Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/22 p. 5-7
  • Sino ang “Tanging Tunay na Diyos”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang “Tanging Tunay na Diyos”?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Posisyon ni Jesus sa Langit
  • Pangalan ng Kordero at Pangalan ng Ama
  • Ang Trinidad​—Kaninong Turo Ito?
  • Ang Ama​—Nakatataas sa Anak
  • Ang Trinidad at ang Simbahan
  • Ang Sinaunang Pinagmulan ng Trinidad
  • Mga Tanong sa Pag-aaral ng Brochure na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
  • Si Jesu-Kristo—Ang Sinisintang Anak ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Bahaging 1—Itinuro ba ni Jesus at ng kaniyang mga Alagad ang Doktrina ng Trinidad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
    Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/22 p. 5-7

Sino ang “Tanging Tunay na Diyos”?

MADALAS manalangin si Jesus sa Diyos, na tinatawag niyang Ama, at tinuruan din niya ang iba na gawin iyon. (Mateo 6:9-11; Lucas 11:1, 2) Sa pananalangin kasama ang kaniyang mga apostol​—ilang oras na lamang bago siya mamatay​—nagsumamo si Jesus: “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong anak, upang luwalhatiin ka ng iyong anak. Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:1, 3.

Pansinin na nananalangin si Jesus sa Isa na tinatawag niyang “ang tanging tunay na Diyos.” Tinukoy niya ang nakatataas na posisyon ng Diyos nang sabihin pa niya: “Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Yamang nanalangin si Jesus sa Diyos anupat humiling na makapiling niya ang Diyos, paano mangyayari na si Jesus din “ang tanging tunay na Diyos”? Suriin natin ang bagay na ito.

Ang Posisyon ni Jesus sa Langit

Ilang oras pagkatapos ng panalanging ito, pinatay si Jesus. Ngunit hindi siya nanatiling patay nang napakatagal​—mula Biyernes ng hapon hanggang Linggo ng umaga lamang. (Mateo 27:57–28:6) “Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos,” ang ulat ni apostol Pedro, “na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:31, 32) Binuhay kayang muli ni Jesus ang kaniyang sarili? Hindi, ayon sa Bibliya, ang mga patay “ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) “Ang tanging tunay na Diyos,” ang makalangit na Ama ni Jesus, ang bumuhay-muli sa kaniyang Anak.​—Gawa 2:32; 10:40.

Hindi nagtagal pagkatapos nito, pinatay ng relihiyosong mga mang-uusig ang alagad ni Jesus na si Esteban. Noong babatuhin na nila siya, binigyan ng pangitain si Esteban. Sinabi niya: “Narito! Namamasdan kong bukás ang langit at ang Anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gawa 7:56) Sa gayon, nakita ni Esteban si Jesus, “ang Anak ng tao,” na gumaganap ng papel bilang isa na sumusuporta sa layunin ng Diyos sa langit​—“sa kanan ng Diyos”​—​kung paanong ‘kapiling siya ng Diyos’ bago siya pumarito sa lupa.​—Juan 17:5.

Nang maglaon, matapos patayin si Esteban, makahimalang nagpakita si Jesus kay Saul, na lalong kilala sa kaniyang pangalang Romano na Pablo. (Gawa 9:3-6) Noong si Pablo ay nasa Atenas, Gresya, binanggit niya ang tungkol sa “Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto.” Sinabi niyang ang Diyos na ito, ang “tanging tunay na Diyos,” ay ‘hahatol sa tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.’ (Gawa 17:24, 31) Dito, inilarawan ni apostol Pablo si Jesus bilang “isang lalaki,” isang tao​—oo, mas nakabababa sa Diyos​—​na binuhay-muli ng Diyos upang mabuhay sa langit.

Inilarawan din ni apostol Juan na si Jesus ay nakabababa sa Diyos. Sinabi ni Juan na isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo upang maniwala ang mga mambabasa na “si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos”​—na hindi siya ang Diyos. (Juan 20:31) Nakatanggap din si Juan ng pangitain mula sa langit na doo’y nakita niya “ang Kordero,” na sa kaniyang Ebanghelyo ay ipinakilala bilang si Jesus. (Juan 1:29) Nakatayo ang Kordero kasama ang 144,000 iba pa, na ayon kay Juan ay “binili [o binuhay-muli] mula sa lupa.” Ipinaliliwanag ni Juan na ang 144,000 ay may “pangalan [ng Kordero] at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.”​—Apocalipsis 14:1, 3.

