Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
ABRIL 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CORINTO 7-9
“Pagiging Walang Asawa—Isang Kaloob”
(1 Corinto 7:32) Talagang gusto kong maging malaya kayo sa mga álalahanín. Laging iniisip ng lalaking walang asawa ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon, kung paano siya magiging kalugod-lugod sa Panginoon.
Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa
3 Ang isa na walang asawa ay kadalasan nang mas maraming panahon at mas malaya kaysa sa may asawa. (1 Cor. 7:32-35) Magagamit niya ang gayong mga bentaha para mapalawak ang kaniyang ministeryo at ang pag-ibig niya sa iba, at para maging mas malapít kay Jehova. Kaya naman marami ang nasisiyahan sa pagiging walang asawa at nagpapasiyang “maglaan ng dako para rito,” kahit pansamantala lang. Ang iba ay maaaring wala namang planong manatiling walang asawa, pero nang magbago ang sitwasyon nila, pinagtimbang-timbang nila ito nang may pananalangin at nakitang sa tulong ni Jehova, maaari din silang makontento sa kanilang kalagayan. Kaya nagpasiya silang paglaanan ng dako ang pagiging walang asawa.—1 Cor. 7:37, 38.
(1 Corinto 7:33, 34) Pero laging iniisip ng lalaking may asawa ang mga bagay sa sanlibutan, kung paano niya mapasasaya ang asawa niya, 34 kaya hati ang isip niya. Lagi ring iniisip ng babaeng walang asawa at ng birhen ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon, para maging banal ang katawan at isip nila. Pero laging iniisip ng babaeng may asawa ang mga bagay sa sanlibutan, kung paano niya mapasasaya ang asawa niya.
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Corinto
7:33, 34—Ano ang kahulugan ng “mga bagay ng sanlibutan” na ikinababalisa ng mga may asawa? Tinutukoy ni Pablo ang mga pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay na kailangang asikasuhin ng mga Kristiyanong may asawa. Kasama na rito ang pagkain, damit, at bahay, pero hindi kasali ang masasamang bagay ng sanlibutang ito na iniiwasan ng mga Kristiyano.—1 Juan 2:15-17.
(1 Corinto 7:37, 38) Pero kung naipasiya ng isang tao sa puso niya na huwag mag-asawa at desidido siya rito, at hindi niya nadaramang kailangan niyang mag-asawa at nakokontrol niya ang kaniyang mga pagnanasa, mapapabuti siya. 38 Ang nag-aasawa ay napapabuti rin, pero ang hindi nag-aasawa ay mas napapabuti.
Pagiging Walang Asawa —Pintuan sa Gawaing Walang Abala
14 Ang isang Kristiyanong walang asawa na gumagamit ng kaniyang kalagayang walang asawa upang magtaguyod ng mapag-imbot na mga tunguhin ay hindi gumagawa ng ‘lalong mabuti’ kaysa sa mga Kristiyanong may asawa. Nananatili siyang walang asawa, hindi “dahil sa kaharian ng mga langit,” kundi dahil sa personal na mga kapakanan. (Mateo 19:12) Ang binata o dalaga ay dapat na “nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon,” nababalisa na ‘makamit ang pagsang-ayon ng Panginoon,’ at nasa “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” Nangangahulugan ito ng pag-uukol ng di-nababahaging pansin sa paglilingkod kay Jehova at kay Kristo Jesus. Tanging sa paggawa nito ang mga Kristiyanong lalaki at babaing walang asawa ay gumagawa ng ‘lalong mabuti’ kaysa sa mga Kristiyanong may asawa.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Corinto 7:11) Pero kung makipaghiwalay siya, dapat siyang manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa asawa niya; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang asawa niya.
KARAGDAGANG IMPORMASYON
Kung minsan, may mga Kristiyano na nagdedesisyong makipaghiwalay sa asawa nila kahit wala namang nangyaring imoralidad. (1 Corinto 7:11) Puwedeng pag-isipan ng isang Kristiyano na makipaghiwalay sa sumusunod na mga sitwasyon.
• Sinasadyang di-pagbibigay ng sustento: Ayaw maglaan ng materyal na pangangailangan ang asawang lalaki, hanggang sa punto na wala nang magastos o makain ang pamilya.—1 Timoteo 5:8.
• Pambubugbog: Matinding pananakit ng asawa hanggang sa punto na nanganganib na ang kalusugan o buhay ng asawa nito.—Galacia 5:19-21.
• Panganib na masira ang kaugnayan kay Jehova: Hindi makapaglingkod kay Jehova ang isa dahil sa asawa niya.—Gawa 5:29.
(1 Corinto 7:36) Pero kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat para sa isang walang asawa at lampas na siya sa kasibulan ng kabataan, ito ang gawin niya: Mag-asawa siya kung iyon ang gusto niyang gawin. Hindi siya nagkakasala.
Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig
Kung gayon, ang mga kabataan ay hindi dapat magmadali sa pag-aasawa kapag una nilang naranasan ang pagkapukaw ng seksuwal na mga simbuyo. Ang pag-aasawa ay nangangailangan ng pangako, at ang pagtupad sa gayong pananagutan ay humihiling ng pagkamaygulang. (Genesis 2:24) Mas mabuti ang maghintay hanggang ang isa ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan”—ang yugto kapag ang seksuwal na mga damdamin ay malakas at maaaring pumilipit sa pagpapasiya ng isa. (1 Corinto 7:36) At ano ngang kamangmangan at kasalanan para sa isang adulto na nagnanais mag-asawa na masangkot sa imoral na mga kaugnayan dahil lamang sa walang matagpuang mapapangasawa!
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Corinto 8:1-13) Ngayon may kinalaman sa pagkaing inihandog sa mga idolo: Totoo, may kaalaman tayong lahat tungkol dito. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, pero ang pag-ibig ay nagpapatibay. 2 Kung iniisip ng sinuman na alam na niya ang lahat tungkol sa isang bagay, akala lang niya iyon. 3 Pero kung iniibig ng sinuman ang Diyos, kilala niya siya. 4 Kung tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa mga idolo, alam natin na walang halaga ang idolo at na iisa lang ang Diyos. 5 Dahil kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, at maraming “diyos” at “panginoon” ang mga tao, 6 alam natin na iisa lang ang Diyos, ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kaniya; at iisa lang ang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay umiral ang lahat ng bagay, at nabuhay tayo sa pamamagitan niya. 7 Pero hindi lahat ng tao ay nakaaalam nito. At kapag kumakain ang ilan, na dating sumasamba sa idolo, naiisip pa rin nila na ang kinakain nila ay inihain sa idolo, at dahil mahina ang konsensiya nila, nababagabag sila. 8 Pero hindi tayo magiging mas malapít sa Diyos dahil sa pagkain; hindi tayo napapasamâ kung hindi tayo kumain, at hindi rin tayo napapabuti kung kumain tayo. 9 Pero lagi kayong mag-ingat para hindi maging katitisuran sa mahihina ang karapatan ninyong pumili. 10 Dahil kung ikaw na may kaalaman ay kumain sa templo ng idolo at makita ka ng isang mahina ang konsensiya, hindi ba lalakas ang loob niya hanggang sa puntong kumain na siya ng pagkaing inihandog sa mga idolo? 11 Kaya dahil sa kaalaman mo, napapahamak ang taong mahina, ang iyong kapatid na alang-alang sa kaniya ay namatay si Kristo. 12 Kapag nagkasala kayo sa inyong mga kapatid sa ganitong paraan at nasugatan ang kanilang mahinang konsensiya, nagkakasala kayo kay Kristo. 13 Kaya kung natitisod ang kapatid ko dahil sa pagkain, hinding-hindi na ako kakain ng karne para hindi ko matisod ang kapatid ko.
ABRIL 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CORINTO 10-13
“Si Jehova ay Tapat”
(1 Corinto 10:13) Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao. Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Isinulat ni apostol Pablo na ‘hindi hahayaan ni Jehova na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin.’ (1 Cor. 10:13) Ibig bang sabihin nito na patiunang inaalam ni Jehova kung ano ang matitiis natin at saka niya pinipili ang mga pagsubok na haharapin natin?
▪ Tingnan ang epekto ng gayong pananaw. Isang brother, na may anak na nagpakamatay, ang nagtanong: ‘Patiuna bang inalam ni Jehova na makakayanan namin ng misis ko ang pagpapakamatay ng aming anak, kung kaya ipinahintulot niya ito?’ Makatuwiran bang maniwala na minamaniobra ni Jehova ang bawat nangyayari sa buhay natin?
Kung susuriin natin nang higit ang pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 10:13, aakayin tayo nito sa ganitong konklusyon: Walang makakasulatang dahilan para maniwalang patiunang inaalam ni Jehova ang matitiis natin at saka niya pinipili ang mga pagsubok na mapapaharap sa atin batay rito. Tingnan ang apat na dahilan.
Una, binigyan tayo ni Jehova ng malayang kalooban. Gusto niyang tayo ang magdesisyon para sa buhay natin. (Deut. 30:19, 20; Jos. 24:15) Kung pipiliin natin ang tamang landas, makaaasa tayong papatnubayan ni Jehova ang mga hakbang natin. (Kaw. 16:9) Pero kung pipiliin natin ang maling landas, mararanasan natin ang mga epekto nito. (Gal. 6:7) Kaya kung pipiliin ni Jehova ang mga pagsubok na haharapin natin, hindi ba binabale-wala niya ang ating malayang kalooban?
Ikalawa, hindi tayo ipinagsasanggalang ni Jehova mula sa mga “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Baka maaksidente tayo nang malubha dahil nasa maling lugar tayo sa maling pagkakataon. Binanggit ni Jesus ang isang trahedya na ikinamatay ng 18 katao nang mabagsakan sila ng isang tore, at sinabi niya na hindi iyon kalooban ng Diyos. (Luc. 13:1-5) Makatuwiran bang isipin na patiuna nang ipinapasiya ng Diyos kung sino ang makaliligtas at kung sino ang mamamatay sa mga di-inaasahang pangyayari?
