Hindi Ba’t Narinig Na Natin Iyan Noon?
1 Oo naman! Inuulit-ulit ni Jehova ang maraming bagay sa kaniyang Salita para sa kapakinabangan ng kaniyang bayan. Madalas ulitin ni Jesus ang kaniyang mga turo tungkol sa iba’t ibang aspekto ng Kaharian. Patuloy na nirepaso ng kaniyang mga apostol ang espirituwal na mga bagay doon sa mga may matatag na pundasyon sa katotohanan.—Roma 15:15; 2 Ped. 1:12, 13; 3:1, 2.
2 Sa ating panahon ay nagsaayos ang organisasyon ni Jehova ng paulit-ulit na pagrerepaso sa mahahalagang paksa sa mga pulong ng kongregasyon. Ang ilang publikasyon ay paulit-ulit na pinag-aaralan. Oo, mahalaga na marinig natin ang mga bagay na narinig na natin noon!
3 Pinupunan ng Pag-uulit ang Isang Mahalagang Pangangailangan: Pinalalalim ng mga paalaala ni Jehova ang ating unawa, pinalalawak ang ating pangmalas, at pinatitibay ang ating determinasyon na manatili sa tamang landasin sa espirituwal. (Awit 119:129) Ang pagrerepaso sa mga pamantayan at simulain ng Diyos ay parang pagtingin sa isang salamin. Tinutulungan tayo nitong siyasatin ang ating sarili at hadlangan ang hilig na maging “isang tagapakinig na malilimutin.”—Sant. 1:22-25.
4 Kung hindi natin patuloy na paaalalahanan ang ating sarili tungkol sa katotohanan, maiimpluwensiyahan ng ibang bagay ang ating puso. Ang mga paalaala ng Diyos ang nagpapatibay sa atin upang labanan ang nakasasamang impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas. (Awit 119:2, 3, 99, 133; Fil. 3:1) Ang regular na mga paalaala na tinatanggap natin tungkol sa katuparan ng mga layunin ng Diyos ang nag-uudyok sa atin na ‘manatiling mapagbantay.’ (Mar. 13:32-37) Ang pag-uulit sa mga katotohanan sa Kasulatan ay tumutulong sa atin na manatili sa daang patungo sa buhay na walang hanggan.—Awit 119:144.
5 Kung Paano Personal na Makikinabang: Kailangan nating ‘ikiling ang ating puso sa mga paalaala ng Diyos.’ (Aw. 119:36) Kapag isasaalang-alang ang isang pamilyar na paksa sa pulong ng kongregasyon, kailangang maghanda tayo nang patiuna, tingnan ang mga binanggit na mga kasulatan, at bulay-bulayin kung paano natin maikakapit ang impormasyon. Huwag nawa nating laktawan ang nasusulat na repaso sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, anupat iniisip na hindi na ito kailangan. (Luc. 8:18) Hindi natin nais kailanman na maging di-nakikinig dahilan sa ang saligang mga katotohanan ay madalas na inuulit sa ating mga pagpupulong.—Heb. 5:11.
6 Nawa’y tularan natin ang saloobin ng salmista: “Sa daan ng iyong mga paalaala ay nagbunyi ako, na gaya ng sa lahat ng iba pang mahahalagang pag-aari.” (Awit 119:14) Oo, narinig na natin noon ang mahahalagang bagay na ito, at malamang na maririnig pa nating muli. Bakit? Sapagkat alam ni Jehova na kailangan nating marinig ang mga ito!