Masasabi ba kung gayon na “ang Kordero” ay siya ring tinutukoy na “kaniyang Ama”? Maliwanag na hindi. Sa Bibliya, sila ay magkaiba. Magkaiba pa nga ang pangalan nila.

Pangalan ng Kordero at Pangalan ng Ama

Gaya ng tinalakay na natin, ang pangalang ibinigay sa Anak ng Diyos, ang Kordero, ay Jesus. (Lucas 1:30-32) Ano naman ang pangalan ng kaniyang Ama? Libu-libong beses itong lumilitaw sa Bibliya. Halimbawa, sinasabi ng Awit 83:18: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Nakalulungkot, ang pangalan ng Diyos na Jehova sa maraming salin ng Bibliya ay pinalitan ng mga terminong “PANGINOON” at “DIYOS,” na malimit baybayin sa malalaking titik. Diumano, ipinakikita ng malalaking titik ang pagkakaiba ni Jehova sa iba pang tinatawag na mga diyos o panginoon.a Gayunman, sa maraming salin ng Bibliya, isinauli ang Banal na Pangalan sa wastong dako nito.

Ang American Standard Version (1901) sa wikang Ingles ay isang kapansin-pansing halimbawa ng isang salin ng Bibliya na nagsauli sa pangalan ng Diyos na Jehova sa wastong dako nito. Ganito ang sinasabi sa paunang salita nito: “Ang mga Amerikanong Rebisador, matapos ang maingat na pagsasaalang-alang, ay nagkakaisang naniniwala na ang pamahiing Judio, na nagtuturing na napakasagrado ng Banal na Pangalan upang bigkasin, ay hindi na dapat mangibabaw sa Ingles o sa ano mang ibang bersiyon ng Matandang Tipan, kung paanong hindi rin ito nangingibabaw sa napakaraming bersiyon na gawa ng makabagong mga misyonero.”b

Ang Trinidad​—Kaninong Turo Ito?

Kumusta naman ang turo na si Jehova at si Jesus diumano ay iisang Diyos, gaya ng ipinapahayag ng doktrina ng Trinidad? Ganito ang katuturang ibinigay hinggil sa Trinidad ng magasing The Living Pulpit sa labas nito ng Abril-Hunyo 1999: “May isang Diyos at Ama, isang Panginoong Jesu-Kristo, at isang Banal na Espiritu, tatlong ‘persona’ . . . na magkakatulad o iisa ang kalikasan . . . ; tatlong persona na magkakapantay na Diyos, nagtataglay ng pare-parehong likas na mga katangian, gayunma’y talagang magkakaiba, na kilala sa kani-kanilang mga kakanyahan.”c

Saan ba nagmula ang masalimuot na turong ito ng Trinidad? Sa Mayo 20-27, 1998 na labas ng Christian Century, sinipi ang isang pastor na umamin na ang Trinidad ay “isang turo ng simbahan sa halip na isang turo ni Jesus.” Bagaman hindi turo ni Jesus ang Trinidad, kaayon ba naman ito ng kaniyang itinuro?

Ang Ama​—Nakatataas sa Anak

Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Ama namin na nasa langit ka, sambahin nawa ang pangalan mo.” Ang ating makalangit na Ama, na Jehova ang pangalan, ay inilalarawan sa Bibliya na nakatataas sa kaniyang Anak. Halimbawa, si Jehova ay ‘mula nang walang pasimula hanggang sa walang hanggan.’ Ngunit sinasabi ng Bibliya na si Jesus “ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” Itinuro mismo ni Jesus na si Jehova ay mas dakila kay Jesus nang sabihin niya: “Ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.” (Mateo 6:9; Awit 90:1, 2; Colosas 1:15; Juan 14:28, Ang Biblia) Gayunman, pinanghahawakan ng doktrina ng Trinidad na ang Ama at ang Anak ay ‘magkapantay na Diyos.’

Ang pagiging nakatataas ng Ama sa Anak, gayundin ang katotohanang hiwalay na persona ang Ama, ay itinatampok din sa mga panalangin ni Jesus, tulad ng panalangin niya bago siya patayin: “Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang kopang ito [samakatuwid nga, ang kahiya-hiyang kamatayan]. Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Kung “iisa ang kalikasan” ng Diyos at ni Jesus, gaya ng sinasabi ng doktrina ng Trinidad, bakit waring magkaiba ang kalooban, o naisin, ni Jesus at ng kaniyang Ama?​—Hebreo 5:7, 8; 9:24.