Ikatlo, bawat isa sa atin ay sangkot sa isyu ng katapatan. Alalahanin na hinamon ni Satanas ang katapatan ng lahat ng naglilingkod kay Jehova, at iginigiit niya na hindi tayo mananatiling matapat kay Jehova sa harap ng mga pagsubok. (Job 1:9-11; 2:4; Apoc. 12:10) Kung hahadlangan ni Jehova ang ilang pagsubok na mapapaharap sa atin dahil iniisip niyang hindi natin matitiis ang mga ito, hindi ba patutunayan nito na tama ang paratang ni Satanas na naglilingkod tayo sa Diyos dahil sa pansariling interes?
Ikaapat, hindi kailangang alamin ni Jehova ang bawat mangyayari sa atin. Para patiunang mapili ng Diyos ang mga pagsubok na haharapin natin, dapat ay alam niya ang lahat ng mangyayari sa buhay natin. Pero hindi makakasulatan ang gayong pananaw. Oo, may kakayahan ang Diyos na patiunang malaman ang mga mangyayari sa hinaharap. (Isa. 46:10) Pero ipinakikita ng Bibliya na pinipili niya kung ano ang patiuna niyang aalamin. (Gen. 18:20, 21; 22:12) Kaya naman balanse siya sa paggamit ng kakayahan niyang ito bilang paggalang sa ating malayang kalooban. Hindi ba iyan naman ang aasahan natin mula sa Diyos na nagpapahalaga sa ating kalayaan at laging nagpapakita ng kaniyang mga katangian sa balanseng paraan?—Deut. 32:4; 2 Cor. 3:17.
Kaya paano natin dapat unawain ang pananalita ni Pablo na ‘hindi hahayaan ng Diyos na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin’? Tinutukoy rito ni Pablo ang ginagawa ni Jehova hindi bago dumating ang pagsubok, kundi habang nangyayari ito. Tinitiyak nito sa atin na anumang pagsubok ang dumating, aalalayan tayo ni Jehova kung magtitiwala tayo sa kaniya. (Awit 55:22) Ang nakapagpapatibay na mga salita ni Pablo ay salig sa dalawang mahalagang katotohanan.
Una, ang mga pagsubok na hinaharap natin ay “karaniwan sa mga tao.” Ang gayong mga pagsubok ay makakayanan natin kung magtitiwala tayo sa Diyos. (1 Ped. 5:8, 9) Sa konteksto ng 1 Corinto 10:13, tinutukoy ni Pablo ang mga pagsubok na napaharap sa mga Israelita sa ilang. (1 Cor. 10:6-11) Ang mga pagsubok na iyon ay nararanasan din ng ibang tao at kayang batahin ng tapat na mga Israelita. Apat na beses na sinabi ni Pablo na ang “ilan sa kanila” ay sumuway. Nakalulungkot, nagpadala ang ilang Israelita sa kanilang maling mga pagnanasa dahil hindi sila nagtiwala sa Diyos.
Ikalawa, “ang Diyos ay tapat.” Sa mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan, ipinakikita niya ang kaniyang matapat na pag-ibig doon “sa mga umiibig sa kaniya at doon sa mga tumutupad ng kaniyang mga utos.” (Deut. 7:9) Ipinakikita rin nito na tapat siya sa mga pangako niya. (Jos. 23:14) Dahil sa katapatan ng Diyos, makapagtitiwala ang mga umiibig at sumusunod sa kaniya na tutuparin niya ang dalawang pangakong ito: (1) Hindi niya hahayaan ang anumang pagsubok na umabot sa puntong hindi na ito matitiis, at (2) “gagawa rin siya ng daang malalabasan” para sa kanila.
Kapag may pagsubok, paano gumagawa si Jehova ng daang malalabasan para sa mga nagtitiwala sa kaniya? Siyempre pa, kung kalooban niya, kaya niya itong alisin. Pero tandaan ang sinabi ni Pablo: “Gagawa rin [si Jehova] ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” Kaya sa maraming sitwasyon, gumagawa siya ng “daang malalabasan” sa pamamagitan ng pagbibigay ng kailangan natin para mabata ang mga pagsubok. Pansinin ang ilang paraan kung paano ito ginagawa ni Jehova:
▪ Tayo ay ‘inaaliw niya sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Cor. 1:3, 4) Puwedeng payapain ni Jehova ang puso at isip natin, at pagaanin ang ating damdamin sa pamamagitan ng kaniyang Salita, banal na espiritu, at espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin.—Mat. 24:45; Juan 14:16, Roma 15:4.
▪ Matutulungan niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Juan 14:26) Kapag may pagsubok, maipaaalaala sa atin ng espiritu ang mga ulat at mga simulain sa Bibliya para malaman natin ang mga hakbang na dapat nating gawin.
▪ Puwede niyang gamitin ang kaniyang mga anghel para sa kapakanan natin.—Heb. 1:14.
▪ Puwede niyang gamitin ang mga kapananampalataya natin. Ang kanilang salita at gawa ay maaaring maging “tulong na nagpapalakas” sa atin.—Col. 4:11.
Kaya ano ang konklusyon natin tungkol sa pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 10:13? Hindi pinipili ni Jehova ang mga pagsubok na mapapaharap sa atin. Pero kapag bumangon ang mga ito, makatitiyak tayo: Kung lubusan tayong magtitiwala kay Jehova, hindi niya hahayaan ang mga pagsubok na umabot sa puntong hindi na natin makakayanan ang mga ito; lagi siyang gagawa ng daang malalabasan para mabata natin ang mga ito. Talagang nakapagpapatibay iyan!
