Mga Magulang—Magbigay ng Mabuting Halimbawa sa Inyong mga Anak
1 Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “ang ama [at ang ina] ng matuwid ay walang-pagsalang magagalak.” (Kaw. 23:24, 25) Tunay na isang pagpapala para sa mga magulang na nagbigay ng mabuting halimbawa sa kanilang mga anak! Isang miyembro ng Komite ng Sangay ang nagsabi hinggil sa kaniyang mga magulang: “Ang katotohanan ang siyang naging buong buhay nila, at nais ko ring gawin iyon na buong buhay ko.” Ano ang dapat makita ng mga anak sa kanilang mga magulang?
2 Mabuting Asal at Taimtim na Paggalang: Pananagutan ng mga magulang na ikintal ang mabubuting katangian sa kanilang mga anak. Ang mabuting asal ay natututuhan, hindi lamang sa pamamagitan ng bibigang pagtuturo, kundi sa pamamagitan ng pagmamasid at pagtulad. Kaya, anong asal ang inyong ipinakikita? Naririnig ba ng inyong mga anak na kayo’y nagsasabi ng “ipagpaumanhin ninyo,” “pakisuyo,” at “salamat po”? Sa pamilya, pinakikitunguhan ba ninyo ang isa’t isa nang may taimtim na paggalang? Nakikinig ba kayo kapag nagsasalita ang iba? Kayo ba’y nakikinig kapag nakikipag-usap sa inyo ang inyong mga anak? Ang mabubuting katangian bang ito ay naipamamalas kapuwa sa Kingdom Hall at sa inyong tahanan?
3 Malakas na Espirituwalidad at Masigasig na Paggawa: Ganito ang naalaala ng isang kapatid na gumugol ng mahigit sa 50 taon sa buong-panahong paglilingkod: “Napakahusay ang halimbawa ng aking ina at ama sa kanilang pagpapahalaga sa mga pulong at sa kanilang sigasig sa ministeryo.” Paano ninyo ipinakikita sa inyong mga anak na kayo ay nababahala na mapanatili ang espirituwalidad niyaong nasa loob ng inyong sambahayan? Sama-sama ba ninyong isinasaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto? Mayroon ba kayong regular na pampamilyang pag-aaral? Nakikita ba ng inyong mga anak na kayo’y nagbabasa ng Bibliya at ng mga publikasyon ng Samahan? Ano ang kanilang naririnig kapag kayo ay nananalangin para sa pamilya? Nakikipag-usap ba kayo sa inyong mga anak sa paraang nakapagpapatibay sa espirituwal, na tinatalakay ang mabubuting bagay hinggil sa katotohanan at sa kongregasyon? Kayo ba’y nananabik na dumalo sa lahat ng pulong at makibahagi sa ministeryo sa larangan bilang isang pamilya?
4 Mga magulang, pag-isipan ang halimbawa na inyong ibinibigay sa inyong mga anak. Gawin itong napakabuti, at iyo’y kanilang lubos na pahahalagahan sa buong buhay nila. Isang asawa ng naglalakbay na tagapangasiwa, na ngayo’y mahigit nang 70 taon, ang nagsabi: “Hanggang ngayo’y nakikinabang ako sa mabuting halimbawa ng aking maibiging mga magulang na Kristiyano. At marubdob kong idinadalangin na sana’y mapatunayan kong lubos ang aking pagpapahalaga sa pamanang ito sa pamamagitan ng wastong paggamit nito sa lahat ng panahon.”