Kung Paano Magtatamo Nang Higit na Kagalakan Mula sa mga Pulong
1 Ang mga pulong ay mahalaga sa ating espirituwal na kapakanan. Ang kagalakang natatamo natin mula sa mga ito ay may tuwirang kaugnayan sa ginagawa natin bago, sa panahon, at pagkatapos ng mga pulong. Paano natin matutulungan ang ating sarili at ang iba pa na mapanatili sa mataas na antas ang kagalakan sa pagdalo sa mga pulong?
2 Bago ang mga Pulong: Ang paghahanda ay may tuwirang epekto sa kasiyahang nakukuha natin sa mga pulong. Kapag tayo ay handang-handa, mas nakahilig tayong magbigay-pansin at makibahagi. Karagdagan pa, anumang atas sa pulong na ating tinatanggap ay dapat na ihandang mabuti, taglay ang tunguhing maitawid ang impormasyon nang tumpak alinsunod sa mga tagubilin at mapanatili ang interes ng tagapakinig. Dapat tayong mag-ensayong mabuti. Kapag tayo’y nakaaabuloy para sa masigla at nakapagpapatibay na mga pulong na napakikinabangan ng lahat, ang ating personal na pagsulong ay nagiging hayag at tayo’y nagkakaroon ng mas malaking kagalakan.—1 Tim. 4:15, 16.
3 Sa Panahon ng mga Pulong: Ang pagkokomento sa mga pulong ay maaaring makatulong sa atin na magtamasa nang higit na kasiyahan sa mga ito. Ang mga bahagi na humihiling ng pakikibahagi ng tagapakinig ay dapat na malasin ng lahat sa kongregasyon bilang personal na mga atas. Ang mga komentong maikli at deretso sa punto ay kadalasang siyang pinakamabisa. Ang maikling pagsasalaysay ng mga nakapagpapatibay na karanasan ay nakapagpapasigla at nakapagpapalakas, at dapat tayong maging alisto na ilakip ang mga ito kailanma’t naaangkop sa programa. (Kaw. 15:23; Gawa 15:3) Kapag naghaharap ng bahagi sa pulong, dapat tayong magsalita nang may sigla at pananalig, na ginagawa itong kapana-panabik, makatotohanan, at praktikal.
4 Pagkatapos ng mga Pulong: Ang pakikipag-usap sa iba nang may kabaitan, palakaibigang pagbati, at pagbabahagi sa iba ng ilang susing punto na tinalakay sa mga pulong ay magiging kapaki-pakinabang sa ating lahat. Ang pagpapahayag ng ating kagalakan na makita ang mga kabataan, may edad, at mga baguhan na nakikibahagi ay nagpapalaki ng ating pag-ibig sa kapatiran. Sa halip na punahin ang ibang hindi nakadadalo sa mga pulong, dapat nating ibahagi sa kanila ang ating kagalakan sa pagdalo, sa gayo’y napasisigla sila na dumalo.—Heb. 10:24, 25.
5 Huwag nating pagkaitan ang ating sarili ng mahalagang paglalaang ito na magpalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12) Sa pamamagitan ng taimtim na pag-uukol ng lahat ng marubdob na pagsisikap, mapananatili nating lahat ang kagalakan sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.