(1 Corinto 10:13) Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao. Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.
(1 Corinto 10:13) Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao. Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Corinto 10:8) Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, kung kaya 23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit sinasabi ng 1 Corinto 10:8 na 23,000 Israelita ang nabuwal sa isang araw dahil sa pakikiapid, samantalang 24,000 ang bilang na binabanggit sa Bilang 25:9?
May ilang posibleng dahilan kung bakit magkaiba ang bilang na binanggit sa dalawang talatang ito. Ang pinakasimpleng dahilan ay maaaring ang aktuwal na bilang ay nasa pagitan ng 23,000 at 24,000, kaya maaari itong baguhin tungo sa mas mataas o mas mababang buong bilang.
Isaalang-alang ang isa pang posibilidad. Binanggit ni apostol Pablo ang ulat hinggil sa mga Israelita sa Sitim bilang babalang halimbawa sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto, isang lunsod na kilalang-kilala sa mahalay nitong paraan ng pamumuhay. Sumulat siya: “Ni mamihasa man tayo sa pakikiapid, kung paanong ang ilan sa kanila ay nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.” Sa pagbubukod sa mga pinatay ni Jehova dahil sa pakikiapid, binanggit ni Pablo ang bilang na 23,000.—1 Corinto 10:8.
Gayunman, sinasabi sa atin ng Bilang kabanata 25 na “lumakip ang Israel sa Baal ng Peor; at ang galit ni Jehova ay nagsimulang lumagablab laban sa Israel.” Pagkatapos, iniutos ni Jehova kay Moises na patayin ang “lahat ng pangulo ng bayan.” Inutusan naman ni Moises ang mga hukom na tuparin ang utos na iyon. Sa wakas, nang agad na kumilos si Pinehas upang patayin ang Israelitang nagdala ng isang babaing Midianita sa loob ng kampo, “natigil ang salot.” Nagtapos ang ulat sa pananalitang: “Yaong mga namatay sa salot ay umabot ng dalawampu’t apat na libo.”—Bilang 25:1-9.
Lumilitaw na kasama sa bilang na binanggit sa Bilang ang mga “pangulo ng bayan” na pinatay ng mga hukom at yaong mga tuwirang pinatay ni Jehova. Maaaring isang libo ang mga pangulong iyon na namatay sa kamay ng mga hukom, anupat umabot ang bilang sa 24,000. Sila man ay nakiapid, nakibahagi sa mga kapistahan, o sumang-ayon sa mga gumawa ng gayon, ang mga pangulo, o mga pasimunong ito, ay nagkasala sa ‘paglakip sa Baal ng Peor.’
Tungkol sa salitang ‘paglakip,’ ipinaliwanag ng isang reperensiyang akda sa Bibliya na maaari itong mangahulugang “ipasakop ng isa ang kaniyang sarili sa ibang tao.” Ang mga Israelita ay isang bayang nakaalay kay Jehova, ngunit nang “lumakip [sila] sa Baal ng Peor,” sinira nila ang kanilang nakaalay na kaugnayan sa Diyos. Pagkalipas ng mga 700 taon, ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Oseas: “Sila ay pumaroon kay Baal ng Peor, at inialay nila ang kanilang sarili sa kahiya-hiyang bagay, at sila ay naging kasuklam-suklam na gaya ng bagay na kanilang iniibig.” (Oseas 9:10) Ang lahat ng gumawa ng gayon ay nararapat sa di-kaayaayang hatol ng Diyos. Kaya pinaalalahanan ni Moises ang mga anak ni Israel: “Ang inyong sariling mga mata ang nakakita sa ginawa ni Jehova may kinalaman sa Baal ng Peor, na ang bawat taong sumunod sa Baal ng Peor ang nilipol ni Jehova na iyong Diyos mula sa gitna mo.”—Deuteronomio 4:3.
(1 Corinto 11:5, 6) pero ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula nang walang lambong ang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo, dahil para na rin siyang babaeng ahit ang ulo. 6 Dahil kung hindi naglalambong ang isang babae, magpagupit na rin siya; pero kung kahiya-hiya na magupitan o maahitan ang isang babae, dapat siyang maglambong.
(1 Corinto 11:10) Kaya naman ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa ulo niya, dahil sa mga anghel.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailangan bang maglambong ang isang babaeng mamamahayag ng Kaharian kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya at naroon ang isang lalaking mamamahayag?
▪ Sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” na lumabas sa Ang Bantayan, Hulyo 15, 2002, sinabi na dapat maglambong ang isang sister kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya kasama ang isang lalaking mamamahayag, bautisado man ito o hindi. Pero ipinahihiwatig ng higit pang pagsusuri tungkol dito na kailangang gumawa ng pagbabago sa tagubiling ito.
