Gawin Mong Iyong Diyos si Jehova
NOONG panahon ng Bibliya, may mga indibiduwal na nagtamasa ng gayong malapít na kaugnayan kay Jehova anupat binabanggit siya bilang kanilang Diyos. Halimbawa, sa Kasulatan, si Jehova ay inilalarawan bilang “ang Diyos ni Abraham,” “Diyos ni David,” at “Diyos ni Elias.”—Genesis 31:42; 2 Hari 2:14; 20:5.
Paano nagkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos ang mga lalaking ito? Ano ang matututuhan natin sa kanila upang tayo rin naman ay magkaroon at makapagpanatili ng isang matibay at personal na kaugnayan sa Maylalang?
“Nanampalataya kay Jehova” si Abraham
Si Abraham ang unang tao na sinasabi sa Bibliya na nanampalataya kay Jehova. Ang pananampalataya ang pangunahing katangian ni Abraham kaya nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa katunayan, gayon na lamang ang pagsang-ayon ni Jehova kay Abraham anupat nang maglaon ay ipinakilala ng Maylalang ang kaniyang sarili kay Moises bilang “ang Diyos ni Abraham” at ng kaniyang anak at apo, si Isaac at si Jacob.—Genesis 15:6; Exodo 3:6.
Paano nagkaroon si Abraham ng ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos? Una sa lahat, itinayo ni Abraham ang kaniyang pananampalataya sa isang matibay na pundasyon. Maaaring naturuan siya sa mga daan ni Jehova ng anak ni Noe na si Sem, isa sa mga nakasaksi sa mga gawang pagliligtas ng Diyos. Nasaksihan ni Sem na “iningatang ligtas [ni Jehova] si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 2:5) Maaaring natutuhan ni Abraham kay Sem na kapag nangako si Jehova ng isang bagay, tiyak ang katuparan nito. Kaya, nang tumanggap mismo si Abraham ng pangako mula sa Diyos, nagsaya siya at iniayon ang kaniyang pamumuhay sa tiyak na kaalaman na matutupad ang pangakong iyon.
Palibhasa’y may matibay na pundasyon, ang pananampalataya ni Abraham ay higit pang napatibay ng kaniyang mga gawa. Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin siya, ay sumunod nang lumabas patungo sa isang dako na itinalagang tanggapin niya bilang mana; at umalis siya, bagaman hindi nalalaman kung saan siya paroroon.” (Hebreo 11:8) Lalong tumibay ang pananampalataya ni Abraham dahil sa pagsunod na iyon, anupat may kinalaman dito ay sumulat ang alagad na si Santiago: “Nakikita mo na ang kaniyang pananampalataya ay gumawang kasama ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ay napasakdal ang kaniyang pananampalataya.”—Santiago 2:22.
Karagdagan pa, pinahintulutan ni Jehova na masubok ang pananampalataya ni Abraham, anupat ginagawa itong mas malakas. Sinabi pa ni Pablo: “Sa pananampalataya si Abraham, nang subukin siya, ay para na ring inihandog si Isaac.” Dinadalisay at pinalalakas ng pagsubok ang pananampalataya, anupat ginagawa itong “mas malaki ang halaga kaysa sa ginto.”—Hebreo 11:17; 1 Pedro 1:7.
Bagaman hindi nakita ni Abraham ang katuparan ng lahat ng ipinangako ng Diyos, nagkaroon siya ng kagalakan na makita ang iba pa na sumusunod sa kaniyang halimbawa. Ang kaniyang asawang si Sara at ang tatlo pang miyembro ng kaniyang pamilya—sina Isaac, Jacob, at Jose—ay pinapurihan din sa Bibliya dahil sa kanilang namumukod-tanging pananampalataya.—Hebreo 11:11, 20-22.
Pananampalatayang Tulad ng kay Abraham sa Ngayon
Mahalaga ang pananampalataya sa sinumang nagnanais na gawing kaniyang Diyos si Jehova. “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya [ang Diyos] nang lubos,” ang sulat ni Pablo. (Hebreo 11:6) Paano magkakaroon ng matibay na pananampalatayang tulad ng kay Abraham ang isang lingkod ng Diyos sa ngayon?
