Ang Paghahalaman ay Mabuti Para sa Iyo
GUSTUNG-GUSTO mo ba ang paghahalaman? Higit pa sa basta kasiyahan lamang ang mapapakinabang mo sa iyong libangan. Natuklasan ng mga mananaliksik ang katunayan na “ang paghahalaman ay mabuti sa iyong kalusugan, nakababawas ng kaigtingan, nagpapababa ng presyon ng dugo at nagpapahaba pa nga ng iyong buhay,” iniulat ng pahayagang Independent ng London.
“Pagkatapos ng isang abala at nakapapagod na maghapon, kaylaking ginhawa na umuwi at magtanim-tanim sa iyong halamanan,” ang sabi ng awtor na si Gay Search. Hindi lamang ito kapaki-pakinabang at kawili-wili kundi mas maganda pa ngang ehersisyo ang paghahalaman kaysa pumunta sa gym. Paano? Ayon kay Search, “ang paghuhukay at pagkakalaykay ay magagandang ehersisyo, na sumusunog ng mas maraming kalori kaysa pamimisikleta.”
Higit na nakikinabang ang matatanda sa pag-aalaga ng halamanan. Ang paghihintay na tumubo ang isang bagong supang o buko ay nakatutulong sa kanila na magkaroon ng positibong pangmalas sa hinaharap. Bukod diyan, “nagsisilbing panlunas ang halamanan sa kirot at pagkabigo” na dulot ng pagtanda, ang sabi ni Dr. Brigid Boardman ng Royal Horticultural Society. Madalas na nasisiraan ng loob ang matatanda dahil lalo silang nagiging nakadepende sa iba. Subalit gaya ng sabi ni Dr. Boardman, “nasasapatan ang pagnanais na magkaroon ng kontrol dahil tayo ang nasusunod kung ano ang itatanim, kung paano aayusin ang halamanan, at kung paano ito aalagaan. Sa gayon, naisasagawang muli ang pagnanais na mag-alaga.”
Karaniwan nang nagiginhawahan ang mga may karamdaman sa pag-iisip kapag sila’y abala sa isang maganda at mapayapang kapaligiran. Bukod diyan, ang pagpapatubo ng mga bulaklak o ng mga pananim na makakain para sa iba ay makatutulong sa gayong mga indibiduwal na manumbalik ang kanilang pagtitiwala at paggalang sa sarili.
Gayunpaman, hindi lamang mga naghahalaman ang nakikinabang sa mga berdeng pananim. Nag-eksperimento si Propesor Roger Ulrich ng University of Texas sa isang grupo ng mga taong inilagay sa isang nakapagpapaigting na pagsubok. Natuklasan niya na yaong mga dinala sa isang maberdeng lugar na napaliligiran ng mga punungkahoy ay mas madaling gumaling—batay sa tibok ng puso at presyon ng dugo—kaysa sa mga hindi dinala roon. Natuklasan din sa katulad na pagsubok na ang mga pasyenteng nagpapagaling sa ospital matapos ang operasyon ay natutulungan kung nasa mga kuwarto sila na doo’y natatanaw ang mga punungkahoy. Kung ihahambing sa ibang mga pasyente, sila’y “mas madaling gumaling, mas maagang makauuwi, di-gaanong nangangailangan ng pamawi ng kirot at di-gaanong dumaraing.”