Kung ang lalaking mamamahayag na kasama ng isang sister sa pagdaraos ng regular na pag-aaral sa Bibliya ay bautisado, tiyak na gugustuhin ng sister na maglambong. Sa gayon, ipinakikita ng sister na iginagalang niya ang kaayusan ni Jehova ng pagkaulo sa kongregasyong Kristiyano dahil ang ginagampanan niya ay karaniwang responsibilidad ng isang brother. (1 Cor. 11:5, 6, 10) Pero puwede rin namang ang brother ang pakisuyuan ng sister na magdaos ng pag-aaral kung kuwalipikado siya at nasa kalagayang gawin ito.
Kung ang kasama naman ng isang sister sa pagdaraos ng regular na pag-aaral sa Bibliya ay isang di-bautisadong mamamahayag na lalaki na hindi niya asawa, hindi na siya kailangang maglambong batay sa hinihiling ng Kasulatan. Pero kahit sa ganitong mga sitwasyon, baka ang ilang sister ay udyukan pa rin ng kanilang budhi na maglambong.
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Corinto 10:1-17) Ngayon, mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na ang mga ninuno natin ay lumakad sa ilalim ng ulap at lahat ay tumawid sa dagat 2 at lahat ay nabautismuhan habang sumusunod kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat, 3 at lahat ay kumain ng iisang espirituwal na pagkain 4 at lahat ay uminom ng iisang espirituwal na inumin. Dahil umiinom sila noon mula sa espirituwal na bato na malapit sa kanila, at ang batong iyon ay kumakatawan sa Kristo. 5 Pero hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang pagkamatay nila sa ilang ang nagpapatunay nito. 6 Nagsilbing halimbawa para sa atin ang mga iyon para hindi tayo magnasa ng nakapipinsalang mga bagay gaya nila. 7 Huwag tayong sumamba sa idolo, tulad ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: “Umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.” 8 Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, kung kaya 23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw. 9 Huwag din nating susubukin si Jehova, gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas. 10 Huwag din tayong magbulong-bulungan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kung kaya nilipol sila ng tagapuksa. 11 Ngayon ang mga bagay na ito na nangyari sa kanila ay nagsisilbing halimbawa at isinulat para maging babala sa atin na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito. 12 Kaya ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal. 13 Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao. Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso. 14 Kaya nga, mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya. 15 Kayo ay mga taong may unawa, kaya kayo ang magpasiya kung tama ang sinasabi ko. 16 Kapag umiinom tayo mula sa kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa dugo ng Kristo? Kapag kinakain natin ang tinapay na pinagpipira-piraso natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa katawan ng Kristo? 17 Dahil iisa lang ang tinapay, tayo rin ay iisang katawan lang kahit marami tayo, dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.
ABRIL 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CORINTO 14-16
“Ang Diyos ang Magiging ‘Nag-iisang Tagapamahala ng Lahat’ ”
(1 Corinto 15:24, 25) Kasunod ay ang wakas, kapag ibinigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. 25 Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.
“Ang Kamatayan ay Dadalhin sa Wala”
10 “Ang wakas” ay ang katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na doo’y buong-pagpapakumbaba at buong-katapatang ibibigay ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama. (Apocalipsis 20:4) Natupad na sa panahong iyon ang layunin ng Diyos na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” (Efeso 1:9, 10) Subalit pupuksain muna ni Kristo “ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan” na salungat sa Soberanong kalooban ng Diyos. Higit pa ang nasasangkot dito kaysa sa pagkapuksa na isasagawa sa Armagedon. (Apocalipsis 16:16; 19:11-21) Sinabi ni Pablo: “Kailangang [si Kristo] ay mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:25, 26) Oo, lahat ng bakas ng Adanikong kasalanan at kamatayan ay papawiin na. Kailangan, kung gayon, na ubusin ng Diyos ang laman ng “mga alaalang libingan” sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay.—Juan 5:28.
(1 Corinto 15:26) At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.
Isinasakatuparan ng Kaharian ang Kalooban ng Diyos sa Lupa
21 Kumusta naman ang karaniwang resulta ng sakit at di-maiiwasang epekto ng kasalanan—ang kamatayan? Iyan ang ating “huling kaaway,” ang nag-iisang kaaway na hindi matatalo ng lahat ng di-sakdal na tao. (1 Cor. 15:26) Pero mahihirapan ba si Jehova na puksain ang kaaway na ito? Pansinin ang hula ni Isaias: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isa. 25:8) Ano ang ibig sabihin nito? Walang nang ililibing, wala nang sementeryo, at wala nang iiyak dahil sa pagdadalamhati! Pero iiyak pa rin tayo dahil sa kagalakan habang nakikita nating tinutupad ni Jehova ang kamangha-manghang pangako na bubuhayin niyang muli ang mga patay! (Basahin ang Isaias 26:19.) Sa wakas, mapapawi na ang lahat ng kirot na idinulot ng kamatayan.
(1 Corinto 15:27, 28) Dahil “inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.” Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay. 28 Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay, para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.
Kapayapaan sa Loob ng Isang Libong Taon—At Magpakailanman!