Katulad ng kay Abraham, dapat nating itayo ang ating pananampalataya sa matibay na pundasyon. Pinakamabuting magagawa ito sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. Makatitiyak tayo na magkakatotoo ang mga pangako ng Diyos kung babasahin natin ang Bibliya at bubulay-bulayin ang ating nabasa. Sa gayo’y uudyukan tayo nito na baguhin ang ating paraan ng pamumuhay salig sa mapananaligang pag-asang iyon. Lalo pang napatitibay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod, na kalakip dito ang pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo at pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.
Tiyak na masusubok ang ating pananampalataya, marahil sa pamamagitan ng pagsalansang, malubhang karamdaman, kamatayan ng isang minamahal, o iba pa. Ang pananatiling matapat kay Jehova sa ilalim ng pagsubok ay nagpapalakas sa ating pananampalataya, anupat ginagawa itong mas malaki ang halaga kaysa sa ginto. Makita man natin ang katuparan ng lahat ng mga pangako ng Diyos o hindi, ang ating pananampalataya ay mas maglalapít sa atin kay Jehova. Karagdagan pa, ang ating halimbawa ay magpapatibay sa iba na tularan ang ating pananampalataya. (Hebreo 13:7) Ito ang naging kalagayan ni Ralph, na minasdan at tinularan ang pananampalataya ng kaniyang mga magulang. Ganito ang paliwanag niya:
“Noong nakatira pa ako sa amin, hinihimok ng aking mga magulang ang buong pamilya na maagang gumising upang sama-sama naming mabasa ang Bibliya. Ganiyan namin nabasa ang buong Bibliya.” Binabasa pa rin ni Ralph ang Bibliya tuwing umaga, at ito ang nagbibigay sa kaniya ng mainam na pasimula sa bawat araw. Sumasama noon si Ralph sa kaniyang tatay linggu-linggo sa pangmadlang ministeryo. “Diyan ako natutong gumawa ng mga pagdalaw-muli at magdaos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.” Si Ralph ngayon ay naglilingkod bilang isang boluntaryo sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Europa. Kay-inam ngang gantimpala para sa pananampalataya ng kaniyang mga magulang!
Isang Lalaking Kalugud-lugod sa Puso ni Jehova
Si David, isinilang mga 900 taon pagkatapos ni Abraham, ay isang natatanging indibiduwal sa mga lingkod ni Jehova na binanggit sa Kasulatan. May kinalaman sa pagpili ni Jehova kay David bilang hari sa hinaharap, sinabi ni propeta Samuel: “Tiyak na hahanap si Jehova para sa kaniya ng isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso.” Napakalapit ng kaugnayan ni Jehova at ni David anupat binanggit ni propeta Isaias kay Haring Hezekias nang maglaon ang hinggil kay “Jehova na Diyos ni David na iyong ninuno.”—1 Samuel 13:14; 2 Hari 20:5; Isaias 38:5.
Bagaman si David ay kalugud-lugod sa puso ni Jehova, may mga pagkakataon na hinayaan niyang madaig siya ng kaniyang mga pagnanasa. Tatlong beses siyang nakagawa ng malubhang pagkakamali: Pumayag siyang ilipat ang kaban ng tipan sa Jerusalem sa maling paraan; nangalunya siya kay Bat-sheba at ipinapatay ang asawa nito, si Uria; at nagsagawa siya ng sensus ng bayan ng Israel at Juda na hindi naman ipinag-utos ni Jehova. Sa bawat pagkakataong ito, nilabag ni David ang Kautusan ng Diyos.—2 Samuel 6:2-10; 11:2-27; 24:1-9.
Subalit nang ipamukha kay David ang kaniyang mga kasalanan, inamin niya ang mga ito at hindi niya isinisi sa iba. Inamin niyang hindi wastong naisaayos ang paglilipat ng Kaban, at sinabi rin niyang ‘hindi natin hinanap si Jehova ayon sa kaugalian.’ Nang ilantad ni Natan na propeta ang pangangalunya ni David, tumugon si David sa pagsasabi: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” At nang matanto ni David ang kamangmangan ng pagbilang sa bayan, inamin niya: “Ako ay nagkasala nang malubha sa ginawa ko.” Nagsisi si David sa kaniyang mga kasalanan at nanatiling malapít kay Jehova.—1 Cronica 15:13; 2 Samuel 12:13; 24:10.
