Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/8 p. 18-20
  • Ang Pakikipagbaka Ko sa Isang Nakapanghihinang Karamdaman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pakikipagbaka Ko sa Isang Nakapanghihinang Karamdaman
  • Gumising!—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Interstitial Cystitis?
    Gumising!—2001
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2001
  • Ang Pagsulong sa Paggamot sa Kirot
    Gumising!—1994
  • Ang Pagbabata Ko sa Sakit na RSD
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/8 p. 18-20

Ang Pakikipagbaka Ko sa Isang Nakapanghihinang Karamdaman

AYON SA SALAYSAY NI TANYA SALAY

Bago nitong nakalipas na mga taon, ako ay isang napakasiglang ina at isang buong-panahong ministro sa maliit na bayan ng Luverne, Alabama. Ang buhay rito ay mapayapa at mabagal ang takbo. Ang lahat ay waring mabuti naman sa amin ng asawa kong si Duke at ng aking batang anak na lalaki, si Daniel. Pagkatapos, ang isang simpleng operasyon ay humantong sa isang malaking pagbabago sa aming istilo ng pamumuhay.

NAGSIMULA ang aming mga problema nang ako’y inalisan ng matris noong 1992. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagsimula akong makaramdam ng walang-tigil na matinding kirot at madalas na pag-ihi (50 hanggang 60 beses sa isang araw). Kaya, gumawa ng isang appointment ang aking gynecologist (espesyalista sa mga sakit ng mga babae) para sa akin sa isang urologo (espesyalista sa daanan ng ihi at mga sakit nito) sa pagsisikap na matiyak ang pinagmumulan ng problema.

Nagpunta ako sa isang ospital para sa ilang pagsubok. Sa aking unang pagdalaw, nasuri ng urologo ang aking problema​—interstitial cystitis (IC), o nakapanghihinang pamamaga ng pantog. Hindi ito madaling masuri sapagkat ang mga sintomas ng IC ay nahahawig sa ibang sakit sa sistema ng pag-ihi. Isa pa, walang tiyak na pagsubok upang makilala ang IC. Samakatuwid, dapat munang tiyakin ng mga doktor na hindi ito ibang sakit bago nila tanggapin ang isang diyagnosis ng IC.

Tahasang sinabi ng aming doktor na yamang ang paggamot ay walang gaanong epekto, ang magiging resulta ay ang pag-aalis sa pantog! Sinabi niyang may iba pang paggamot subalit ang mga ito ay pawang hindi matagumpay. Sabihin pa, iyan ay isang nakagigitlang balita sa amin. Mabuti naman ang aking kalusugan hanggang nang panahong iyon. Bilang mga Saksi ni Jehova, kami ni Duke ay nasa buong-panahong ministeryo sa loob ng ilang taon, at ngayon ay sinabihan ako na kailangang alisin ang aking pantog. Natutuwa ako’t sinuportahan akong mabuti ng aking asawa.

Nagpasiya kaming humanap ng ibang urologo. Sumubok kami ng ilang doktor. Nakalulungkot, nang panahong iyon maraming doktor ang kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa IC. At, maraming urologo ang may sariling mga teoriya tungkol sa IC, kaya iba-iba ang inirerekomendang paggamot ng bawat doktor. Ganito ang sabi ng isang medikal na babasahin: “Ang karamdaman ay may tendensiyang maging paulit-ulit.” Isa pang babasahin ang nagsabi: “Wala pang nasusumpungang lunas ang mga siyentipiko para sa IC, ni mahuhulaan man nila kung sino ang pinakamabuting tutugon sa alinmang paggamot. . . . Dahil sa hindi nalalaman ng mga doktor kung ano ang mga sanhi ng IC, ang mga paggamot ay nakatuon sa pagpapaginhawa sa mga sintomas.”