17 Wala nang mas gagandang paglalarawan sa dakilang kasukdulan na ito kaysa sa mga salitang “upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” Ano ang ibig sabihin niyan? Magbalik-tanaw tayo sa Eden, noong sakdal pa sina Adan at Eva at bahagi pa ng mapayapa at nagkakaisang pansansinukob na pamilya ni Jehova. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang tuwirang namamahala sa lahat ng kaniyang nilalang, anghel man o tao. Maaari silang makipag-usap kay Jehova, sumamba sa kaniya, at tumanggap ng kaniyang pagpapala. Siya ang “lahat ng bagay sa bawat isa.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Corinto 14:34, 35) ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, dahil hindi sila pinapahintulutang magsalita. Dapat silang magpasakop, gaya rin ng sinasabi sa Kautusan. 35 Kung may gusto silang matutuhan, sa bahay sila magtanong sa kanilang asawa, dahil kahiya-hiya para sa isang babae na magsalita sa kongregasyon.
Pinagbawalan ba ni Apostol Pablo ang mga Babae na Magsalita?
“Ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon,” ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 14:34) Ano ang ibig niyang sabihin? Minamaliit ba niya ang kanilang talino? Hindi. Madalas nga niyang banggitin ang mahusay na pagtuturo ng mga babae. (2 Timoteo 1:5; Tito 2:3-5) Sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, hindi lang mga babae, kundi pati mga indibiduwal na may kaloob na mga wika at panghuhula ang pinayuhan ni Pablo na “manatiling tahimik” kapag may ibang nagsasalita. (1 Corinto 14:26-30, 33) Malamang na dahil sa sobrang tuwa ng ilang babaing Kristiyano sa kanilang bagong pananampalataya, ginagambala nila ang tagapagsalita para magtanong, gaya ng kaugalian sa lugar na iyon. Para maiwasan ito, hinimok sila ni Pablo na ‘magtanong sa kani-kanilang asawa sa bahay.’—1 Corinto 14:35.
(1 Corinto 15:53) Dahil ang nabubulok ay kailangang maging walang kasiraan, at ang mortal ay kailangang maging imortal.
Kawalang-Kasiraan
Yamang ang mga kasamang tagapagmana ni Jesus ay nagiging kaisa niya sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli, sila rin ay bubuhaying-muli hindi lamang tungo sa buhay na walang hanggan bilang mga espiritung nilalang kundi tungo sa imortalidad at kawalang-kasiraan. Palibhasa sila’y namuhay, naglingkod nang tapat, at namatay taglay ang nasisirang mga katawang-tao, tatanggap naman sila ng di-nasisirang mga katawang espiritu, gaya ng maliwanag na sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 15:42-54. Samakatuwid, maliwanag na ang imortalidad ay tumutukoy sa kalidad ng buhay na tatamasahin nila, na walang-katapusan at di-masisira, samantalang lumilitaw na ang kawalang-kasiraan ay may kinalaman sa organismo o katawan na ibibigay sa kanila ng Diyos, isa na likas na hindi mabubulok, masisira, o mapupuksa. Kung gayon, lumilitaw na pagkakalooban sila ng Diyos ng kapangyarihang sustinihan ang kanilang sarili, anupat hindi na sila aasa sa iba pang pinagmumulan ng enerhiya di-tulad ng iba niyang mga nilalang na laman at espiritu. Ito’y isang nakaaantig na katibayan ng tiwala ng Diyos sa kanila. Gayunman, ang gayong independiyente at di-mapupuksang pag-iral ay hindi nangangahulugan na wala nang kontrol sa kanila ang Diyos. Sila, gaya ng kanilang Ulo na si Kristo Jesus, ay patuloy na magpapasakop sa kalooban at patnubay ng kanilang Ama.—1Co 15:23-28; tingnan ang imortalidad; kaluluwa.
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Corinto 14:20-40) Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata pagdating sa pang-unawa kundi maging bata kung tungkol sa kasamaan; at maging nasa hustong-gulang pagdating sa pang-unawa. 21 Nakasulat sa Kautusan: “ ‘Makikipag-usap ako sa bayang ito sa mga wikang banyaga at sa mga salita ng estranghero, pero hindi pa rin sila magbibigay-pansin sa akin,’ sabi ni Jehova.” 22 Kaya ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay isang tanda para sa mga di-sumasampalataya at hindi sa mga mananampalataya, samantalang ang panghuhula ay para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di-sumasampalataya. 23 Pero kung nagtitipon sa isang lugar ang buong kongregasyon at nagsasalita silang lahat ng iba’t ibang wika, at pumasok ang mga karaniwang tao o di-sumasampalataya, hindi ba sasabihin ng mga ito na baliw kayo? 24 Gayunman, kung nanghuhula kayong lahat at pumasok ang isang di-sumasampalataya o karaniwang tao, siya ay masasaway at maingat na masusuri ng lahat. 25 At magiging malinaw sa kaniya ang laman ng puso niya, kaya susubsob siya at sasamba sa Diyos at sasabihin niya: “Talagang nasa gitna ninyo ang Diyos.” 26 Kaya ano ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag nagtitipon kayo, may umaawit, may nagtuturo, may nagsisiwalat, may nagsasalita ng ibang wika, at may nagsasalin. Gawin ninyo ang lahat ng bagay para mapatibay ang isa’t isa. 27 At kung may nagsasalita ng ibang wika, limitahan ito sa dalawa o tatlo at dapat na maghalinhinan sila; dapat na may tagapagsalin din. 28 Pero kung walang tagapagsalin, mas mabuti pang huwag siyang magsalita sa kongregasyon kundi makipag-usap nang tahimik sa Diyos. 29 Hayaang dalawa o tatlong propeta ang magsalita, at uunawain naman ng iba ang kahulugan. 30 Pero kung may isang nakaupo roon na tumanggap ng pagsisiwalat, tumahimik muna ang nagsasalita. 31 Sa ganitong paraan, makapanghuhula kayong lahat nang isa-isa at matututo at mapapatibay ang lahat. 32 At ang kaloob ng espiritu sa mga propeta ay dapat nilang gamitin sa maayos na paraan. 33 Dahil ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan. Gaya ng sa lahat ng kongregasyon ng mga banal, 34 ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, dahil hindi sila pinapahintulutang magsalita. Dapat silang magpasakop, gaya rin ng sinasabi sa Kautusan. 35 Kung may gusto silang matutuhan, sa bahay sila magtanong sa kanilang asawa, dahil kahiya-hiya para sa isang babae na magsalita sa kongregasyon. 36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos, o sa inyo lang ba ito nakaabot? 37 Kung may nag-iisip na propeta siya o na may kaloob siya ng espiritu, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Pero ang hindi kikilala rito ay hindi rin kikilalanin. 39 Kaya, mga kapatid ko, patuloy ninyong sikaping matanggap ang kaloob na humula, pero huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng iba’t ibang wika. 40 Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.