Kapag Nagkamali Tayo
Sa ating mga pagsisikap na gawing ating Diyos si Jehova, nakapagpapatibay-loob ang halimbawa ni David. Kung ang isang lalaking kalugud-lugod sa puso ni Jehova ay nakagagawa ng gayong malulubhang kasalanan, hindi tayo dapat masiraan ng loob kung, sa kabila ng lahat ng ating pagsisikap, nagkakamali pa rin tayo kung minsan o nakagagawa ng malulubhang pagkakamali. (Eclesiastes 7:20) Maaari tayong magkaroon ng kaaliwan mula sa bagay na nang magsisi si David, pinatawad ang kaniyang mga kasalanan. Iyan ang nangyari kay Uwea mga ilang taon na ang nakalilipas.
Si Uwe ay naglilingkod bilang isang elder sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Minsan, nagpadaig siya sa maling mga pagnanasa at nangalunya. Sa pasimula, tulad ni Haring David, sinikap ni Uwe na ilihim ito, anupat umaasang hindi papansinin ni Jehova ang kaniyang pagkakasala. Nang maglaon, labis na binagabag si Uwe ng kaniyang budhi kung kaya ipinagtapat niya ito sa isang kapuwa elder at pagkatapos ay tinulungan si Uwe na makabawi mula sa kaniyang espirituwal na kasakunaan.
Pinagsisihan ni Uwe ang kaniyang mga kasalanan at nanatiling malapít kay Jehova at sa kongregasyon. Gayon na lamang ang pagtanaw niya ng utang na loob sa tinanggap niyang tulong anupat pagkalipas ng ilang linggo, sumulat siya sa mga elder na nagpapahayag ng kaniyang taimtim at taos-pusong pasasalamat sa kanilang tulong. “Tinulungan ninyo ako na maalis ang kadustaan sa pangalan ni Jehova,” ang sulat niya. Napanatili ni Uwe ang kaniyang kaugnayan kay Jehova at nang maglaon, muli siyang nahirang bilang isang lingkod sa kongregasyon ding iyon.
“Isang Taong May Damdaming Tulad ng sa Atin”
Si Elias, na nabuhay noong dantaon pagkatapos ni David, ay isa sa pangunahing mga propeta sa Israel. Itinaguyod ni Elias ang tunay na pagsamba noong panahong laganap ang katiwalian at imoralidad, at hindi siya kailanman nag-urong-sulong sa kaniyang debosyon kay Jehova. Hindi nga kataka-taka na minsa’y tinawag ng kahalili niyang si Eliseo si Jehova na “Diyos ni Elias”!—2 Hari 2:14.
Gayunpaman, hindi nakahihigit sa tao si Elias. Sumulat si Santiago: “Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Halimbawa, dahil sa masaklap na pagkatalong idinulot niya sa mga mananamba ni Baal sa Israel, pinagbantaan siyang papatayin ni Reyna Jezebel. Ano ang naging reaksiyon niya? Natakot siya at tumakas tungo sa ilang. Doon, habang nakaupo sa ilalim ng isang punong retama, nanaghoy si Elias: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa, sapagkat hindi ako mabuti kaysa sa aking mga ninuno.” Ayaw na ni Elias na maging propeta kundi sa halip, gusto na niyang mamatay.—1 Hari 19:4.
Gayunman, inunawa ni Jehova ang damdamin ni Elias. Pinalakas siya ng Diyos, anupat tinitiyak kay Elias na hindi siya nag-iisa, yamang may mga iba pa na matapat din sa tunay na pagsamba. Bukod diyan, nagtiwala pa rin si Jehova kay Elias at may gawain pang ipinagawa sa kaniya.—1 Hari 19:5-18.
Ang pagkabalisa ni Elias ay hindi tanda na naiwala na niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagkalipas ng mga 1,000 taon, nang magbagong-anyo si Kristo Jesus sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan, sino ang pinili ni Jehova na lumitaw sa pangitain kasama ni Jesus? Sina Moises at Elias. (Mateo 17:1-9) Maliwanag, itinuring ni Jehova si Elias bilang isang huwarang propeta. Bagaman si Elias ay isa lamang “taong may damdaming tulad ng sa atin,” pinahalagahan ng Diyos ang kaniyang pagpapagal sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba at pagpapabanal sa Kaniyang pangalan.
