang sarili.—Kaw. 24:3, 27.
2 Ang mga Simulain ng Bibliya ay Pananggalang: Ang lihim ng tunay na kaligayahan sa pamilya ay masusumpungan sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Ang mga katotohanang ito ay mapapakinabangan ng bawat miyembro ng sambahayan. Ang pamilya na nagkakapit ng mga ito ay magtatamasa ng maka-Diyos na kapayapaan at kaligayahan.—Ihambing ang Isaias 32:17, 18.
3 Ang mga simulain na makatutulong sa atin upang mapatibay ang ating sambahayan ay binalangkas sa bagong aklat, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Sa katapusan ng bawat kabanata ay may kahon sa pagtuturo na nagdiriin sa mga simulain na kailangang tandaan ng mga miyembro ng pamilya. Ang karamihan sa mga kahong ito ay nagsisimula sa katanungang, “Papaano makatutulong ang mga simulaing ito ng Bibliya . . . ?” Ito’y makatutulong sa atin upang mapagtuunan ang kaisipan ng Diyos hinggil sa paksang pinag-uusapan.—Isa. 48:17.
4 Maging pamilyar sa aklat. Pag-aralang hanapin ang mga simulain na makatutulong kapag lumilitaw ang iba’t ibang suliranin. Ang aklat ay tumatalakay sa mga bagay gaya ng: ano ang dapat hanapin sa isang mapapangasawa (kabanata 2), anong mahahalagang susi ang nagbubukas sa pintuan tungo sa namamalaging kaligayahan sa pag-aasawa (kabanata 3), paano mapalalaki ng mga magulang ang kanilang mga tin-edyer upang maging responsableng mga adulto (kabanata 6), paano ipagsasanggalang ang pamilya mula sa mga mapaminsalang impluwensiya (kabanata 8), mga simulaing makatutulong sa mga pamilya ng nagsosolong magulang (kabanata 9), espirituwal na tulong sa mga pamilyang pinipinsala ng alkoholismo at karahasan (kabanata 12), ano ang gagawin kapag malapit nang mapatid ang tali ng pag-aasawa (kabanata 13), ano ang magagawa upang parangalan ang matatanda nang magulang (kabanata 15), at kung paano titiyakin ang isang namamalaging kinabukasan para sa pamilya ng isa (kabanata 16).
5 Lubusang Gamitin ang Bagong Aklat: Kung hindi pa ninyo nagagawa ito, bakit hindi pag-aralang magkakasama ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya bilang isang pamilya? Gayundin, kapag ang inyong pamilya ay napapaharap sa bagong mga suliranin o mga hamon, repasuhin ang mga kabanata sa aklat na tumatalakay sa mga ito, at may pananalanging isaalang-alang kung paano ikakapit ang payo. Bukod dito, sa Marso, mag-iskedyul ng higit pang panahon sa ministeryo sa larangan upang magsakamay ng Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya sa mas maraming tao hangga’t maaari.
6 Ang mga pamilya na nagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon ay nagiging malakas sa espirituwal at nabubuklod at nakahandang mabuti upang makayanan ang mga pagsalakay ni Satanas. (1 Tim. 4:7, 8; 1 Ped. 5:8, 9) Kay laking pasasalamat natin na mayroon tayong banal na tagubilin mula sa Tagapagpasimula ng pamilya!