ABRIL 29–MAYO 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CORINTO 1-3
“Si Jehova—‘Ang Diyos na Nagbibigay ng Kaaliwan sa Anumang Sitwasyon’”
(2 Corinto 1:3) Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon,
‘Makitangis sa mga Tumatangis’
4 Naranasan mismo ng ating Ama ng magiliw na kaawaan ang pagkamatay ng mga minamahal niya, gaya nina Abraham, Isaac, Jacob, Moises, at Haring David. (Bil. 12:6-8; Mat. 22:31, 32; Gawa 13:22) Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na minimithi at pinananabikan ni Jehova ang panahon na bubuhayin niya silang muli. (Job 14:14, 15) Magiging masaya sila at magkakaroon ng magandang kalusugan. Tandaan din na dumanas ng napakasakit na kamatayan ang minamahal na Anak ng Diyos—ang isa na “lubhang kinagigiliwan niya.” (Kaw. 8:22, 30) Hindi natin kayang ilarawan ang kirot na naramdaman ni Jehova dahil dito.—Juan 5:20; 10:17.
(2 Corinto 1:4) ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok, para maaliw rin natin ang iba na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.
‘Makitangis sa mga Tumatangis’
14 Kaya naman, mahirap malaman kung ano ang sasabihin sa nagdadalamhati. Pero sinasabi ng Bibliya na “ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kaw. 12:18) Marami ang nakakita ng nakaaaliw na pananalita mula sa brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Pero ang pinakamagandang magagawa mo ay ang “makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) “Sa pag-iyak, nailalabas ko ang nadarama ko,” ang sabi ni Gaby, na namatayan ng mister. “Kaya naman naaaliw ako kapag kasama kong umiiyak ang mga kaibigan ko. Sa panahong iyon, nadarama kong hindi ako nagdadalamhating mag-isa.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Corinto 1:22) Inilagay rin niya sa atin ang kaniyang tatak; inilagay niya sa ating mga puso ang espiritu bilang garantiya ng darating.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang “palatandaan” at “tatak” na tinatanggap ng bawat pinahirang Kristiyano mula sa Diyos?—2 Cor. 1:21, 22.
▪ Palatandaan: Ayon sa isang reperensiya, ang terminong Griego na isinaling “palatandaan” sa 2 Corinto 1:22 ay “isang teknikal na termino na nauugnay sa batas at negosyo” na nangangahulugang “paunang hulog, deposito, paunang bayad, panagot, na patiunang ibinabayad bilang bahagi ng halaga ng isang bagay na binibili, kaya nagbibigay ito ng legal na karapatan sa isa na ariin ang bagay na iyon, o nagbibigay-bisa sa isang kontrata.” May kaugnayan sa mga pinahiran, ang kabuoang bayad, o gantimpala, na inilalarawan sa 2 Corinto 5:1-5 ay ang pagbibihis ng isang makalangit na katawan na walang-kasiraan. Kasama rin sa gantimpala ang pagtanggap ng kaloob na imortalidad.—1 Cor. 15:48-54.
Sa modernong wikang Griego, isang kahawig na pananalita ang ginagamit para sa engagement ring. Angkop na ilustrasyon ito para sa mga magiging bahagi ng makasagisag na asawa ni Kristo.—2 Cor. 11:2; Apoc. 21:2, 9.
▪ Tatak: Ginagamit noon ang tatak bilang panlagda para patunayan ang pagmamay-ari, autentisidad, o kasunduan. May kaugnayan sa mga pinahiran, sila ay “tinatakan,” o minarkahan, ng banal na espiritu sa makasagisag na paraan bilang pag-aari ng Diyos. (Efe. 1:13, 14) Pero ang tatak na ito ay magiging permanente lang bago mamatay nang tapat ang pinahiran o bago magsimula ang malaking kapighatian.—Efe. 4:30; Apoc. 7:2-4.