Ang Ating Emosyonal na Pakikipagbaka
Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay maaaring makadama kung minsan ng pagkasira ng loob o pagkabahala. Kaylaking kaaliwang malaman na naranasan din ni Elias ang gayong damdamin! At tiyak nga na kung paanong naunawaan ni Jehova ang damdamin ni Elias, nauunawaan din Niya ang ating emosyonal na pakikipagbaka.—Awit 103:14.
Sa kabilang dako naman, iniibig natin ang Diyos at ang ating kapuwa at nais nating gawin ang gawain ni Jehova na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Sa kabilang dako naman, maaaring nasisiraan tayo ng loob dahil sa hindi pagtugon sa ating pangangaral o nababahala pa nga sa mga banta ng mga kaaway ng tunay na pagsamba. Gayunman, kung paanong sinangkapan ni Jehova si Elias upang magpatuloy, sinasangkapan din Niya ang kaniyang mga lingkod sa ngayon. Kuning halimbawa ang kalagayan nina Herbert at Gertrud.
Sina Herbert at Gertrud ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova sa Leipzig, sa dating German Democratic Republic, noong 1952. Mahirap ang buhay noon para sa mga lingkod ng Diyos, yamang ipinagbabawal ang kanilang pangmadlang ministeryo. Ano ang nadama ni Herbert hinggil sa pangangaral sa bahay-bahay?
“Takot na takot kami kung minsan. Kapag nagbabahay-bahay kami, hindi namin alam kung bigla na lamang darating ang mga awtoridad at darakpin kami.” Ano ang nakatulong kay Herbert at sa iba pa na madaig ang kanilang takot? “Nagsagawa kami ng maraming personal na pag-aaral sa Bibliya. At binigyan kami ni Jehova ng lakas upang ipagpatuloy namin ang gawaing pangangaral.” Sa kaniyang pangmadlang ministeryo, maraming karanasan si Herbert na nagpatibay—nagpasaya pa nga—sa kaniya.
Nakilala ni Herbert ang isang babaing nasa katamtamang-gulang na nagpakita ng interes sa Bibliya. Nang dumalaw-muli si Herbert sa kaniya pagkaraan ng ilang araw, isang binata ang naroroon at nakikinig sa usapan. Pagkaraan ng ilang minuto, may nakita si Herbert na ipinanginig niya. Nasa ibabaw ng silya sa sulok ng silid ang sombrero ng isang opisyal ng pulis. Sombrero iyon ng binata, na maliwanag na isang pulis na determinadong dakpin si Herbert.
“Isa ka sa mga Saksi ni Jehova!” ang bulalas ng binata. “Tingnan ko nga ang ID mo.” Ibinigay ni Herbert ang kaniyang ID. Saka nangyari ang di-inaasahan. Tinitigan ng babae ang pulis at binalaan ito: “Kapag may nangyari sa lalaking ito ng Diyos, hindi ka na makatutuntong pa sa bahay na ito.”
Napahinto sandali ang binata, ibinalik ang ID kay Herbert, at hinayaan itong makaalis. Nalaman ni Herbert nang dakong huli na nanliligaw pala ang pulis na iyon sa anak ng babae. Maliwanag, naisip niyang mas makabubuti sa kaniya na ituloy ang panliligaw sa dalaga kaysa dakpin si Herbert.
Gawin Nating Ating Diyos si Jehova
Ano ang matututuhan natin sa mga pangyayaring ito? Tulad ni Abraham, dapat tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. Tulad ni David, dapat tayong lumapit kay Jehova taglay ang tunay na pagsisisi kailanma’t nagkamali tayo. At katulad ni Elias, kailangan tayong umasa kay Jehova para sa lakas sa panahon ng kabalisahan. Sa gayon, magagawa nating ating Diyos si Jehova ngayon at magpakailanman, yamang siya ay “isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.”—1 Timoteo 4:10.
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 25]
Lalong tumibay ang pananampalataya ni Abraham dahil sa pagsunod
[Larawan sa pahina 26]
Tulad ni David, dapat tayong magsisi kapag nagkasala tayo
[Larawan sa pahina 28]
Kung paanong naunawaan ni Jehova ang damdamin ni Elias, nauunawaan din niya ang ating damdamin