Napakakirot ng nararamdaman ko dahil sa pamumulikat at madalas na pag-ihi anupat handa akong subukin ang halos lahat ng imungkahi ng mga doktor. Nasubok ko na ang mahigit sa 40 iba’t ibang paggamot pati na ang mga halamang-gamot, acupuncture, nerve block, epidural at spinal injection, at transcutaneous electrical nerve stimulation (TENS), kung saan pumapasok sa katawan ang bahagyang mga electrical pulse sa loob ng ilang minuto o oras. Nagsaliksik ako nang husto, na sa paano man ay nakatulong sa akin na maunawaan nang kaunti ang tungkol sa kung ano ang nangyayari.

Sa kasalukuyan, umiinom ako ng methadone, na isang pamawi ng kirot, kasama ng anim na iba pang mga gamot. Regular din akong pumupunta sa isang klinika para sa kirot, kung saan tumatanggap ako ng epidural injection at mga steroid upang makayanan ko ang kirot. Para naman sa madalas na pag-ihi, nagtutungo ako sa ospital tuwing ikatlo o ikaapat na buwan para sa isang pamamaraang tinatawag na hydrodistension, kung saan ginagamit ang likido upang palakihin ang pantog na parang lobo. Ginawa na ito sa akin nang ilang beses. Karaniwang nakagiginhawa ito sa akin sa loob ng ilang buwan. Mahigit na 30 beses na akong labas-pasok sa ospital sa nakalipas na ilang taon.

Kumusta naman ang hinggil sa sukdulang lunas, ang pag-aalis sa pantog? Ganito ang sabi ng isang awtoridad: “Karamihan sa mga doktor ay atubiling mag-opera sapagkat ang resulta ay mahirap mahulaan sa bawat pasyente​—ang ilang tao ay naoperahan na gayunma’y may mga sintomas pa rin.” Kaya sa kasalukuyan ay hindi ko isinasaalang-alang ang mapagpipiliang iyan.

Kung minsan ay napakatindi at walang-tigil ang pagkirot anupat madaling mawalan ng pag-asa. Naisip ko pa nga na magpakamatay na lang. Subalit hindi ko lubos-maisip ang upasala na idudulot ng gayong landasin sa pangalan ni Jehova. Nakita ko ang kahalagahan ng panalangin at personal na pag-aaral gayundin ang pagkakaroon ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova, sapagkat hindi mo kailanman nalalaman kung ano ang maaaring mangyari na babago sa iyong buhay. Ang kaugnayang ito ay literal na nagligtas sa aking buhay sa panahon ng aking pagkakasakit, yamang batid ko na kung wala ang kaugnayang ito ay malamang na nagpakamatay na ako.

Habang ginugunita ko ang mahigit na siyam na taon na ito, nakita ko kung gaano kabilis magbago ang buhay. Pinahahalagahan ko ang pananalita sa Eclesiastes 12:1, na nagsasabi: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ” Ako’y labis na nagpapasalamat na nagsimula ako sa buong-panahong ministeryo nang ako’y 15 taóng gulang at nakapagpatuloy sa loob halos ng 20 taon. Noong panahong iyan ay nagkaroon ako ng malapit na kaugnayan kay Jehova.

Ako’y nagpapasalamat kay Jehova para sa aking asawa at sa aking anak, si Daniel, na lubusang umalalay sa akin. Gayundin, totoong nakapagpapasigla kapag ang mga nasa kongregasyon ay tumatawag sa telepono o dumadalaw sa akin. Mahirap para sa akin na lumabas sa taglamig sapagkat pinalalala ng lamig ang mga pulikat. Kung magkagayon ay nagpapatotoo ako sa pamamagitan ng telepono, na nagpapanatili sa pag-asa ng Paraiso na laging nasa isipan at tunay sa akin. Tumitingin ako sa hinaharap sa panahon kapag ang sakit at ang pagdurusa ay mababaon na sa limot at hindi na muling maaalaala.​—Isaias 33:24.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share