(2 Corinto 2:14-16) Pero salamat sa Diyos! Lagi niya tayong inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo, at ginagamit niya tayo para ipalaganap ang halimuyak ng kaalaman tungkol sa kaniya sa lahat ng lugar! 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna ng mga inililigtas at sa gitna ng mga malilipol; 16 sa mga malilipol ay amoy ng kamatayan na umaakay sa kamatayan at sa mga inililigtas ay halimuyak ng buhay na umaakay sa buhay. At sino ang lubusang kuwalipikado para sa mga bagay na ito?
Alam Mo Ba?
Ano ang nasa isip ni apostol Pablo nang banggitin niya ang tungkol sa “prusisyon ng tagumpay”?
▪ Sumulat si Pablo: “[Inaakay tayo ng] Diyos . . . sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo at sa pamamagitan natin ay nagpapabatid ng amoy ng kaalaman tungkol sa kaniya sa bawat dako! Sapagkat sa Diyos tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna niyaong mga inililigtas at sa gitna niyaong mga nalilipol; sa mga huling nabanggit ay isang amoy na nanggagaling sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa mga unang nabanggit ay isang amoy na nanggagaling sa buhay tungo sa buhay.”—2 Corinto 2:14-16.
Ang tinutukoy ni Pablo ay ang kaugaliang Romano na pagkakaroon ng prusisyon para parangalan ang isang heneral sa kaniyang tagumpay laban sa mga kaaway ng Estado. Sa gayong mga prusisyon, ipinaparada ang mga samsam at mga bihag pati na ang mga torong ihahain habang binibigyang-parangal ang nagwaging heneral at ang kaniyang hukbo. Pagkatapos ng prusisyon, inihahain ang mga toro at malamang na pinapatay ang karamihan sa mga bihag.
Ang “mabangong amoy ni Kristo” na sagisag ng buhay para sa ilan at kamatayan naman para sa iba ay “malamang na nakuha sa kaugaliang Romano na pagsusunog ng insenso habang nagpuprusisyon,” ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia. “Ang mabangong amoy na sagisag ng tagumpay para sa mga manlulupig ay nagpapaalaala sa mga bihag na malamang na malapit na silang patayin.”
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Corinto 3:1-18) “Kailangan ba ulit naming magpakilala sa inyo? O gaya ng iba, kailangan ba naming magbigay sa inyo ng mga liham ng rekomendasyon o tumanggap nito mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang liham namin, na nakasulat sa aming mga puso at nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan. 3 Malinaw na kayo ay isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga lingkod, na isinulat hindi gamit ang tinta kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng laman, sa mga puso. 4 Sa harap ng Diyos, taglay namin ang pagtitiwalang ito sa pamamagitan ng Kristo. 5 Hindi namin sinasabi na lubusan kaming kuwalipikado sa gawaing ito dahil sa sarili naming kakayahan; naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos. 6 Dahil sa kaniya, naging lubusan kaming kuwalipikado na maging mga lingkod ng isang bagong tipan, na ginagabayan ng espiritu at hindi ng isang nasusulat na Kautusan; dahil ang nasusulat na Kautusan ay nagpapataw ng hatol na kamatayan, pero ang espiritu ay bumubuhay. 7 Ngayon, kung ang Kautusan na nagpapataw ng kamatayan at nakaukit sa bato ay napakaluwalhati kung kaya hindi matitigan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito—isang kaluwalhatiang aalisin— 8 hindi ba mas maluwalhati ang mga bagay na kayang gawin ng espiritu? 9 Dahil kung maluwalhati ang Kautusan na nagpapataw ng hatol na kamatayan, di-hamak na mas maluwalhati ang paglalapat ng katuwiran! 10 Ang totoo, kahit ang ginawang maluwalhati noon ay naalisan ng kaluwalhatian dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito. 11 Dahil kung ang isang bagay na aalisin ay dumating nang may kaluwalhatian, di-hamak na mas maluwalhati ang mananatili! 12 Dahil mayroon tayong gayong pag-asa, malaya tayong nakapagsasalita, 13 at hindi tayo gaya ni Moises na nagtakip ng tela sa mukha niya para hindi matitigan ng mga Israelita ang katapusan ng bagay na aalisin. 14 Pero pumurol ang isip nila. Hanggang ngayon, nananatiling nakatakip ang telang iyon kapag binabasa ang lumang tipan, dahil maaalis lang iyon sa pamamagitan ni Kristo. 15 Ang totoo, hanggang sa araw na ito, natatalukbungan ang puso nila tuwing binabasa ang mga isinulat ni Moises. 16 Pero kapag ang isa ay bumabaling kay Jehova, naaalis ang talukbong. 17 Si Jehova ang Espiritu, at may kalayaan kung nasaan ang espiritu ni Jehova. 18 At habang ipinaaaninag natin na gaya ng salamin ang kaluwalhatian ni Jehova dahil hindi natatakpan ang mukha natin, tayong lahat ay nababago nang eksakto kung paano ito ginagawa ni Jehova na Espiritu; nagiging mas kawangis tayo ng Diyos at mas naipaaaninag natin ang kaluwalhatian niya.