Karagdagan pa, kung si Jehova at si Jesus ay iisa, bakit may mga bagay na isa lamang sa kanila ang nakaaalam? Halimbawa, sinabi ni Jesus hinggil sa oras ng paghatol sa sanlibutan: “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama.”​—Marcos 13:32.

Ang Trinidad at ang Simbahan

Ang Trinidad ay hindi turo ni Jesus ni ng unang mga Kristiyano. Gaya ng nabanggit na, ito ay “isang turo ng simbahan.” Sa labas nito hinggil sa Trinidad noong 1999, sinabi ng The Living Pulpit: “Kung minsan, waring inaakala ng lahat na ang doktrina ng trinidad ay saligang turo ng teolohiyang Kristiyano,” ngunit idinagdag nito na hindi ito “isang ideyang salig sa Bibliya.”

Detalyadong tinalakay ng New Catholic Encyclopedia (1967) ang Trinidad at inamin nito: “Pagkatapos ng lahat ng pagsusuri, ang doktrina ng Trinidad ay naimbento lamang pala noong huling bahagi ng ika-4 na siglo. . . . Ang pormulang ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay hindi matatag na pinagtibay, at tiyak na hindi lubusang tinanggap sa Kristiyanong pamumuhay at pagpapahayag ng pananampalataya, bago natapos ang ika-4 na siglo.”

Sinabi ni Martin Werner, propesor sa University of Bern, Switzerland: “Saanman sa Bagong Tipan tinatalakay ang kaugnayan ni Jesus sa Diyos, ang Ama, ito man ay may kaugnayan sa kaniyang pagparito sa lupa bilang tao o sa kaniyang katayuan bilang Mesiyas, malinaw na nauunawaan at inilalarawan na siya ay nakabababa.” Maliwanag, ang paniniwala ni Jesus at ng unang mga Kristiyano ay ibang-iba sa Trinidad na itinuturo ng mga simbahan sa ngayon. Kung gayon, saan nagmula ang turong ito?

Ang Sinaunang Pinagmulan ng Trinidad

Binabanggit sa Bibliya ang maraming diyos at diyosa na sinamba ng mga tao, kasali na sina Astoret, Milcom, Kemos, at Molec. (1 Hari 11:1, 2, 5, 7) Sa katunayan, maraming tao sa sinaunang bansang Israel ang naniwala noon na si Baal ang tunay na Diyos. Kaya iniharap ng propeta ni Jehova na si Elias ang ganitong hamon: “Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.”​—1 Hari 18:21.

Pangkaraniwan na rin ang pagsamba sa tatluhang mga paganong diyos bago pa isilang si Jesus. “Sa Ehipto nagmula ang ideya ng banal na trinidad,” ang sabi ng istoryador na si Will Durant. Ganito ang isinulat ni James Hastings sa Encyclopædia of Religion and Ethics: “Sa relihiyon ng India, halimbawa, makikita natin ang tatluhang grupo nina Brahmā, Siva, at Viṣṇu; at sa relihiyong Ehipsiyo ay ang tatluhang grupo nina Osiris, Isis, at Horus.”

Kaya maraming diyos. Ganito rin ba ang paniniwala ng unang mga Kristiyano? At itinuring ba nila na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?

[Mga talababa]

a Halimbawa, tingnan ang Awit 110:1 sa King James Version. Parehong sinipi nina Jesus at Pedro ang talatang ito.​—Mateo 22:42-45; Gawa 2:34-36.

b Tingnan ang artikulong “Dapat ba Nating Gamitin ang Pangalan ng Diyos?” sa pahina 31 ng magasing ito.

c Ang Athanasian Creed, na binuo ilang daang taon pagkamatay ni Jesus, ay nagbigay ng ganitong katuturan sa Trinidad: “Ang Ama ay Diyos: ang Anak ay Diyos: at ang Espiritu Santo ay Diyos. Gayunman sila ay hindi tatlong Diyos: kundi iisang Diyos.”

[Larawan sa pahina 7]

EHIPTO

Trinidad nina Horus, Osiris, at Isis, ikalawang milenyo B.C.E.

[Larawan sa pahina 7]

PALMYRA, SIRYA

Trinidad ng diyos na buwan, Panginoon ng Langit, at diyos na araw, mga unang siglo C.E.

[Larawan sa pahina 7]

INDIA

Tatluhang diyos ng mga Hindu, mga ikapitong siglo C.E.

[Larawan sa pahina 7]

NORWAY

Trinidad (Ama, Anak, at Espiritu Santo), mga ika-13 siglo C.E.

[Picture Credit Line sa pahina 7]

Dalawang larawan sa itaas: Musée du Louvre, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share